Kaswalti ng AFP, umabot sa 39
Umabot sa 23 ang napatay at 16 ang nasugatan sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa inilunsad na mga aksyong militar ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Bukidnon, Iloilo, Northern Samar at Camarines Sur nitong Nobyembre.
Bukidnon. Sampu ang nasugatan at 13 ang napatay sa limang armadong aksyon ng BHB-Bukidnon mula Nobyembre 10 hanggang 16.
Tinambangan ng isang yunit ng BHB-Bukidnon ang mga tropa ng 65th IB sa hangganan ng prubinsya at Pinilayan, Tagoloan 2, Lanao del Sur noong Nobyembre 16. Dalawa ang napatay sa mga yunit ng kaaway. Ang naturang tropa ay reimporsment sa kasamahan nilang nag-ooperasyon na sa lugar.
Bago nito, dalawang ulit na pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang mga pasistang sundalo sa nasabing baryo noong Nobyembre 12 kung saan tatlo ang napatay at apat ang nasugatan. Ang mga aksyong ito ay karugtong ng maagap na depensang isinagawa ng BHB laban sa reyd ng naturang yunit ng AFP sa pwesto ng mga kasama noong Nobyembre 11. Tatlong sundalo ang napatay at apat ang nasugatan sa naturang reyd. Isang Pulang mandirigma ang namartir.
Samantala, inatake ng isa pang yunit ng BHB-Bukidnon ang nag-ooperasyong tropa ng 8th IB sa Barangay Bulonay, Impasug-ong noong Nobyembre 10, alas 4:00 ng hapon. Mag-iisang linggo nang nag-operasyon ang mga tropa ng 8th IB sa lugar. Inirereklamo ng mga residente ang perwisyong hatid nito sa kanilang kabuhayan at pamumuhay.
Panay. Inatake ng BHB-Southern Panay (Napoleon Tumagtang Command) ang isang patrol base ng 61st IB at 33rd Division Reconaissance Company sa Barangay Igcabugao, Igbaras, Iloilo noong Nobyembre 12.
Batay sa panimulang ulat, apat na sundalo ang napatay. Para pagtakpan ang kanilang pagkatalo, ipinalaganap ng mga sundalo na hindi ang kanilang base ang tinamaan kundi isa lamang sasakyan. Nang-aresto rin sila ng mga magsasaka na anila’y mga tagasuporta ng BHB. Dahil walang batayan, napilitan silang pakawalan ang mga magsasaka matapos ang isang araw.
Nagsisilbing protektor ng kumpanyang Century Peak ang tactical patrol base na ito mula pa 2015. Nagsilbing gwardya ng mini-hydro plant sa lugar ang mga sundalo. Tinututulan din ng mga residente ng Igcabugao, Passi at kalapit na baryo ang balak ng kumpanya na magmina. Sa kaugnay na balita, pinarangalan ng BHB-Southern Panay si Casimiro Talaman (Ka Boy) na nasawi sa nabanggit na labanan sa Igcabugao. Siya ay residente ng Barangay Buloc, Tubungan, Iloilo.
Northern Samar. Limang sundalo ang napatay habang marami ang nasugatan sa pagharas ng BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command) laban sa nag-ooperasyong tropa ng 43rd IB noong Nobyembre 6 sa Barangay Cag-amesarog, Lope de Vega.
Bilang ganti, sinuyod ang erya ng mahigit 100 pasistang sundalo at nagpakalat ng maling impormasyon upang maliitin ang tagumpay ng BHB.
Camarines Sur. Binati ng BHB-Bicol (Romulo Jallores Regional Operations Command) ang mga Pulang mandirigma ng Camarines Sur (Norben Gruta Command) sa matagumpay na ambus sa Sityo Patag, Barangay Mambulo Nuevo, Libmanan noong Nobyembre 17, alas-4:30 ng hapon.
Anim na pulis na bahagi ng Task Force Bicolandia ang nasugatan sa pananambang. Binuo ang naturang task force para gapiin ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.