Kababaihan kontra sa “endo” ng SM

,

Pinangunahan ng Gabriela at Kilusan ng Manggagawang Kababaihan ang isang piket sa harapan ng SM Manila noong Nobyembre 16 para kundenahin ang laganap na implementasyon ng “endo” (end-of-contract) sa naturang kumpanya.

Isusulong ng grupo ang pagpapa-imbestiga sa pag-iral ng sistemang konsaynment na ipinatu­tupad ng SM Retail Inc. Sa ga­nitong sistema, ang mga konsay­nor ang sumasagot sa sahod at benepisyo ng mga kontraktwal habang patakaran ng SM ang sinusunod ng mga ito. Samantala, kaparehong protesta rin ang inilunsad ng GABRIELA-Cebu sa SM Cebu.

Kinalampag naman ng mga manggagawa ng SMT Philippines Incorporated ang upisina ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Nobyembre 13. Dahil ito sa kawalang aksyon ng DOLE sa iligal na lockout sa pabrika at food blockade na ginagawa ng kumpanya.

Sa Laguna, isang noise barrage ang inilunsad ng mga manggawa ng Nexperia Inc. Workers Union-NAFLU-KMU noong Nobyembre 17 para ipabasura ang rekisitong pagpapaliwanag kapag lumiban kahit walang pasok. Ginamit itong pamamaraan noong 2014 para sisantehin ang mga upisyal ng unyon sa pabrika.

Samantala, nagprotesta ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ang isang pagkilos ng maralita sa Agham Road noong Nobyembre 18 para labanan ang sumisirit na presyo ng bilihin at ipabasura ang batas na TRAIN ng rehimen. Ani grupo, nagmamahal na ang mga bilihin pero nanatiling nakapako ang sahod ng mga manggagawa. Kinundena rin ng grupo ang bantang demolisyon sa mga maralita para bigyang-daan ang konstruksyon ng mga negosyo at malalaking kumpanya.

Kababaihan kontra sa "endo" ng SM