Bahay ng lider obrero, sinunog sa Compostela

,

SINUNOG NG MGA hindi kilalang tao noong alas-2 ng madaling araw ng Disyembre 15 ang bahay ni Paul John Dizon, presidente ng NAMASUFA (Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farms), sa poblasyon ng Compostela sa Compostela Valley.

Natupok din ang bahay ng dating NAMASUFA President at dating Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region Chairperson Vicente Barrios na nasa likuran ng bahay ni Dizon, at ang upisina ng unyon. Ang nasunog na mga bahay at upisina ay mga 30 metro ang layo mula sa Packing Plant 220 ng Sumifru.

Una nang tinangkang sunugin ang bahay ni Dizon noong Nobyembre 29 at pinagbabaril kinabukasan. Nangyari ang mga insidenteng ito habang nagkakampo ang mga delegado ng NAMASUFA sa paanan ng Mendiola.

Bilanggong pulitikal, namatay

NAMATAY ANG BILANGGONG pulitikal na si Alex Arias, 63 taong gulang, habang nasa kulungan noong bisperas ng pagdiriwang ng International Human Rights Day. Inatake siya sa puso bandang ala-7:30 ng gabi at idineklarang patay pagdating sa Rizal Medical Center sa Pasig City. Siya ang pangatlong bilanggong pulitikal na namatay sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Si Arias ay may sakit na alta-presyon at diabetes. Siya ay dating tagapangulo ng Pagkakaisa at Ugnayan ng mga Magbubukid sa Laguna, at kaanib na organisasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Inaresto siya noong Abril 7, 2012 sa gawa-gawang mga kaso ng kidnapping at frustrated homicide, at ikinulong sa Metro Manila District Jail.

Kabilang si Arias sa 160 maysakit at may edad na mga bilanggong pulitikal na pinangakuang palalayain ni Duterte bilang bahagi ng pakikipagmabutihan kaugnay sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines at Government of the Republic of the Philippines.

Noong Nobyembre 28, 2016, namatay sanhi ng atake sa puso si Bernabe Ocasla, isang lider magsasaka. Habang nasa kulungan siya ay nagkaroon ng sakit sa puso at alta-presyon. Noon namang Setyembre 12, 2017, namatay ang 74 anyos na si Marcos Aggalao sa Kalinga Provincial Hospital, Kalinga. Siya ay nag-uulyanin na at may sakit na pulmonya at alta-presyon.

Ang pagkamatay ng tatlong bilanggong pulitikal sa ilalim ng rehimeng Duterte, ayon sa Karapatan, ay isang masaklap na reyalidad kumpara sa espesyal na trato kina dating First Lady Imelda Marcos at iba pang kilalang tao na pinayagang makalaya sa kabila na sila ay hinatulang nagkasala.

Bahay ng lider obrero, sinunog sa Compostela