‘Crackdown’ sa mga guro, binatikos
Binatikos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), mga guro, abugado at tagapagtanggol ng karapatang-tao ang utos ng Philippine National Police (PNP) na tiktikan ang mga myembro at kaalyado ng ACT noong Enero 6.
Nagprotesta ang mga guro mula sa Manila Public School Teachers Association at ACT sa harapan ng upisina ng Department of Education-Manila noong Enero 7. Nakipagdayalogo sila sa upisina upang alamin kung pinahintulutan nito ang paniniktik.
Noong araw ding iyon, nagtipon ang mga progresibong organisasyon sa harapan ng Camp Crame sa Quezon City para kundenahin ang paniniktik ng PNP. Anila, tahasang paglabag ito sa karapatang mag-organisa at magpahayag ng mga guro.
Nabulgar ang pakanang ito ng PNP nang makakuha ng kopya ang mga militanteng guro ng dokumento mula sa hepe ng Zambales Police Provincial Office na nag-uutos sa lahat ng Chief of Police sa bawat munisipyo na ilista ang lahat ng guro sa mga pampubliko at pribadong paaralan na myembro ng ACT.
Bagaman walang upisyal na dokumento, sinaklaw ng paniniktik ang lahat ng mga eskwelahan sa buong bansa. Ibinalita ng ACT ang pagpunta ng mga pulis sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Maynila, Quezon City, Bulacan, Sorsogon, Camarines Sur at Agusan del Sur. Sa Maynila, anim na guro ang “dinalaw” na ng mga ahente ng paniktik.
Layunin ng paniniktik na sindakin ang mga kasapi ng ACT at mga guro, na matagal nang lumalaban para sa kanilang karapatan, at payukuin sa mga utos ni Duterte para manipulahin ang papalapit na eleksyong mid-term.
Nilulustay ni Duterte ang pondo ng publiko para ipitin ang mga ito, habang hindi sinasagot ang matagal nang panawagan ng sektor para sa pagtataas ng sahod at benepisyo.
Binibigyang-hugis nito ang malawakang paniniktik sa mga estudyante, mamamahayag, abogado at iba pang demokratikong sektor, organisasyon, mga alyansa, maging ang mga progresibong party-list para iligal na hulihin o ipapatay.
Higit na palalawaking at palalakasin ng hakbanging ito ang oposisyon at paglaban ng mamamayan. Kontra sa kanyang layunin na patahimikin ang sambayanan, lalo niyang itinutulak ang iba’t-ibang sektor na magkaisa at wakasan ang mapanupil, kurakot at tutang rehimen ni Duterte.