Umaalingasaw na kasinungalingan at malupit na pasismo ni Duterte
Sa nagdaang mga linggo, walang-kahihiyan si Duterte at kanyang mga pasistang kasapakat sa pambabaluktot sa katotohanan sa imbing layuning siraan ang Partido at rebolusyonaryong kilusan. Isa itong desperadong tangka na bigyang-matwid ang lalong mapaniil na mga hakbangin para supilin ang paglaban ng mamamayang Pilipino sa kanyang paghaharing tiraniko at terorista.
Una, hangal niyang isinakdal ang BHB na diumano’y nasa likod ng pagmasaker ng siyam na magsasaka noong Oktubre 20 sa Sagay, Negros Occidental na nakikibaka para sa kanilang karapatan sa lupa. Napakalaki nitong kabalighuan gayong bago nito’y tinuligsa ng AFP ang mga magsasaka na mga tagasuporta ng BHB. Naghuhugas ng duguang kamay si Duterte sa harap ng nag-uumapaw na ebidensya na ang brutal na pagpatay ay kagagawan ng mga paramilitar na SCAA na pinatatakbo ng AFP. Sinundan pa ang karimarimarim na masaker na ito ng pagpaslang ng mga ahente ng estado sa abugado ng mga pamilya ng mga biktima.
Kamakailan naman, pilit na inilalarawan ni Duterte ang PKP at BHB na kontra-Lumad sa isang buktot na kampanya ng paninira. Napakakapal ng apog ng AFP, mga bayarang kriminal na traydor sa mga Lumad at mga tauhan ni Duterte na nasa unahan ng kampanyang ito. Ang totoo, ang AFP ang walang-habas sa pag-atake sa mga Lumad sa tangkang pilitin silang isuko ang kanilang lupang ninuno para dambungin ng malalaking plantasyon at minahan.
Nais ni Duterte na siraan ng loob ang mamamayan sa pagsumang niya sa BHB, ang kanilang tunay na hukbo na ubos-kayang naglilingkod sa kanila. Imbing hangarin ni Duterte at ng AFP na basagin ang pagkakaisa ng BHB at ng masang anakpawis. Nais niyang pagkaitan ang masa ng katwirang moral na magtanggol laban sa armadong panunupil, pang-aapi at pagsasamantala.
Kasabay ng kampanyang ito, muling itinulak ni Duterte ang kaso para ideklara at tatakang “terorista” ang PKP at BHB. Gagamitin ito upang lalong paghigpitan ang iba’t ibang mga pwersang oposisyon na tinatagurian ng AFP na lihim na kasapakat ng PKP sa hinabing kwentong “Red October.”
Nais isangkalan ni Duterte ang Partido upang palawigin at pasaklawin sa buong bansa ang batas militar na ngayo’y nakapataw sa buong Mindanao. Nagmamadali siyang ipataw ito upang tiyakin ang resulta ng eleksyon sa Mayo 2019 at siguruhin ang kontrol sa kongreso at ang proyektong pederalismo para makapagtagal pa siya sa poder.
Ang kampanya ng pagbato ni Duterte ng malalaking kasinungalingan laban sa rebolusyonaryong kilusan ay kaakibat ng walang-habas na gerang panunupil sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Isang brutal na todong-gera ang isinasagawa ng AFP sa kanayunan na kinatatampukan ng laganap na mga pagpatay, tortyur, pag-aresto at pagkukulong at iba pang mga abusong militar at paglabag sa karapatang-tao, at malalaking operasyong kombat na sinusuportahan ng mga kanyon, helikopter at drone na may ayuda at tuwirang payo ng militar ng US.
Upang lumikha ng ilusyon ng tagumpay, libu-libong magsasaka ang nililinlang o pinipilit na pumarada bilang “sumurender na NPA.” Pero taliwas sa layunin ng AFP, lumalapit ang mga biktima nito sa BHB para isumbong ang pang-aabuso ng militar, humingi ng katarungan at sumuporta sa hukbong bayan.
Sa nakaraang mahigit dalawang taon, dumagsa ang basura ng malalaking kasinungalingan ni Duterte. Walang-sawa si Duterte sa paggamit ng kanyang poder at paglustay ng daan-daang bilyong piso ng pera ng bayan sa paghabi ng pantastikong mga kwento.
Gamit niya ang pasistang doktrina ng Malalaking Kasinungalingan ni Hitler: Ulit-ulitin ang kasinungalingan, hanggang iyon ang paniniwalaang katotohanan; at kung lalong malaki ang kasinungalingan, mas mainam, dahil sino ang mag-iisip na may buhong na gagawa ng dambuhalang pambabaluktot sa katotohanan.
Angkop na angkop ang gayong taktika kay Duterte na matabil, marumi ang bibig, hayok sa atensyon at pasistang uhaw sa dugo. Sa ilalim ng kanyang paghahari, mas malaki at mas salaula ang kasinungalingan, mas marumi at mabaho ang mga itinatagong lihim. Subalit gaanupaman kalaki ang mga ilusyon at huwad na dramang nilikha ni Duterte, bigo siyang pigilang sumingaw ang umaalingasaw na mga sikreto ng kanyang bulok na paghahari.
Sunud-sunod ang huwad na drama ni Duterte na nagsisilbing pantabing sa nagnanaknak na naghaharing sistema at pagkabulok ng kanyang rehimen. Pawang malalaking palabas ang kanyang diumano’y “gera kontra-droga”, “gera kontra-korapsyon,” astang anti-US, maka-kasarinlan at maka-kapayapaan.
Hibang si Duterte sa pag-aakalang lubos niyang mapaniniwala ang mamamayang Pilipino sa likha niyang ilusyon at drama. Malinaw na sa mamamayan na si Duterte ang panginoon ng lahat ng sindikato sa droga, utak ng korapsyon, sunud-sunuran sa US, taksil sa bayan, bentador ng pambansang kasarinlan at numero unong pasista.
Hibang si Duterte sa pag-aakalang mapatatahimik o masisindak niya ang mamamayan sa kanyang pagsisinungaling at pagwasiwas ng karahasan ng estado. Para siyang sirang-plaka sa pagdeklarang pupulbusin niya ang BHB pagsapit ng kalagitnaan ng 2019, matapos mabigo ang unang deklarasyong pupulbusin ang BHB bago magtapos ang 2018. Ang katotohanan, patuloy na sumusulong ang armadong pakikibaka sa buong bansa.
Sa harap ng tumitinding krisis sa ekonomya at kabuhayan, pabigat na buwis at iba pang pahirap na patakaran, burukrata-kapitalistang korapsyon, imperyalistang panghihimasok at pagpapahirap, krimen at narko-pulitika, at lalong malupit na armadong pagsupil sa ilalim ng rehimeng Duterte, lalong dumarami ang nahihikayat na lumahok sa iba’t ibang anyo ng pakikibaka.
Hindi natitinag ang determinasyon ng sambayanang Pilipino na makibaka upang wakasan ang tiraniya at terorismo ni Duterte. Hindi sila natitigatig, bagkus, lalo pang napupukaw na bagtasin ang landas ng armadong rebolusyonaryong paglaban.