19 bagong medik sa Camarines Norte

,

MATAGUMPAY NA NAILUNSAD ang pamprubinsyang pagsasanay sa Batayang Kursong Pangkalusugan sa isang larangang gerilya sa ilalim ng Armando Catapia Command (ACC o BHB Camarines Norte) nitong Nobyembre. Labing siyam ang nakapagtapos mula sa yunit ng hukbo, milisyang bayan at sa mga organisasyong masa sa baryo.

Pangunahing pinadalo sa pagsasanay ang mga tatayong upisyal medikal ng mga yunit ng hukbo, milisyang bayan at mga nasa subkomite sa kalusugan ng mga organisasyong masa. Karamihan sa mga dumalo ay limitado pa ang karanasan sa gawaing medikal. Subalit dahil naunawaan nila ang kahalagahan ng gawain sa pagsusulong ng rebolusyon, naging bukas silang matuto.

Sa proseso ng pagsasanay ay naging masigla ang partisipasyon ng lahat na mga delegado. Naging aktibo sila laluna sa paksang Unang Lunas dahil ayon sa kanila, mahalaga ito sa panahong nagkakaroon ng labanan. Nagbigay ng ibayong kumpyansa sa mga tatayong medik ng yunit ang kanilang naging pagsasanay. Ang makapagligtas ng pasyente ang naging tuon ng kanilang pagsisikap upang matuto ng iba’t ibang paraan ng panggagamot. Para sa mga pultaym sa hukbo, naging hamon sa kanila ang pagiging medik sa panahon ng mga taktikal na opensiba ng BHB at maging sa mga di-inaasahang depensiba.

Nagdiin naman ang mga delegado mula sa mga organisasyong masa na makapagbigay ng serbisyong medikal sa kanilang baryo. Idiniin din sa pagsasanay ang kahalagahan ng “Revolutionary Medical Code of Ethics,” kung saan nakasaad dito ang wastong pakikitungo ng isang medik sa kapwa medik, sa pasyenteng hukbo at masa, maging sa pasyente ng kaaway sa panahon ng mga labanan.

Malaking tagumpay ang pagkakalunsad ng nasabing pagsasanay sa gitna ng tuluy-tuloy na mga operasyong kombat at “peace and development” ng militar sa prubinsya mula pa noong Pebrero. Sinaklaw ng mga ito ang walong baryo ng bayan ng Labo at nagsasagawa ng tuluy-tuloy na paggalugad at pagbase sa mga sentrong baryo.

Matapos ang pagsasanay ay kumpyansa ang Partido at BHB sa Camarines Norte na kaya nilang harapin ang atake ng kaaway at maglunsad ng papadalas na mga taktikal na opensiba dahil may mga medik na patuloy na magpapaunlad sa kanilang kasanayan sa gitna ng umiigting na armadong pakikibaka sa ilalim ng diktador at pasistang rehimeng US-Duterte.

19 bagong medik sa Camarines Norte