CPI-Maoist nagdaos ng ikalimang Plenum

,

 

IDINAOS NG PARTIDO Komunista ng India (CPI-Maoist) ang ikalimang Plenum nito noong Nobyembre 2018 at naghalal ng bagong mga kasapi. Naghapag ng pagbibitiw bilang Pangkalahatang Kalihim ng Partido si Kasamang Ganapathy para bigyan-daan ang mga nakababatang kasapi ng Komite Sentral. Ang kanyang lumalalang kalagayan ng kalusugan at pagtanda ang mga batayan ng kanyang pagbibitiw.

Kinilala ng bagong Komite Sentral (KS) si Kasamang Ganapathy sa kanyang ambag bilang Pangkalahatang Kalihim ng CPI-Maoist simula pa 1992. Katuwang ang Komite Sentral, pinamunuan niya ang Partido sa harap ng mga pagsasanib ng mga partido at mga internal na kaguluhan. Kasalukuyang naglulunsad ang CPI-Maoist ng isang matagalang digmang bayan laban sa reaksyunaryong sistema ng India. Ayon sa Partido, susing ambag niya ang pagpapalakas ng kolektibong pamumuno ng Komite Sentral.

Inihalal ng Plenum si Kasamang Basavaraju para tumindig bilang Pangkalatahang Kalihim ng Partido. Kasapi siya ng KS sa loob ng 27 taon at ng Pampulitikang Kawanihan ng 18 taon. Sa kalakhan, tinanganan niya ang pamumuno sa Central Military Commission, na nakapag-ambag sa pagsulong ng digmang bayan sa India.

Kinilala ng Partido na ang mga pagbabagong ito ay tanda ng pagsulong at pag-unlad. Makapagpapatibay din ito ng pamumuno ng Partido sa pangkalahatang kasapian nito, dagdag pa nila. Sa harap ng SAMADHAN, ang kontra-rebolusyonaryong opensiba ng estado, higit silang determinado na humakbang pasulong.

CPI-Maoist nagdaos ng ikalimang Plenum