Libu-libo nagprotesta sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao
Hindi bababa sa 20,000 ang nakiisa at lumahok sa mga pagtitipon at protesta sa higit 20 prubinsya at siyudad ng Pilipinas bilang paggunita sa ika-70 taon ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao noong Disyembre 10. Nagprotesta rin ang mga Pilipino at mga taga-suporta sa ibayong dagat.
Sa kabila ng batas militar, nasa 10,000 ang nagprotesta sa Mindanao. Hindi napigilan ng mga panghaharang at panghaharas ng mga pulis at militar ang mga raliyista. Pinabulaanan nila ang kasinungalingan ni Duterte na Sama-sama nilang kinundena ang pag-iral ng batas militar sa isla at muling pagpapalawig nito.
Higit-kumulang limang libo ang lumahok sa United People’s March for Human Rights na isinagawa noong Disyembre 10 sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Karapatan. Isang programa ang inilunsad sa Liwasang Bonifacio, Lawton, Manila sa temang “Stop the Attacks! Defend People’s Rights! Resist Dictatorship!” Nagmartsa ang grupo tungong Mendiola sa Maynila kung saan sinunog nila ang isang effigy na may mukha ni Duterte na inihahalintulad kay Hitler, sa demonyo at isang tuta.
Kasama sa protesta ang mga Lumad, mga manggagawa ng Sumifru at iba pang sektor na naglunsad ng isang lakbayan mula pa sa Mindanao. Dumating ang mga naka-welgang manggagawa noong Nobyembre 27 at nagtayo ng isang kampuhan sa Mendiola, Manila. Noong Disyembre 9, isang kultural na gabi ang inilunsad ng mga manggagawa sa Liwasang Bonifacio.
Nakiisa rin ang hanay ng mga Dumagat, manggagawa at magsasaka mula sa Southern Tagalog sa pamumuno ng BAYAN-Timog Katagalugan.
Luzon.
Sa Cagayan Valley, isang pagtitipon at talakayan ang inilunsad ng Hustisya-Cagayan sa St. Peter’s Metropolitan Cathedral Cymnasium na sinundan ng isang caravan tungong Tuguegarao City para ipanawagan ang pagpapatigil sa pag-atake sa mga magsasaka.
Samantala sa Didipio, Nueva Vizcaya, nagpiket ang Samahang Pangkarapatan ng Katutubong Manggagawa at Magsasaka Inc. (SPKMMI) sa harapan ng higanteng kumpanya ng pagmimina na OceanaGold Philippines, Inc. na sumisira sa kanilang mga komunidad. Sigaw nila na ipatigil ang operasyon at bantang pagpapalawak ng sinasaklaw ng kumpanya.
Pinangunahan naman ng Cordillera Movement Against Tyranny at Cordillera Human Rights Alliance ang ilang daang nagprotesta sa Session Road, Baguio City para labanan ang panggigipit at panunupil sa mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo.
Inilunsad ang protesta pagkatapos ng isang porum kasama ang si dating Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, mga lider-katutubo at iba pang personalidad. Kinagabihan ay isinagawa naman ang Saniwang ti Maysa a Tignay: Jam for Human Rights, Peace and Life, isang konsyerto sa Igorot Park, Baguio City.
Samantala, nagtipon para sa isang talakayan hinggil sa karapatang-tao at batas militar ang higit 500 indibidwal sa Bangued, Abra. Inilunsad ang porum sa pangunguna ng Abra Human Rights Alliance.
Sumugod at nagpiket naman ang Ilocos Human Rights Alliance at Solidarity of Peasants Against Exploitation sa mga rehiyunal na upisina ng Commission on Human Rights, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang upisina sa San Fernando, La Union. Iprinotesta nila ang patuloy at tumitinding militarisasyon sa Ikalawang Distrito ng Ilocos Sur.
Sa Central Luzon, nagmartsa ang mga magsasaka at iba pang demokratikong sektor sa Cabantuan, Nueva Ecija matapos magdaos ng porum. Pinamunuaan ang pagkilos ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon. Kinundena nila ang mistulang pag-iral ng de facto na batas militar at pamamaslang sa mga magsasaka sa rehiyon.
Sa rehiyon ng Bicol ay ilang libo ang tumindig para sa karapatang-ptao. Nagprotesta sa Plaza Oragon at Plaza Rizal sa Naga City ang mga kasapi at organisasyon ng BAYAN-Camarines Sur at Camarines Sur Ecumenical Movement for Justice and Peace. Dala-dala nila ang isang mural na may mukha ni Duterte na kinukubabawan ng imperyalismong US. Naglunsad ng kaparehong protesta sa mga syudad ng Legazpi at Sorsogon, at mga prubinsya ng Camarines Norte, Catanduanes at Masbate.
Visayas.
Nagkaisa ang isla ng Panay sa isang United People’s Action against Dictatorship sa harapan ng Iloilo Provincial Capitol. Ilang libo ang nagprotesta sa pangunguna ng BAYAN-Panay at Karapatan-Panay. Aabot sa isang libo ang mga magsasakang dumalo mula sa Federation of Iloilo Farmers Association (FIFA) mula sa Timog na bahagi ng Iloilo.
