Libong pagdiriwang para sa ika-50 anibersaryo ng ating Partido

,

Ngayong Disyembre, gugunitain at ipagdiriwang ng buong Partido at ng sambayanang Pilipino ang ika-50 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Isanlibo’t isang rali, pagtitipon at mga pulong ang ilulunsad ng lahat ng kadre ng Partido, mga Pulang mandirigma, mga rebolusyonaryo at aktibista sa mga pabrika, paaralan at sa mga base at larangang gerilya ng Bagong Hukbong Bayan.

Gaano man kalaki o katindi ang mga opensibang militar, hindi mapipigilan ng rehimeng Duterte at Armed Forces of the Philippines ang pagdiriwang ng sambayanang Pilipino. Katunayan, sa ilang lugar, nakapaglunsad na ng maagang pagdiriwang na hindi man lamang napansin ng pasistang kaaway. Sa iba’t ibang lugar, abala ang mga kasama sa paghahanda ng pagkain at pag-eensayo ng pinakamahuhusay na manganganta, mananayaw at iba pang artista na haharap sa ilulunsad na mga pagtatanghal.

Desperado ang AFP na pigilan ang anumang pagdiriwang ng rebolusyonaryong mamamayan. Dahil dito ay lalupa nitong pinatitindi ang kanilang mga operasyong militar. Lalong walang tigil ang panghahalihaw ng mga sundalo sa mga komunidad at kagubatang pinaghihinalaan nilang pagdadausan ng mga pagtitipon. Nagdudulot ng labis na ligalig sa mga residente ang pagpapaulan ng mga bala at bomba mula sa mga kanyon at helikopter sa mga lugar na ito.

Sa ngalan ng “paghadlang sa mga pag-atake ng BHB,” nagtambak ang estado ng mga pulis at sundalo sa mga liblib na baryo para bantayan ang mga ito. Ang lahat ng ito ay sa kabila ng unilateral na pagdeklara ng PKP at BHB ng pansamantalang tigil-putukan para bigyan-daan ang mga selebrasyon, kapwa ang tradisyunal at rebolusyonaryo. Nakahanda ang PKP at BHB na bawiin ang deklarasyon kung labis na maging disbentahe ito sa harap ng walang-habas na mga opensiba ng kaaway.

Magdeklara man ang rehimeng US-Duterte ng pansamantalang tigil-putukan o hindi sa kapaskuhan, tiyak ang pag-arangkada ng mga operasyong militar at kampanya ng panunupil nito pagpasok ng bagong taon. Napalawig na ni Rodrigo Duterte sa sunud-sunurang Kongreso at Senado ang batas militar sa Mindanao. Napasaklaw na niya ito sa iba pang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng Memo Order 32. Pormal na rin niyang itinayo ang National Task Force para tapusin diumano ang armadong tunggalian sa pamamagitan ng “whole-of-nation” approach. Kasabay ng tuluy-tuloy na militarisasyon sa burukrasyang sibil at pagpapadeklara sa PKP at BHB bilang mga “teroristang” organisasyon, pinaiiral na ni Duterte ang batas militar sa buong bansa.

Sa paglulunsad ng malakihang mga operasyong militar, winawaldas ni Duterte ang pera ng bayan sa pagbili niya ng dagdag na mga bala, baril, kanyon, mortar, rocket, helikopter at drone. Ang mga ito ay salot sa mamamayang inaatake ng kanyang mga tropa.

Sinusuhulan niya ang mga ordinaryong sundalo ng pinalaking sweldo, at kamakailan, ayudang pinansyal sa mga elemento ng CAFGU, habang binubundat ang malalaking pinapaburang upisyal ng napakalaking pondo para kurakutin at dambungin. Ang totoong pakay ni Duterte ay bilhin ang suporta sa kanyang pasistang rehimen. Nais niyang gamitin ang AFP para pakialaman at manipulahin ang resulta ng eleksyong 2019, kung matutuloy nga, para iupo ang mga kandidatong pabor sa kanyang tiraniya at sa paghaharing militar ng AFP.

Sa kabila nito, palalim nang palalim ang disgusto ng mga ordinaryong sundalo ng AFP sa bulok at kriminal na rehimeng Duterte. Lubha silang pinapagod sa walang tigil na mga operasyong militar at pagbabala sa kanila sa kanyon ni Duterte. Samantala, lalong namumuhi ang mamamayan sa ginagawang malawakan at sapilitang rekrutment ng AFP sa CAFGU.

Kasabay ng pagdiriwang, dapat maghanda ang mamamayan sa mas matindi pang mga atake sa kanilang buhay at mga karapatan. Dapat paigtingin ng mamamayan ang paglaban sa umiiral nang batas militar sa buong bansa.

Dapat gawin ang lahat ng pagsisikap para pagkaisahin ang lahat ng mga pwersa at malawak na masa para biguin ang tiranikong paghahari at batas militar ni Duterte sa layuning patalsikin ang kanyang rehimen. Kabigin ang lahat ng organisasyon at personalidad para ibunyag at batikusin ang mga krimen at malalang korapsyon ni Duterte at kanyang pangkatin. Kasabay nito, dapat palakasin ang kilusang lihim para biguin ang brutal na mga atake ng rehimen.

Dapat maglunsad ang BHB ng paparaming taktikal na opensiba laban sa pinakapusakal na mga yunit ng AFP at PNP na nasa likod ng pinakamalalalang paglabag sa karapatang-tao at abusong militar. Sangkot din ang mga ito sa mga kriminal na aktibidad na tumatarget sa ordinaryong mamamayan, at protektor ng mapaminsalang mga operasyon sa mina, komersyal na plantasyon at iba pang mapandambong na korporasyon. Ang mga ito ang pinakapumipinsala sa kabuhayan ng mamamayan.

Libong pagdiriwang para sa ika-50 anibersaryo ng ating Partido