Paaralang Lumad sa Talaingod, muling ginigipit
Nagpapatuloy ang panggigipit ng 56th IB at ng paramilitar na gupong Alamara sa kampus ng Salugpongan Ta’ Tanu Igkanugon Community Learning Center, Inc. (STTICLCI) sa Sityo Nasilaban, Barangay Palma Gil, Talaingod. Noong Nobyembre 11, napwersang magbakwit ang 35 estudyante at tatlong guro sa Sityo Dulyan matapos magbanta ang apat na elemento ng Alamara na may bitbit na mga martilyo na wawasakin ang paaralan. Kasabay nito, sapilitan namang pinapirma ng mga sundalo mula sa 56th IB ang mga datu ng Talaingod sa isang petisyon para sa pagpapasara ng kampus. Noong Nobyembre 13, tinipon at sapilitan nilang pinalahok ang mga residenteng Lumad sa isang “protesta” laban sa Salugpongan.
Sa kaugnay na balita, isang kasapi ng MISFI Academy Parents-Teachers-Community Association ang pinatay ng pinaghihinalaang mga elemento ng 19th IB at CAFGU sa Kitaotao, Bukidnon noong gabi ng Nobyembre 17. Kinilala ang biktima na si Esteban Empong Sr., 49, residente ng Barangay Cabalantian, Arakan, North Cotabato. Binaril si Empong habang natutulog sa bahay ng kanyang kamag-anak sa Barangay Sagundanon. Bago nito, naiulat na una nang nakatanggap ng banta ang biktima mula sa 19th IB na sapilitang nagpapasurender at nag-akusa sa kanya bilang kasapi ng hukbong bayan.