35 armas, nasamsam ng BHB sa Kalinga at Samar
Tatlumpu’t limang matataas na kalibreng armas ang nasamsam ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa magkakasunod na taktikal na opensiba noong Disyembre 18 hanggang 23, 2018. Kung idaragdag ang 24 na matataas na kalibreng armas na nasamsam ng BHB noong Disyembre 19 sa Surigao del Sur na naunang iniulat ng AB, aabot sa kabuuang 59 na malalakas na baril ang nakuha ng BHB noong Disyembre.
Ang mga ito ay tugon ng BHB sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas na tuluy-tuloy na paigtingin ang mga taktikal na opensiba bilang sagot sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao at upang gunitain ang ika-50 anibersaryo ng Partido sa pamamagitan ng pag-ibayo ng armadong pakikibaka
Matagumpay na sinalakay ng BHB-Kalinga (Lejo Cawilan Command) ang detatsment ng CAFGU sa Sityo Ag-agama, Barangay Western Uma, Lubuagan noong madaling araw ng Disyembre 23, 2018. Nasamsam ng BHB ang 30 matataas na kalibre ng armas: pitong M16, pitong M14, dalawang M4 at labing-apat na Garand, at libu-libong bala.
Napatay sa reyd si Sgt. Elon Bayang, ang kumander ng detatsment, samantalang sugatan ang tatlong elemento ng CAFGU.
Binigyan ng pinakatamaas na pagpupugay ng BHB-Ilocos Cordillera Region (Chadli Molintas Command) si Roy Tongdo (Ka BK) mula sa Balbalan, Kalinga matapos na namartir sa isinagawang opensiba.
Dalawang taon nang nananalasa ang detatsment sa Sitio Ag-agama, Barangay Western Uma. Sapilitang itinayo ng mga sundalo ang detatsment sa lugar noong Setyembre 2016 para supilin ang paglaban ng mga pambansang minorya at magsasaka sa operasyon ng mga dayuhang kumpanyang Chevron-Aragorn Power and Energy Corporation at Guidance Management Corporation. Sinasaklaw ng operasyon nito ang 25,000 ektaryang lupain ng Lubuagan, Pasil at Tinglayan sa Kalinga para sa negosyong geothermal at pagmimina noong 2008.
Pinatindi ng AFP ang sarbeylans at mga operasyon nito sa lugar. Binuo nito ang mga Community Support Program Team para makakilos sa mga komunidad at kinalaunan ay itinayo ang detatsment sa Ag-agama.
Dalawang opensiba sa Samar
Sa Northern Samar, nakasamsam ng limang ripleng R4 ang BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command) sa isang pananambang sa Barangay Hinatad, Catarman noong Disyembre 18, 2018, ayon sa pahayag ng panrehiyong kumand sa operasyon ng Eastern Viisayas. Nagtagal ang palitan ng putok ng apat na minuto na nag-iwan ng walong patay sa mga sundalo mula sa 43rd IB.
Sinundan ito ng isang pag-atake ng naturang yunit ng BHB sa Barangay Caputoan, Las Navas noong Disyembre 22, 2018 sa yunit ng 20th IB na naglulunsad ng operasyong “peace and development” sa lugar. Isinagawa ang opensiba sa ganap na ala-6 ng umaga na nagresulta sa pagkapatay sa tatlong sundalo habang nag-iwan ng tatlo pang sugatan.
Samantala, pinasinungalingan ni Maria Roja Banua, tagapagsalita ng National Democratic Front-Bicol ang pinakakalat ng 96th IB hinggil sa pekeng engkwentro ng BHB at mga elemento ng militar sa Sityo Malapat, Baay, Labo, Camarines Norte noong Disyembre 30.
Ang totoo, abala ang BHB noong huling linggo ng Disyembre sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo. Katuwang sila ng mamamayan sa pag-aayos ng mga nasirang tirahan, kagamitan at pananim, ganoon din ang paggamot sa mga nagtamo ng kapansanan at nagkasakit.
Desperado ang AFP sa paghahabol ng mga ‘tagumpay’ kontra sa BHB lalo pa at sunud-sunod ang matatagumpay na taktikal na opensiba ng BHB sa rehiyon ng Bicol noong huling kwarto ng 2018.