Iniipit ni Duterte ang Pilipinas sa nag-uumpugang imperyalistang bato
Nagpahayag kamakailan si Rodrigo Duterte ng GRP ng pagkabahala sa posibilidad na sumiklab ang armadong sagupaan sa pagitan ng US at China sa South China Sea (SCS). Diumano, “hawak na” ng China ang naturang karagatan at nag-uudyok lamang ng kontra-aksyon nito ang mga inilulunsad na “military drill” ng US. Magdurusa raw ang Pilipinas sakaling sumiklab ang gera sa lugar.
Mistulang naghuhugas ng kamay si Duterte sa lumalaking tensyong militar sa SCS. Katunayan, malaki ang pananagutan ni Duterte sa sitwasyon sa SCS sa dalawang-panig niyang pagtatraydor sa pambansang kasarinlan ng Pilipinas na nagbigay-daan sa militarisasyon o pagpapalakas ng presensya at pwersang militar kapwa ng US at China sa karagatang ito.
Pinagdurusahan ng sambayanang Pilipino ang walang-gulugod na patakarang panlabas ni Duterte at pagtanggi niyang itaguyod ang kasarinlan ng bansa sa iba’t ibang mga usapin. Yaman at pambansang kalayaan ng sambayanang Pilipino ang kapalit sa pagtataksil na ito ni Duterte na lalong nagpapalakas ng kapangyarihan at imperyalistang dominasyon.
Sa isang panig, lubos nang ipinamimigay ni Duterte sa China ang yaman at karapatan ng bansa sa SCS. Sa nagdaang dalawang taon, isinantabi niya ang soberanya ng Pilipinas sa Spratly Islands nang magwalang-imik siya habang ang China ay nagreklamasyon ng halos 1,300 ektaryang lupa at nagtayo ng iba’t ibang mga pasilidad doon. Ilanlibong ektaryang mga bahura at pangisdaan ang nilustay sa mga konstruksyong ito.
Nilukot ni Duterte ang 2016 na desisyon ng internasyunal na hukumang Arbitral Tribunal na nagsabing ang Spratly islands, Scarborough Shoals at iba pang bahagi ng SCS ay kabilang sa exclusive economic zone at extended continental shelf ng Pilipinas at kumilala sa karapatan ng Pilipinas sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Seas. Lumilikha si Duterte ng walang-batayang takot na “hindi kayang makipaggera ng Pilipinas sa China” gayong hindi lang naman pakikipaggera ang paraan ng pagigiit ng karapatan ng bansa.
Sa pagtanggi ni Duterte na itaguyod ang gayong desisyon, walang-hadlang na isinagawa ng China ang pagtatayo nito ng base militar sa Spratly Islands sa layuning patatagin ang presensyang militar nito sa lugar laban sa US. Kabilang sa itinayo ng China ang isang paliparan na may 10,000 piyeng paliparan, mga daungan at iba pang pasilidad. Patuloy na hinahadlangan ang mga mangingisdang Pilipino ng mga coast guard ng China na animo’y pag-aari nila ang karagatang sakop ng Pilipinas. Ang pagpapalakas ng pwersang militar ng China sa SCS ay naglalayong hadlangan ang presensyang militar ng US dito at bantayan ang malaking yamang nakaimbak sa ilalim ng karagatan.
Mistulang maamong tupa ang asal-aliping si Duterte na hindi marunong magmura sa harap nito. Tahasang pangangayupapang idineklara niya kamakailan sa China: “Nariyan kayo, kayo ang may hawak, sakop ninyo, sabihin ninyo sa amin saan kami dadaan at ano ang dapat naming maging asal.” Labis na kamuhi-muhi ang gayong asal-alipin ni Duterte. Wala siyang tinitindigang pambansang integridad.
Walang ibang pakay ang walang kahiya-hiyang pagyuko at pagsuko ni Duterte sa China kundi ang dumulog ng malaking pautang para pondohan ang kanyang ambisyosong programang Build, Build, Build. Ang pagdating ni President Xi Jinping ng China sa Pilipinas nitong Nobyembre ay okasyon para pirmahan ang kontrata sa “magkasanib na eksplorasyon” sa karagatang sakop ng Pilipinas, kahit sinasabing taliwas ito sa konstitusyong 1987 na nagbibigay ng gayong eksklusibong karapatan sa estado.
Kwestyunable rin ang pinasok na kasunduan noong 2005 na Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) na pinondohan pangunahin ng China noong 2005 na nag-alam sa nakaimbak na rekurso sa mahigit 142,886-kilometro kwadradong karagatan (halos kalahati ng laki ng lupain ng Pilipinas). Natapos ang pag-aaral noong 2007 subalit ang resulta ay eksklusibong hawak ng China. Tinataya ng China na kayang umabot sa $60 trilyon ang halaga ng naka-imbak na langis, natural gas at mga mineral sa ilalim ng karagatan ng SCS. Sa ngalan ng “eksplorasyon,” nais ng China na alamin kung pwedeng simulan ang komersyal na operasyon para minahin ang yamang ito.
Katulad na ipinain ng China noong 2004 ang $904 milyon pautang kay Arroyo para pirmahan ang JMSU, ipinapain ngayon ng China ang ilang bilyong dolyar na pautang para kay Duterte kabilang ang proyektong riles, mga kalsada atbp para pirmahan ang kasunduang “joint exploration” na nais ng China na kumilala sa soberanya nito sa lugar. Kapalit ng ilang bilyong pautang na ito, pabor si Duterte na ibigay sa China hindi lamang ang ilang trilyong dolyar na yamang dagat, kundi maging ang soberanya ng bansa. Sa pagkahayok ni Duterte sa mataas na interes na pautang ng China, hindi malayong maging aliping-utang ang Pilipinas.
