Pagpapanday ng Partido sa Regata
Ang artikulong ito ay ambag ng mga myembro ng Partido sa sektor ng kabataan sa serye ng Ang Bayan (AB) tungkol sa mga tampok na karanasan sa pagbubuo ng mga sangay ng Partido sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain. Nananawagan ang patnugutan ng AB sa iba pang komite ng Partido na mag-ambag sa seryeng ito sa pamamagitan ng pagsumite ng inyong tampok na mga kwento.
Isang unibersidad sa pambansang kabisera ang Regata. May malaki itong populasyon at malawak na impluwensya. Isa rin ito sa mga unibersidad kung saan malalim na nakaugat ang Partido Komunista ng Pilipinas bunga ng pagkakaisang naabot sa kampanya laban sa tiraniya at ambisyong maging diktador ni Rodrigo Duterte.
Kakambal ng mahal na matrikula na halos taun-taong tumataas at nagpapahirap sa mga estudyante ang mapaniil na mga patakarang anti-demokratiko ng administrasyon.
Hindi madaling kumilos sa loob ng unibersidad dahil mahigpit ang mga alintuntunin nito kaugnay ng pagbubuo ng mga organisasyon. Dati nang may grupo ng Partido sa loob ng unibersidad pero sa loob ng mahabang panahon, dumanas ito ng mga problema sa pagpapalawak at konsolidasyon.
Nagkaroon ng pagbabago sa loob ng eskwelahan matapos maluklok sa poder si Duterte at sinimulan niya ang kanyang mga kampanya ng panunupil na pumatay ng libu-libo at puminsala sa napakaraming mamamayan. Sa loob ng unibersidad, nabuo ang malawak na pagkakaisa ng mga estudyante laban sa kanyang mga “gera” ni Duterte, una laban sa “gera kontra-droga,” at sa kalaunan laban sa “gera kontra-terorismo” na isinangkalan para ipataw ang batas militar sa Mindanao at “todong gera” laban sa lumalabang mamamayan.
Naging tuntungan ng pagpapalawak at pagpapatatag ng Partido sa Regata ang pagkakaisang ito. Mula sa malawak na sentimyentong anti-pasista sa loob ng unibersidad, nagpunyagi ang Partido na mulatin ang mga estudyante sa mas malawak na mga usapin at problema ng mamamayang Pilipino upang himukin silang bagtasin ang landas ng pambansa-demokratikong pakikibaka.
Malalim na pag-ugat
Sa kabila ng relatibong maliit na makinaryang pinagsimulan ng Regata, mabilis itong nakalatag sa mga estratehikong kolehiyo at napamunuan ang paglaban sa buong unibersidad. Salik dito ang kagustuhan ng mga estudyante na tumindig para sa kanilang mga demokratikong karapatan at makialam sa mga pambansang isyu na umaapekto sa kanila at sa mamamayan. Lumitaw sa kanilang hanay ang abanteng mga elemento na naging binhi sa ibayong pagpapatatag at pagpapalawak ng sangay ng Partido sa loob ng eskwelahan.
Hindi nagdalawang-isip ang mga organisador ng Partido sa loob ng Regata na sagpangin ang maiinit na isyu at pakikibakang masa para pukawin, organisahin at pakilusin ang masang estudyante sa iba’t ibang pamamaraan. Tinutuntungan nila ang mga pagkakataon para ipalaganap ang rebolusyunaryong pagsusuri sa kalagayan ng lipunan at kongkretong alternatibo rito, at magrekluta sa lahat ng pagkakataon at pamamaraan. Hanggang sa antas klase ay isinasagawa ang pagpapasapi sa rebolusyonaryong kilusan.
Kabilang sa mga narekrut sa panahon ng isang pambansang kampanya si Ka Mina. Dumalo siya sa isang pagpapalabas ng isang pelikula at doon namulat sa marahas na kalagayan ng iba’t ibang sektor. Agad siyang inimbita sa dagdag na mga pag-aaral. Naging aktibo siya sa pagpaliwanag ng maiinit na isyu sa loob at labas ng eskwelahan.
Kasabay nito, binigyan siya ng malinaw na gawain at tungkulin sa organisasyon at pulitika. Hindi nagtagal, narekrut siya sa Partido at naging katuwang sa pagpapanday ng sangay ng Partido sa Regata.
