Mga magsasaka ng BTL, nagkampuhan
Mahigit isang linggo nang nakakampo ang may 400 magsasaka ng Buffalo-Tamaraw-Limus (BTL) sa Malaybalay City, Bukidnon. Nagsimula ang kampuhan noong Nobyembre 27 para igiit kay Jose Ma. Zubiri, gubernador ng prubinsya, na ipamahagi na ang 517 ektarya ng lupa na tatlong dekada na nilang sinasaka.
Ayon sa pangulo ng BTL, hindi sila aalis sa lugar hangga’t hindi tinutugunan ni Zubiri ang matagal na nilang panawagan. Giit din ng grupo na wakasan ang harasment at Red-tagging sa kanilang hanay. Pinalalayas din nila ang mga sundalong nakatigil sa kanilang mga komunidad.
Samantala, nagsagawa ng isang misa at nagtirik ng kandila ang mga taong-simbahan, tagapagtanggol ng karapatang-tao at mga magsasaka sa Quiapo Church noong Nobyembre 29 para sa mga biktima ng masaker sa Sagay, Negros Occidental.
Gayundin noong Disyembre 4, nagprotesta ang Bagong Alyansang Makabayan at Anakpawis sa harap ng Department of Justice at naghain ng reklamo laban sa ama ng batang nakaligtas sa masaker. Ayon sa kanila, ginagamit ng pulis at militar ang ama ng bata laban sa mga mangagawang bukid ang biktima.
Sa kaugnay na balita, nagprotesta ang mga kasapi ng T’boli Manobo S’daf Claimants Organization sa harap ng kampo ng militar sa Lake Sebu, South Cotabato makalipas ang isang taong walang hustisya sa pagmasaker ng mga elemento ng AFP sa pitong myembro ng kanilang tribu noong Disyembre 3, 2017. Kabilang sa mga pinaslang ang kanilang lider na si Datu Victor Danyan Sr.