Libu-libo nagprotesta sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang-tao

,

Hindi bababa sa 20,000 ang nagprotesta sa higit 20 prubinsya at syudad ng Pilipinas bilang paggunita sa ika-70 taon ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang-tao noong Disyembre 10. Nagprotesta rin ang mga Pilipino at kanilang mga tagasuporta sa ibayong dagat.
Sa kabila ng batas militar, nasa 10,000 ang nagprotesta sa Mindanao. Pinabulaanan nila ang kasinungalingan ni Duterte at sama-samang kinundena ang pag-iral ng batas militar at ang muling pagpapalawig nito.

Sa Metro Manila, higit-kumulang 5,000 ang lumahok sa United People’s March for Human Rights na pinangunahan ng Bayan at Karapatan. Nagmartsa ang grupo mula sa Liwasang Bonifacio, Lawton tungong Mendiola sa Maynila.

Kasama sa protesta ang mga Lumad, mga manggagawa ng Sumifru at iba pang sektor na naglakbayan mula pa sa Mindanao. Nakiisa rin ang hanay ng mga Dumagat, manggagawa at magsasaka mula sa Southern Tagalog.

Luzon. Pinangunahan ng Cordillera Movement Against Tyranny at Cordillera Human Rights Alliance ang ilandaang nagprotesta sa Session Road, Baguio City para labanan ang panggigipit at panunupil sa mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo.
Sumugod at nagpiket naman ang Ilocos Human Rights Alliance at Solidarity of Peasants Against Exploitation sa mga panrehiyong upisina ng gubyerno sa San Fernando, La Union. Naglunsad din ng mga pagtitipon at protesta sa Tuguegarao City, Didipio sa Nueva Vizcaya at Bangued, Abra.

Sa Central Luzon, nagmartsa ang mga magsasaka at iba pang demokratikong sektor sa pamumuno ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon sa Cabanatuan, Nueva Ecija.
Sa Bicol, ilang libong kasapi ng Bayan-Camarines Sur at Camarines Sur Ecumenical Movement for Justice and Peace ang nagprotesta sa Plaza Oragon sa Naga City. Naglunsad ng kaparehong protesta sa mga syudad ng Legazpi at Sorsogon, at mga prubinsya ng Camarines Norte, Catanduanes at Masbate.

Visayas. Sa Panay, ilang libo ang nagprotesta sa pangunguna ng Bayan at Karapatan sa isang United People’s Action against Dictatorship sa harapan ng Iloilo Provincial Capitol.
Sa Eastern Visayas, pinangunahan ng Bayan ang mga pagkilos ng mahigit 800 aktibista sa Tacloban, Leyte, at sa Catbalogan at Las Navas sa isla ng Samar.

Higit 1,000 kasapi ng Bayan-Negros ang kumilos sa Bacolod City Public Plaza para manawagan ng hustisya sa pagmasaker sa siyam na magsasaka sa Sagay at pagpaslang sa abogadong si Atty. Benjamin Ramos.

Sa Cebu City, nagmartsa ang Bayan at Karapatan sa Fuente OsmeÒa Circle tungong Metro Colon. Sa Bohol, naglunsad din ng programa ang mga magsasaka sa ilalim ng Humabol-KMP at Gabriela sa City Square, Agora, Tagbilaran City.

Mindanao. Umabot sa 7,000 Lumad mula sa MAPASU, KASALO at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao ang nagprotesta sa Butuan City, Agusan del Norte. Kinundena nila ang marahas na pag-okupa ng mga militar sa mga komunidad at paaralang Lumad.

Pinangunahan naman ng Bayan ang martsa ng 3,000 katao sa Cagayan de Oro City.

Sa Davao City, binatikos ng mga raliyista si Mayor Sara Duterte at kanyang ama sa listahan ng paglabag sa karapatang-tao. Isinagawa ang protesta sa Freedom Park sa naturang syudad sa pangunguna ng Karapatan. Kaparehong protesta ang inilunsad sa General Santos City at Tandag City.

Ibayong-dagat. Sa Indonesia, nagprotesta ang mga kasapi ng International League of People’s Struggle at People’s Struggle Front sa US Embassy sa Jakarta.

Kumilos rin sa Brussels, Belgium ang International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) para suportahan ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Pilipinas.
Samantala, nagprotesta ang mga Pilipino sa pangunguna ng ICHRP sa Consulate General of the Philippines, New York City at nagmartsa tungong Trump Towers. Ipinanawagan nila ang pagpapatigil ng ayudang militar ng US sa rehimeng Duterte.

