4 na armas,nasamsam ng BHB-NEMR
Nasamsam ng Bagong Hukbong Bayan-Northeastern Mindanao Region (BHB-NEMR) ang apat na mataas na kalibreng armas (dalawang M16, isang M14 at isang R4) matapos nitong tambangan ang mga elemento ng CAFGU sa Barangay San Antonio, bayan ng Remedios T. Romualdez, Agusan del Norte noong Nobyembre 29, alas-5 ng umaga. Apat ang napatay sa panig ng kaaway, kabilang ang sarhentong namumuno sa kanila, at dalawa ang nasugatan. Isang elemento naman ng CAFGU ang dinakip at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga Pulang mandirigma.
Sa Misamis Oriental, nakasagupa ng mga Pulang mandirigma sa Sityo Lakbangan, Barangay Minalwang sa bayan ng Claveria ang mga nag-ooperasyong tropa ng AFP noong Disyembre 6. Dalawang sundalo ang napatay.
Sa Negros Occidental, isang sundalo ang napatay nang paputukan ng BHB ang patrol base ng 15th IB sa Sityo Bugtong Kahoy, Barangay Asia sa bayan ng Hinobaan noong Nobyembre 27, alas-8 ng umaga. Nasugatan na si S/Sgt. Ricky Ignacio, kumander ng naturang detatsment. Ang operasyon ay tugon ng BHB sa hiling ng mga residente na wakasan na ang militarisasyon ng AFP sa kanilang mga lugar. Anang BHB-Negros Occidental, marami nang ulat kaugnay ng pagkakampo ng mga sundalo sa mga eskwelahan, barangay hall, palengke at kahit sa bahay sa komunidad.
Naglabas din ng listahan ang 15th IB ng mga residenteng “pinasusurender” at nagpataw ng curfew. Ipinagbawal ang pagpunta ng mga residente sa kanilang mga sakahan sa labas ng baryo. Pininsala rin ang kanilang mga pananim, gamit-pansaka at mga alagang hayop.
Sa Samar, apat na magkakasunod na armadong aksyon ang inilunsad ng BHB-Eastern Visayas noong Nobyembre 9-20. Hinaras ng mga Pulang mandirigma ang mga tropa ng 14th IB na papunta sa Barangay Concepcion sa Paranas noong Nobyembre 20. Bago nito, inatake ng BHB ang nakakampong tropa ng 52nd IB at CAA sa Barangay Buenavista, San Jorge noong Nobyembre 18. Dalawang elemento ng CAFGU ang napatay at isa ang nasugatan.
Noong Nobyembre 10, hinaras ng isang yunit ng BHB ang mga nag-ooperasyong mga tropa ng 14th IB sa Barangay Salvacion, Can-avid, Eastern Samar habang hinaras naman ng isa pang yunit ang mga tropa ng 63rd IB sa Sityo Galutan, Barangay San Nicolas, San Jose de Buan noong Nobyembre 9.