Ang ganitong ugnayan ng pagpapalawak at maagap na konsolidasyon ang naging susi para sa mabilis na pagpapaunlad ng mga kadre sa loob ng unibersidad. Para abutin ang pinakamalawak na bilang ng mga estudyante, lumangoy ang mga myembro ng Partido sa malawak na hanay ng mga estudyante. Sa pamamagitan ng wastong kumbinasyon ng pagpapagana ng inisyatiba at mahigpit na gabay sa pulitika, napamunuan nila ang pakikibaka ng sektor.
Kahit sa panahon ng bakasyon, tuluy-tuloy ang pag-oorganisa ng mga myembro ng Partido. Ginagamit nila ang panahong walang pasok para lumubog sa mga komunidad ng maralitang lunsod, magrekrut mula sa kanilang hanay, at magbigay ng mga pag-aaral. Sa karanasan, nabubuo sa mga gawaing ito ang kapasyahan ng mga myembro ng Partido na kumilos sa labas ng sektor.
Ang mga bagong kasapi ay agad na binibigyan ng tiyak at kongkretong gawain sa organisasyon. Dahil dito, mabilis na nakapagpapalitaw ng mga kadre para mamuno sa binubuong baseng masa sa antas-pamantasan.
Sa loob ng maiksing panahon, naitayo ang mga bag-as ng Partido sa iba’t ibang kolehiyo. Kasabay ng paglawak ng Partido, dumami rin ang mga myembro na buong panahon nang kumikilos para balikatin ang lumalaking mga responsibilidad sa pamumuno at pagpapagana ng organisasyon sa antas-unibersidad.
Kilusang pag-aaral
Kasabay ng pamumuno sa pulitika at pagpapalawak ng organisasyon, hinarap ng mga rebolusyunaryong pwersa sa loob ng Regata ang rebolusyonaryong tungkuling palalimin ang pag-aaral sa hanay ng mga kabataan. Tinuntungan nila ang maiinit na isyu sa loob at labas ng pamantasan para malawakang magbigay ng mga pag-aaral sa anyo ng mga discussion group at study circle. Para palalimin ang kanilang paggagap sa teorya at praktika ng rebolusyon, partikular sa teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, maagap silang naglunsad ng pormal na mga pag-aaral. Tinitiyak nilang nakapagtatapos ang mga myembro ng Partido sa batayang kurso at regular na natatalakay ang mga dokumento ng Partido. Sinisikap nilang agad na nasusundan ito ng pag-aaral ng intermedyang kurso.
Ang pagpapasigla ng kilusang pag-aaral sa loob ng Regata ang naging pinakaepektibong pamamaraan ng konsolidasyon ng mga kasapi at nagpataas ng komitment ng mga kadre ng Partido. Marami sa myrmbro nito ang nakukumbinsing buong-panahong kumilos matapos ang ganitong mga pagpapalalim sa teorya at praktika.
Partikular kay Ka Mina, sa mga pag-aaral na ito nabuod ang kanyang kapasyahang bumisita sa isang larangang gerilya at kalaunan ay sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Malinaw para sa kanya at sa lahat ng kabataang rebolusyonaryo na ang papel ng kabataan ay pagpapalakas ng kilusang rebolusyonaryo sa lunsod para sa lalong pagpapalakas ng armadong pakikibaka sa kanayunan.
Bunga ng wastong salimbayan ng pamumuno sa pulitika upang lalong magpalawak at ang pagharap sa tungkulin ng pagpapataas ng kamulatang pampulitika ng kasapian at ng mga estudyante sa pangkalahatan, naigpawan ng Partido sa Regata ang mga natasang kahinaang sumagka sa tuluy-tuloy na pagsulong nito sa nakaraan. Isinantabi nito ang mga hindi kinakailangang rekisito sa rekrutment at binuo sa lahat ng mga konsentrasyon ng kabataan ang mga balangay ng Kabataang Makabayan.
Ang mga aral mula sa karanasan ng pagpapanday ng Partido sa Regata ay tangan-tangan ng buong sektor ng kabataan sa pagdiriwang ng ika-50 taong anibersaryo ng PKP. Batid ng sektor ang hamon sa kanilang mga kabataan na tumungo sa kanayunan at mag-ambag sa pagsulong ng armadong rebolusyon.