Dakilang kasaysayan ng Partido sa Ginamat
Ang artikulong ito ay ambag ng mga myembro ng Partido sa rehiyon ng Ilocos-Cordillera sa serye ng Ang Bayan (AB) tungkol sa mga tampok na karanasan sa pagbubuo ng mga sangay ng Partido sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain. Nananawagan ang patnugutan ng AB sa iba pang komite ng Partido na mag-ambag sa seryeng ito sa pamamagitan ng pagsumite ng inyong tampok na mga kwento.
Ang baryo Ginamat ay isang baryo sa Cordillera na may mahaba at dakilang kasaysayan ng pagkilos sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Mahigit isandaan lamang ang kabahayan dito pero maliit man, ito ang isa sa mga nanguna sa paglaban sa plano ng diktadurang US-Marcos na itayo ang Chico Dam noong dekada 70.
Taong 1976 unang kumilos ang mga elemento ng Bagong Hukbong Bayan sa lugar. Agad na nagsagawa ang mga Pulang mandirigma ng mga pag-aaral at itinaas ang pagtutol ng mga residente sa Chico Dam tungo sa isang anti-imperyalistang paglaban. Noon pa man, nakatakdang saklawin ng proyektong ito ang mga munisipyo ng Tabuk, Lubuagan, Tanudan at Tinglayan sa Kalinga hanggang sa mga munisipyo ng Sadanga, Sabangan at Bontoc sa Mountain Province, at maglulubog ng mga komunidad na aapekto sa mahigit 100,000 mamamayan.
Isa sa unang kinausap ng mga Pulang mandirigma ang mga pangat (tradisyunal na lider) ng tribu at mga peace-pact holder upang mabuo ang pagkakaisa ng Hukbo at mamamayan kaugnay ng paglaban sa Chico Dam. Mabilis ang pagrerekrut ng mga Pulang mandirigma mula sa hanay ng mga tribu, ganundin ang pagpapalawak ng impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan sa lugar. Hindi naging problema ang pag-aarmas sa maraming sumampa sa Hukbo dahil karaniwang may riple ang mga katutubo sa lugar. Sa loob lamang ng ilang taon ay umabot na sa ilang platun ang sumapi sa BHB mula sa nasabing baryo.
Unang bahagi ng dekada 1980s nabuo ang sangay ng Partido sa lokalidad sa Ginamat. Binuo ito ng mga aktibistang masa, tradisyunal na lider, panggitnang pwersa at kabataan. Sila ang nanguna sa mga gawaing propaganda at edukasyon sa baryo. Naglunsad din sila ng mga pagsasanay ng yunit milisya.
Ang mga kilos-masa katulad ng mga nailunsad na mga “bodong conference” at ang masiglang edukasyong masa, na sa tinawag ng mga residente na “iskuling,” ang nagpasibol ng paborableng kundisyon para sa pagpapalakas at pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusang masa at armadong pakikibaka laban sa dam. Dahil sa matibay na pagkakaisa ng Hukbo at mamamayan, at sa pursigido at masiglang kilusang masa at armadong pakikibaka, iniatras ng diktadurang Marcos ang pagtatayo ng Chico Dam 1-4 noong 1982.
Tulad ng ibang sangay sa rehiyon at sa buong bansa, dumanas ng mga unos at pagsubok ang Partido sa Ginamat sa sumunod na mga dekada. Sa gitna nito, nananatiling nasa wastong landas ang paninindigan ng Partido sa lugar.
Nagpanibagong-lakas ang Partido sa Ginamat mula 2009. Sa panahong ito, muling gumana ang mga ganap na samahang masa ng mga magsasaka, kababaihan at kabataan. Mula noon hanggang sa kasalukuyan, tuluy-tuloy ang gawaing konsolidasyon sa baryo sa pamamagitan ng kampanyang edukasyon. Binigyang-diin ang pagpapatapos ng Batayang Kurso ng Partido sa mga kasapi ng sangay. Sa kalaunan ay nabuo ang komiteng subseksyon sa tipak na kinapalolooban ng baryo Ginamat. Naging kagawad nito ang mga kadre mula sa lokalidad.
Sa pagpapanibagong-sigla ng Partido at mga organisasyong masa, muli ring sumigla ang mga kilusang masa. Muling inilarga ang mga plano sa rebolusyong agraryo sa baryo na nakatuon sa pagpapaunlad ng agrikultural na produksyon ng mamamayan, gaya ng pagpapaunlad ng produksyon ng bigas.
Tampok ang tuloy-tuloy na paglarga ng anti-pasista na pakikibaka ng mamamayan ng Ginamat. Matibay na hinarap ng sangay at mga organisasyong masa ang mga pasistang atake ng kaaway sa baryo kabilang ang mga pananakot at panggigipit sa mga aktibistang masa. Tuwing pumapasok ang mga tropa ng AFP sa kanilang baryo, mabilis na kumikilos ang mga residente upang tiyaking hindi tumatagal at kagyat sila napalalayas.
Pagpasok pa lamang ng mga tropa ng militar sa baryo ay agad nang nagpapatawag ng pulong ang sangay upang balangkasin ang kanilang mga hakbang. Ang ilang ulit na pamimilit ng kaaway na magrekrut ng CAFGU at magtayo ng detatsment ay napigilan. Tuluy-tuloy silang nagpadala ng mga petisyon at delegasyon upang patalsikin ang mga detatsment na itinayo sa kalapit nilang baryo.
Sa pamumuno ng SPL sa mga pakikibakang masa at partisipasyon ng mga residente sa armadong pakikibaka, lalong napatatatag ang Partido at ang pampulitikang kapangyarihan ng mamamayan sa baryo. Sa ngayon ay may mahigit nang 40 kasapi ang SPL at tuluy-tuloy ang kanilang pagsisikap na makapagpalitaw ng mga pultaym na mandirigma para sa Pulang Hukbo.