Kaparehong pagkilos ang inilunsad sa Vancouver, Canada.

Mga tagapagtanggol ng kalikasan, nagprotesta

Matapos ang unang kumperensya ng mga tagapagtanggol ng kalikasan noong Disyembre 7, pinangunahan ng Center for Environmental Concerns at Kalikasan People’s Network for the Environment ang isang protesta sa Mendiola sa Maynila. Nanawagan sila ng hustisya para sa mga pinaslang na mga tagapagtanggol ng kalikasan.

Iginiit din ng mga delegado sa kumperensya ang pagpapatigil sa mga itinatayong megadam, mga dayuhang mina, kapitalistang plantasyon at mga proyektong reklamasyon. Anila, nilalabag ng mga ito ang karapatan para sa isang ligtas at malusog na kapaligiran.

Martsa ng pagkakaisa kontra demolisyon, inilunsad

Ilang daan mula sa mga Distrito 3, 4 at 5 ng Maynila ang lumahok sa martsa ng pagkakaisa noong Disyembre 9 laban sa demolisyon. Nilahukan ito ng mga kasapi ng Sampaloc People’s Alliance at Ugnayan ng Mamamayang Tatamaan ng Connector Road-PNR Project. Nakiisa si Anakpawis Rep. Ariel Casilao sa pagkilos.

Balak magtayo ng kalsada ang proyekto ng Philippine National Railways sa lugar na magpapalayas sa higit 180,000 residente. Tinutulan din ng grupo ang mga ambisyosong proyektong imprastraktura ng rehimeng Duterte sa ilalim ng ‘Build Build Build’.

Sa Davao City, nagprotesta noong Disyembre 15 ang mga residente ng Catalunan PequeÒo Subdivision na matatamaan ng Mindanao Railway Project. Higit 10 subdibisyon ang tinatayang maaapektuhan ng nasabing proyekto sa ilalim ng programang ‘Build Build Build’.

Unang taon ng batas TRAIN, prinotestahan

Noong Disyembre 14, nagsagawa ng isang piket-protesta ang mga progresibo sa pangunguna ng GABRIELA sa Mendiola sa Maynila. Kaugnay ito ng isang taon nang implementasyon ng pahirap na batas na Tax Reform for Acceleration and Inclusion. Nagdulot ang batas ng pagsirit ng presyo ng mga batayang bilhin sa bansa sa loob ng isang taon nito.

‘Red-tagging’ sa Panay, kinundena

Nagtipon noong Disyembre 12 ang mga kasapi ng Bayan sa Plazoletegay sa Iloilo City para sa isang press conference at piket. Kinundena nila ang kamakailang paglalabas ng mga elemento ng estado ng mga poster na pinapangalanan ang may 45 kasapi ng mga progresibong organisasyon bilang mga “teroristang komunista”. Kasama sa mga pinangalanan ang mga kasapi ng National Union of People’s Lawyers, Karapatan at League of Filipino Students. Parehong pagkilos ang inilunsad sa Aklan kinabukasan.

Pagkilos ng mga drayber at opereytor ng dyip, ikinasa

Naglunsad ng isang pambansang koordinadong pagkilos noong Disyembre 5 ang No to Jeepney Phaseout Coalition at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON). Giit nila ang pagbasura sa peke at maka-negosyong programang modernisasyon ng dyip na sisimulan sa Marso 2019.

Nagmartsa ang mga drayber at opereytor ng dyip tungong Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa East Avenue, Quezon City. Nagprotesta rin ang Baguio-Benguet Movement Against Jeepney Phase-Out sa Baguio City at ang PISTON-Central Luzon sa harapan ng panrehiyong upisina ng LTFRB sa San Fernando City, Pampanga.

Noong Disyembre 10, kasabay ng pagdinig sa badyet ng Department of Transportation (DOTr) sa Senado nagtipon ang iba’t-ibang grupo ng mga drayber at opereytor ng dyip, trak, bus at UV express para labanan ang pekeng modernisasyon at mga anti-mahirap na programa ng DOTr. Lumahok rin ang mga grupo ng truckers mula sa Cavite, Laguna at Bulacan at mga opereytor ng bus mula sa Cavite at Batangas.

Nagprotesta naman ang mahigit 1,000 drayber ng Angkas sa ilalim ng Riders of the Philippines sa People Power Monument matapos ipagbawal ng Korte Suprema ang operasyon ng Angkas. Hiling nila na maibalik ang operasyon ng pribadong transportasyon para sa kanilang kabuhayan.

Libu-libo nagprotesta sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang-tao