Sino si Pomeroy?
Bakit palaging nababanggit ang kanyang pangalan habang nagbabalik-tanaw tayo sa kasaysayan ng Partido?
Siya ang nangungunang ahente sa hanay ng rebisyunistang Lava sa pagkakalat ng kontra-rebolusyonaryong ideya sa loob at labas ng bansa. Ang kanyang mga sinulat ay inilathala ng mga rebisyunistang taksil sa Russia, US at Pilipinas.
Hangang-hanga sa kanya ang mga grupong Lava. Sa librong Ang Larawan ni Pomeroy: Isang Rebisyunistang Taksil, isinaad ni Kasamang Amado Guerrero na ang mga Lava ay “tumitingala (kay Pomeroy) na parang isang awtoridad sa ideolohiya.” Kaya nga sa hanay ng mga rebisyunistang taksil, si Pomeroy ang “may katayuang pinagkatitiwalaang ahente ng sosyal-imperyalismong Sobyet.”
Pero hindi lamang ganoon ang ginampanang papel ni Pomeroy. Sila ni Lava, sa tabing ng rebisyunistang mga pananalita, ay umaaktong mga espesyal na ahente ng imperyalismong US. Ayon kay Guerrero, may sapat na katibayan na si Pomeroy ay “isang lihim na ahente ng imperyalismong US, na may partikular na tungkuling isabotahe ang rebolusyonaryong kilusan ng Pilipinas.”
Dating adbenturistang sundalong Amerikano si Pomeroy na para makapuslit sa rebolusyonaryong kilusang Pilipino ay sumulat ng isang “talambuhay” ni Luis Taruc, na noon ay pinuno ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB). Sa pamamagitan ng “Born of the People” o “Anak ng Bayan,” pinuri niya si Taruc para makapagkalat ng mga kontra-rebolusyonaryong ideya at iba pang oportunismo.
At para makuha ang tiwala ng mga Lava, sinundan ni Pomeroy ang mga ito sa papaling-paling na pamumuno ng lumang pinagsanib na mga partido komunista at sosyalista mula Kanan tungong “Kaliwang” oportunismo at kapitulasyunismo.
Habang sinusulat niya ang “Born of the People,” naglikom ng mga datos paniktik si Pomeroy para sa imperyalismong US. Ani Guerrero: “Mapatutunayan ngayon ng matatandang kasama na pagkatapos makapaglikom si Pomeroy ng mga datos para sa kanyang aklat sa Gitnang Luzon noong 1949, nakapagsagawa ang kaaway ng matatagumpay na pagsalakay sa mga lugar na binisita niya.” Dahil din sa ilang pagdududa mismo ng mga Lava kaya nagdesisyong “patigilin siya sa kampo” sa Sierra Madre sa Southern Luzon noong 1950.
Mga personal na naratibo ng dalawang taksil ang “Born of the People” na “naglalantad at nagpapatotoo sa anti-Marxista at anti-Leninistang pananaw nina Taruc at Pomeroy”. Tuwang-tuwa ang dalawang taksil sa paglalait nila sa masa:
“Nangungusap sila ng pagtatayo ng bagong lipunan, pero karamihan sa kanila ay ni halos hindi marunong sumulat at bumasa.” Ani Guerrero: “Nakalimutan nila na kaya nga may Partido Komunista … ay para isalin sa lenggwahe ng masa ang Marxismo, at mas mahalaga, sa kongkretong rebolusyonaryong praktika.”
Sa pamamagitan ni Pomeroy, nabunyag si Taruc, ang ipinangalandakang “lider ng komunistang Pilipino,” na hindi man lang nakabasa ni isang akda ni Marx. “Hindi ko pa nababasa si Marx, o anuman tungkol sa Marxismo, kaya nga mga berso ng Bibliya ang ginagamit ko para ipagtanggol ang aking pusisyon,” ani Taruc na sipi ni Pomeroy.
