Kampo ng CAFGU, nilipol ng BHB
DALAWANG SUNDALO NG 3rd Special Forces Battalion at 12 elemento ng CAFGU ang bihag ngayon ng Bagong Hukbong Bayan-Agusan del Sur matapos kubkubin ng mga Pulang mandirigma ang kanilang kampo sa Barangay New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur. Isinagawa ang mapangahas na opensibang walang putok noong Disyembre 19, bandang alas-3 ng madaling araw.
Nasamsam din ng BHB-NEMR ang isang M60 masinggan, 17 M16, apat na M14, dalawang M4 carbine, isang Harris radio at daan-daang bala.
Ipinagbunyi ng mamamayan ang matagumpay na opensiba ng hukbong bayan. Kabilang ang naturang detatsment sa mahigit 100 kampo sa Northeastern Mindanao na nagsisilbing pugad ng mga kriminal at pasimuno ng mga anti-sosyal na aktibidad. Notoryus din sila sa pangongotong sa mga maliitang magtotroso at minero at negosyante sa lugar.
Ayon kay Ka Sandara Amihan, tagapagsalita ng BHB sa prubinsya, ang mga nabihag na sundalo at CAFGU ay makataong tinatrato. Nagpahayag naman ang Partido Komunista ng Pilipinas na palalayain ang mga bihag ng digma sa panahong itigil ng Armed Forces of the Philippines ang mga opensiba nito. Ito’y upang matiyak ang kaligtasan sa pagpapalaya ng mga bihag. Nanawagan din ang Partido sa mga third-party facilitator na makipag-ugnayan sa kinauukulang kumand ng BHB para sa pagpapalaya sa mga bihag.
Binati din ng PKP ang matagumpay na opensiba ng BHB-Sorsogon noong Disyembre 17 ng gabi. Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang istasyon ng pulis sa sentro ng bayan ng Magallanes, kasunod ang pag-atake rin sa kampo ng PNP Mobile Force sa Barangay San Ignacio, Gubat. Tatlong pulis ang sugatan sa mga opensibang ito.
Sa North Central Mindanao, dumanas ng 14 kaswalti ang AFP sa aktibong depensang inilunsad ng mga yunit ng BHB sa hangganan ng mga prubinsya ng Misamis Oriental, Bukidnon at Agusan del Sur. Hindi bababa sa 13 labanan ang naganap sa lugar. Iniulat ng mga residente na dalawang patay na sundalo ang inilabas noong Disyembre 7 ng gabi sa Barangay Hagpa, Impasug-ong, Bukidnon at 12 sugatan naman ang palihim na hinakot ng mga trak at ambulansya pagsapit ng hatinggabi sa katabing barangay ng Calabugao sa parehong bayan.