Konsultant ng NDFP at 2 iba pa, iligal na inaresto

,

Iligan na inaresto ng militar at pulis ang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Vicente Ladlad at ang mag-asawang Alberto at Virginia Villamor noong hatinggabi ng Nobyembre 8 sa Doña Tomasa, San Bartolome, Novaliches, Quezon City.

Tinamnan ng mga ripleng AK-47, granada at subersibong dokumento ang bahay ng mga biktima para palitawing mga kombatant ang mga dinakip kahit pa matatanda na sila at mahihina na ang mga pangangatawan. Si Ladlad, 69, ay may sakit sa baga (emphysema) at puso. May mga sakit din sina Alberto Villamor (diabetes) at Virginia Villamor (may bali sa baywang). Sinampahan ang tatlo ng illegal posession of firearms and explosives.

Unang idinetine ang mga biktima sa Camp Karingal sa Quezon City. Inilipat-lipat si Ladlad ng kulungan, bagay na nakapagpalala ng kanyang mga sakit.

Mariing kinundena ng NDFP ang pag-aresto kay Ladlad, isa sa mga pangunahing kasapi ng Reciprocal Working Committee on Political and Constitutional Reforms. Sa pangkabuuan, tatlong konsultant na ng NDFP ang iligal na inaresto ng rehimeng Duterte, na tahasang pag­labag sa GRP-NDFP Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees. Pahayag ni Jose Maria Sison, chief political consultant ng NDFP, “malinaw na hindi na binibigyang puwang ni Duterte ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan…para isangkalan ang PKP, BHB at NDFP bilang mga “teroristang organisasyon” at magkaroon siya ng dahilan para magtatag ng pasistang diktadura sa pamamagitan ng batas militar at huwad na pederalismo.”

Samantala, kinansela noong Nobyembre 19 ang balak na pag-uwi sa Pilipinas nina Fidel Agcaoili, Luis Jalandoni at Coni Ledesma para sana impormal na pag-usapan ang muling pagbubukas ng negosasyong pangkapayapaan. Ito ay matapos sinabi ni Duterte na aarestuhin sila pagdating nila sa bansa. Napag-alaman din ng mga abugado ng NDFP na may kautusan na ang Manila Trial Court para kina Jalandoni at Ledesma kaugnay ng isinampa ng rehimen na kasong proscription na nagdedeklara sa kanila bilang mga “terorista.”

Konsultant ng NDFP at 2 iba pa, iligal na inaresto