Sumuko si Pomeroy sa kaaway nang makubkob ang kanilang pisikal na kampo sa Sierra Madre sa kainitan ng “Operation Four Roses” noong 1952. Sinulat niya sa kulungan ang makitid niyang personal na salaysay sa pakikipagtungali sa kalikasan (ang gubat) na mas pinalaki niya kaysa saligang mga problema ng mamamayang Pilipino.
Isang pesimistikong salaysay ng kaduwagan ang “The Forest” para bigyang-matwid ang inilalako niyang kapitulasyunismo at idiin ang “kawalang-saysay” ng armadong pakikibaka at ilusot ang mapayapang pakikibaka. Ang pagsulat niya nito ay bahagi ng kampanya ng reaksyunaryong gubyerno para durugin ang mapanlabang diwa ng mga bilanggong pulitikal.
Sa tulak ng gubyernong US, pinalaya si Pomeroy at kanyang asawang si Celia Mariano noong huling bahagi ng 1961, isang dekadang maaga kaysa ibang bilanggong hinatulan din ng habambuhay sa kasong rebelyon. Ayon kay Guerrero, alinsunod iyon sa linya ng imperyalistang US na katigan ang mapanghating mga aktibidad sa kilusang internasyunal ng rebisyunistang taksil na pangkating Krushchov.
Nang malaya na, tuloy-tuloy na ginampanan ni Pomeroy ang paglalako ng mga kontra-rebolusyonaryong ideya upang palabnawin ang pangangailangan ng armadong pakikibaka at isulong ang mapayapang pakikibaka. Ito ang temang tumatahi sa mga rebisyunistang propagandang sinulat niya– “The Forest” (1963), “Guerilla Warfare and Counter-Guerilla Warfare” (1964), “Half a Century of Socialism” (1967), “Guerilla Warfare and Marxism” (1968) at “American Neo-Colonialism” (1970).
Desperadong sinisiraan ng “The Forest” at “Guerrila Warfare and Counter-Guerilla Warfare” ang kawastuhan ng teorya ni Mao Zedong tungkol sa digmang bayan sa Pilipinas at iba pang bayan. Ani Guerrero, “Nagpapanggap bilang isang nagwawastong “Kaliwang” oportunista, tinangka niyang ilako ang kontrarebolusyonaryong linya ng ‘mapayapang pakikipamuhay, mapayapaang transisyon at mapayapang kompetisyon’ ng mga rebisyunistang taksil na maka-Khrushchov.”
Patuloy ni Guerrero: “Umangkop siya sa ganap na paglago ng oportunismo tungong imperyalismo sa Unyong Sobyet at dumikit sa rebisyunistang taksil na pangkating Brezhnev. Isinulat niya ang Half a Century of Socialism… bilang papuri sa lahatang-panig na pagpapanumbalik ng kapitalismo sa Unyong Sobyet at bilang paghamak sa Rebolusyong Oktubre at mga dakilang komunistang lider. Pagkatapos, binuo niya ang Guerrilla Warfare and Marxism (Pakikidigmang Gerilya at Marxismo)…, isang koleksyon ng mga sipi mula sa mga sulating Marxista at anti-Marxista (kabilang ang kanyang sarili), na sinapawan niya ng kanyang rebisyunistang mga komentaryo. Muli na naman niyang tinangka sa aklat na ito na siraan ang teorya ng digmang bayan.”
Sa “American Neo-Colonialism,” tusong ginamit ni Pomeroy ang katagang “neokolonyalismo” hindi para ilantad ang neokolonyalismong US kundi bilang “katumbas ng teorya ng ‘supra-imperyalismo’ ni Kautsky at pagkatapos ay pagtakpan ang kolonyal na rekord ng karahasan at kasakiman ng US sa Pilipinas” magmula noong pagpihit ng siglo hanggang maagang bahagi ng 1960.
Sa ating mapanuring pag-aaral ng mga akda ni Pomeroy nabibigyan tayo ng “malinaw na pag-unawa sa katangiang anti-Marxista at anti-Leninista ng mga rebisyunistang taksil na Lava at magpapatalas ng ating pag-unawa sa unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong.” #