Sa kabilang panig, wala ring kahiya-hiya ang pangangayupapa ni Duterte sa imperyalismong US. Kinastigo niya ang isinasagawang ehersisyong nabal ng US sa SCS na nagririsgo ng pagsiklab ng komprontasyon sa China, pero payag na payag namang gamitin ang Pilipinas bilang daungang militar ng mga barkong pandigma ng US. Ang Pilipinas ay nagsisilbing base ng US para sa paglulunsad nito ng tinaguriang “freedom of navigation operations” para diumano tiyakin ang kalayaan sa paglalayag pero para lamang igiit ang presensya at poder ng US sa South China Sea.
Anumang oras, ginagamit rin ng militar ng US ang mga paliparan at iba pang pasilidad sa Pilipinas para sa pag-iimbak ng mga kagamitan at para gawing pahingahan at aliwan ng mga tropang Amerikano.
Sa ilalim ni Duterte, parami nang parami ang isinasagawang mga magkasanib na pagsasanay at mga war game.
Hungkag ang sinabi ni Duterte na hindi siya papayag na mag-imbak ng mga kagamitang militar ang mga dayuhan sa Palawan. Ang totoo, matagal nang ginagamit ng militar ng US ang baseng nabal sa Ulungan na pinalaki nila noong 2014 para magamit na daungan at imbakan sa ilalim ng EDCA. Ang kahabaan ng Palawan ay ginamit rin ng US para magtayo ng mga istasyon ng radar para mag-espiya sa karagatan ng Pilipinas. Sa ngalan ng pag-iimbak ng mga kagamitan para sa “humanitarian and disaster response” o pagharap sa mga sakuna, nagtayo rin ng pasilidad ang US sa Pampanga para gamitin ng pwersang militar nito. Hindi bababa sa limang kampo ng AFP sa buong bansa ang ginagamit ng US para itayo ang mga pasilidad nito.
Patuloy na pinalalakas ng US ang dominasyon nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapahigpit ng kontrol nito sa AFP. Ayon sa US, mayroon itong 200-300 mga tagapayo sa AFP na permanenteng nakaistasyon sa Pilipinas. Sila ang nagbibigay ng mga pagsasanay at nagdidirehe ng ilang operasyon ng AFP. Tuluy-tuloy ang pagbibigay ng US ng ayudang militar sa AFP, kabilang ang mga drone, helikopter, mga baril, bala at iba pang sandata na ginagamit sa mga operasyon ng armadong panunupil sa ilalim ng Oplan Kapayapaan.
Tuluy-tuloy ang pagbibigay-pansin ng US sa pagbibigay ayuda sa Marawi upang patatagin ang presensyang militar ng US sa Mindanao. Sa udyok ng US, idineklara ni Duterte na “terorista” ang PKP at BHB upang magamit na dahilan para sa pagbubuo ng US ng Operation Pacific Eagle-Philippines (OPE-P) bilang isang “anti-teroristang operasyon” ng US na siyang plataporma ngayon ng panghihimasok militar ng US sa bansa. Sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao, lalo ring napalalakas ang inisyatiba ng US sa pamamagitan ng pagpapataw ng absolutong kapangyarihan ng AFP.
Matagal nang ginagamit ng US ang Pilipinas bilang instrumento para sa hegemonismo nito. Ginamit ang bansa bilang base sa panggegera nito sa Korea, Vietnam, Iran, Afghanistan at iba pang bansa. Dahil dito, lagi rin itong target ng mga karibal at kaaway ng US mula pa noong dekada 1930.
Sa ilalim ni Duterte, patuloy na ginagamit ang Pilipinas bilang isa sa instrumento para sa estratehikong interes militar ng US sa Asia. Ginagamit nito ngayon ang bansa bilang base para hadlangan ang paglakas ng militar ng China, magpakitang-gilas at panatilihin ang presensyang militar nito sa South China Sea para seguruhing kontrolado nito ang paglagos dito ng kalakalan.
Sa ilalim ni Duterte, patuloy na walang tunay na pambansang kasarinlan at nagsasariling ekonomya ang Pilipinas. Nananatiling malakolonya ito ng imperyalismong US na siyang dominanteng kapangyarihang pampulitika at pangmilitar sa bansa. Hungkag ang idineklara ni Duterte na “independyenteng patakarang panlabas.”
Sa harap ng lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lumalaking paghamon ng China sa kapangyarihan ng US, ang Pilipinas ay nagiging instrumento at target ng kapwa imperyalistang kapangyarihan. Dahil sa pagiging sunud-sunuran ni Duterte sa US at China, hindi maglalao’y maiipit ang Pilipinas sa gitna ng dalawang nag-uumpugang imperyalistang bato.
Maiiwasan lamang ang ganitong pangyayari kung mahigpit na igigiit ng buong sambayanang Pilipino ang pagtataguyod sa pambansang kasarinlan at matatag na isusulong ang patakaran ng kapayapaan at di pagpanig sa alinmang imperyalistang nagtutunggali. Dapat igiit ng sambayanan ang soberanya ng bansa sa SCS at itulak ang demilitarisasyon nito, kapwa ang pagbabaklas ng mga base militar ng China at pagpapalayas ng mga barkong US sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.
Kaakibat nito, dapat igiit ng sambayanan ang pagtataguyod ng kasarinlan sa ekonomya na binubuo ng pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ang pagtataguyod sa pambansang kasarinlan ay epektibong maisasagawa lamang kung may kalayaan sa ekonomya at kakayahang tumindig sa sariling paa, sa isang banda; at sa kabilang banda, ang kalayaan sa ekonomya ay maitataguyod lamang kung may tunay na pambansang kalayaan para itakda ang tadhana ng bansa alinsunod sa interes ng sambayanan.