May kinikilingan ang malalaking kumpanya ng midya
Noong Oktubre, muling idineklara ng Committee to Protect Journalists, isang internasyunal na organisasyon, ang Pilipinas bilang pangatlo sa pinakamadugong bansa para sa mga mamamahayag. Mula pa 2010, pangatlo ang bansa sa naturang listahan. Malaking bilang sa mga biktima ay mga myembro ng mga rehiyunal o prubinsyal na masmidya na pinaslang dulot ng kanilang pagbabalita ng katiwalian at iba pang anomalya ng mga nakaupo sa poder.
Sa isang banda, pinatutunayan nito ang tapang at paninindigan ng mga lokal at independyenteng midya na gampanan ang kanilang tungkulin na magbigay ng wastong impormasyon sa publiko. Sa kabilang banda, hindi nito sinasalamin ang katangian ng dominanteng midya sa Pilipinas na kontrolado ng pinakamalalaking burgesya-kumprador at sinusuhayan ng mga kasapakat sa pulitika.
Sa aktwal, ang pinakamalalaking institusyon sa midya sa bansa ay hawak ng iilang pamilya at pinakamalalaking upisyal sa gubyerno sa matagal nang panahon. Mayorya sa mga ito ay nilikha at pinatatakbo upang panatilihin ang kontrol ng malalaking kumprador sa iba pa nilang negosyo, pakikipagkumpetisyon, pagkakamal ng higit pang tubo at pagtataguyod ng kanilang interes sa pulitika at ekonomya. Ang ganitong katangian at sistema ng midya ay tinatawag na corporate media.
Sa Pilipinas, ilan sa kilalang mga pangalan na may kontrol sa midya ang pamilyang Lopez at Gozon at ang kumpanyang pinamumunuan ni Manuel Pangilinan.
Ang mga Lopez ay may-ari ng ABS-CBN na may mga subsidyaryo sa radyo, telebisyon at pelikula. Bukod dito, may-ari rin sila ng mga kumpanya na lumilikha at nagbebenta ng kuryente, real estate at telekomunikasyon. May mga sapi rin ang mga Lopez sa pagmamanupaktura, remitans at iba pang negosyo na may kaugnayan sa midya.
Ang mga Gozon at Jimenez naman na may kontrol ng GMA 7 (kapwa sa radyo at telebisyon) ay may interes sa mga institusyong pampinansya at real estate. Pumasok na rin sa negosyo ng midya si Ramon Ang, may-ari ng San Miguel Corporation. Noong 2017, binili niya ang Philippine Daily Inquirer, isa sa mayor na pahayagan sa bansa.
Bagamat mas maliit ang hawak niyang TV5/Interaksyon (telebisyon at pahayagan) kumpara sa GMA at ABS-CBN, malaki naman ang impluwensya ng kumprador na si Pangilinan sa iba pang grupong midya at telekomunikasyon. Gamit ang pondo at pakikipagsosyo sa grupo ng mga kumpanya ng negosyanteng Indonesian na si Anthoni Salim, nakabili siya ng sapi sa dalawang nangungunang pahayagan sa bansa, ang Philippine Star at Philippine Daily Inquirer. Mayroon ding malawak na kontrol ang grupong Pangilinan-Salim sa telekomunikasyon (Smart, Sun at PLDT) at maging sa pinakamalaking negosyo sa batayang serbisyo gaya ng Meralco at Maynilad. Pinatatakbo rin ng grupo ang operasyon ng Manila North Tollway at Cavitex, ilan sa pangunahing haywey sa Luzon.
Malaking salik kung sino ang may kontrol ng kumpanya sa kalidad at kredibilidad ng pagbabalita at pagbabahagi nito ng impormasyon. Malawak at malalim ang impluwensya nito sa laman, tipo ng kwento, isyu at balitang pinatatampok sa kanilang mga daluyan (telebisyon, radyo o dyaryo). Tinitiyak ng mga nagbabalita at may-ari nito na hindi nasasaling o nakokompromiso ang kanilang mga interes, ang interes ng kanilang mga kasosyo at mga kumpanyang bumibili ng puwang para sa kanilang mga patalastas. (Tingnan ang kaugnay na artikulo: Kapitalistang midya na kontra mangagawa )
Para iwasan ito, ibinabaling ng mga kumpanya sa midya ang kanilang pagbabalita ng mga komun na krimen na kadalasan ay ginagawang kahindik-hindik o kagulat-gulat para makaagaw ang atensyon ng publiko. Sa ilalim ng ganitong pamamalakad, tali ang kamay ng mga mamamahayag at obligado silang sumunod sa patakaran na nagtataguyod sa interes ng mga may-aring burgesya-kumprador at kaalyado nilang mga pulitiko.
Laganap ang kontraktwalisasyon at kawalang seguridad sa trabaho sa hanay ng mga manggagawa sa midya. Marami sa kanila ay basta na lamang sinisisante o hindi na binibigyan ng kontrata oras na igiit nila ang kanilang paninindigan at mga karapatan.