Nagprotesta naman ang higit 800 sa mga lalawigan ng Easter Visayas. Pinangunahan ng BAYAN-Eastern Visayas ang mga pagkilos sa Rizal Avenue sa Tacloban, Capitol Building sa Catbalogan at Municipal Coliseum sa Las Navas. Kinundena nila ang pagdadagdag ng dalawang batalyon ng militar sa Samar sa bisa ng Executive Order 32.
Higit 1,000 kasapi ng mga progresibong organisasyon naman ang nagprotesta sa Bacolod City Public Plaza. Dala-dala nila ang isang effigy ni Duterte na naglalarawan sa kanya bilang mamamatay-tao at mga kabaong na kumakatawan sa mga biktima ng Sagay Massacre at pagpaslang kay Atty. Benjamin Ramos. Pinangunahan ang pagkilos ng BAYAN-Negros. Bago nito, isang gabi ng pakikiisa ang inilunsad sa bayan ng Manapla, North Negros noong Disyembre 9.
Sa Cebu City, nagmartsa ang nasa 200 raliyista mula sa Fuente Osmena Circle tungong Metro Colon. Dala-dala nila ang mga litrato ng mga biktima ng pagpaslang, sapilitang pagkawala at iligal na pag-aresto sa Central Visayas. Pinangunahan ito ng BAYAN at Karapatan-Central Visayas.
Naglunsad naman ng programa ang mga magsasaka sa ilalim ng Humabol-KMP-Bohol at Gabriela-Bohol sa City Square, Agora, Tagbilaran City. Ipinanawagan nila ang pagpapabasura sa patung-patong na gawa-gawang kaso laban sa pangkalahatang kalihim ng Humabol-KMP na si Nelson Lumantas.
Mindanao.
Umaabot sa 7,000 Lumad mula sa mga organisasyong MAPASU at KASALO at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao ang nagprotesta sa Butuan City, Agusan del Norte. Kinundena nila ang marahas na pag-okupa ng mga militar sa mga Lumadnong komunidad at paaralan. Sa pagkilos, nagtanghal ang mga myembro ng Lumadnong Teatro ng Save our Schools-Caraga. Ipinakita nila ang kongretong kalagayan ng mga komunidad ng Lumad sa pamamagitan ng tradisyunal na mga sayaw.
Pinangunahan ng BAYAN-Nothern Mindanao Region ang martsa ng 3,000 katao sa sentro ng Cagayan de Oro. Ipinanawagan nila ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal sa isang programa sa harapan ng Misamis Oriental Provincial Jail. Pagkatapos nito ay tumulak ang mga organisasyon sa Divisioria, Cagayan de Oro.
Kaugnay nito, nakaranas ng panghaharang ang mga Lumad na nagmula sa mga komunidad ng Bukidnon. Pitong kabataang Lumad ang iligal na idinetine ng pangrehiyong upisina ng DSWD sa Baloy, Misamis Oriental dahil di umano kasama ng mga ito ang kanilang mga magulang sa protesta.
Samantala, sa pugad ng mga Duterte sa Davao City, inilunsad ang isang pagkilos sa pangunguna ng Karapatan-Southern Mindanao. Ayon sa kanilang tagapagsalita, 62 na mga tagapagtanggol ng karapatang-tao ang pinatay ng rehimeng Duterte simula nang pinairal ang batas militar sa isla.
Pinasaringan ng mga raliyista si Mayor Sara Duterte sa listahan ng kanyang paglabag sa karapatang-tao. Katulad ng kanyang ama, sinulsulan niya ang pag-aresto sa mga naka-welgang manggagawa ng Coca-cola, at nagpasa ng ordinansa para pagbawalan ang mga protesta sa siyudad. Isinagawa ang protesta sa Freedom Park, Davao City.
Kaparehong mga protesta rin ang inilunsasd sa Tandag City, Surigao del Sur at Plaza Heneral, General Santos City.
Ibayong-dagat.
Sa Indonesia, isang protesta ang inilunsad ng mga kasapi ng International League of People’s Struggles (ILPS) at People’s Struggle Front sa US Embassy sa Jakarta. Bitbit na panawagan ng ILPS-Indonesia ang pagwawakas ng batas militar sa Mindanao at hustisya para sa mga biktima ng Sagay 9 Massacre at sa abogado nitong si Atty. Benjamin Ramos.
Inilunsad naman ang isang pagkilos sa Brussels, Belgium bilang pagsuporta sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Pilipinas. Nagdala ng mga sulo ang mga nagprotesta habang nananawagan ng hustisya. Pinangunahan ito ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP).
Samantala sa Vancouver, Canada inilunsad ang protesta para labanan ang imperyalistang pandarambong at panggegera na nagaganap sa mga bayan tulad ng Pilipinas at Palestine. Ipinanawagan din ng ILPS-Canada ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal sa buong mundo.
Sa mismong tungki ng ilong ng imperyalismong US, nagprotesta ang mga Pilipino sa pangunguna ng ICHRP. Naglunsad sila ng isang programa sa Consulate General of the Philippines, New York City at pagkatapos ay nagmartsa sa Trump Towers. Isinigaw nila ang panawagan na “No justice! No Peace! Stop the Killings in the Philippines!”. Ipinanawagan din nila ang pagpapatigil sa ayudang militar ng US sa rehimeng Duterte.