Mapangwasak na kumpanyang mina sa Negros, pinaralisa ng BHB

,

Matagumpay na napahinto ng BHB-Negros (Mt. Cansermon Command) ang mapaminsalang operasyong open-pit na pagmimina ng Pilipinas Eco-friendly Mining Corporation (PEMC) sa Ayungon, Negros Oriental noong Enero 2, pasado ala-una ng madaling araw. Pinaralisa ng BHB ang mga kagamitan ng PEMC sa open-pit mining sa hangganan ng mga barangay ng Banban at Mabato sa naturang bayan. Winasak ng BHB ang pitong backhoe, dalawang payloader, grader, buldoser at dalawang generator set. Tinatayang aabot sa Php120 milyon ang halaga ng lahat ng ito.

Ang operasyong open-pit na pagmimina ay matagal nang inirereklamo ng mamamayan sa lugar dahil sa pinsala nito sa kanilang kabuhayan. Nilalason nito ang mga sapa at ilog na siyang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda at irigasyon ng mga magsasaka. Nagdudulot ito ng masamang epekto sa kalapit na 2,000 ektaryang sakahan at sanhi ng dislokasyon ng aabot sa limang baryo sa Ayungon.

Ika-15 ang PEMC sa listahan ng mga kumpanya sa pagmimina na may pinakamalaking kita sa buong bansa. Ito rin ang nagsusuplay ng silica (mineral na sangkap sa paggawa ng semento) sa 10 pinakamalalaking pabrika ng semento sa bansa.

Kabilang ang eryang sakop ng PEMC sa kabuuang 4,717 ektaryang target minahin ng di-bababa sa limang kumpanya sa bulubunduking bahagi ng Ayungon.

Isinagawa ng BHB ang operasyon alinsunod sa patakaran ng demo­kra­tikong gubyernong bayan na parusahan ang mga mapanira at mapang-abusong kumpanya sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.

Samantala, pinarusahan ng isang yunit ng BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Command o LPC) si Joseph Gavia, isang elemento ng CAFGU sa Barangay Linantuyan, Guihulngan noong Enero 6.

Si Gavia ay nagsisilbing ahenteng paniktik ng AFP at dati nang naghahasik ng teror sa naturang komunidad. Sa panahong nakainom, nanunutok at nagpapaputok siya ng baril.

Naglunsad naman ng dalawang operasyong isnayp ang LPC noong Enero 4 bilang sagot sa sunud-sunod na pamamaslang, iligal na pang-aaresto at pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa mga sibilyan matapos isinagawa ang SEMPO (Synchronized Enhanced Managing of Police Operations) noong Disyembre 27, 2018 nang madaling-araw.

Alas 2:04 ng hapon nang paputukan ng yunit ng BHB ang detatsment ng AFP sa Barangay Linantuyan, Guihul­ngan, Negros Oriental. Kasabay na isinagawa ng isa pang yunit ng BHB ang operasyong isnayp sa isa pang detatsment sa Barangay Sikatuna, Isabela, Negros Occidental. Batay sa inisyal na ulat, dalawa ang kaswalti sa militar.

Sa kaugnay na balita, pinasinungalingan ng BHB ang gawa-gawang eng­kwentro sa pagitan nila at ng AFP sa Barangay Budlasan, Canlaon City at Barangay Calu­paan, Guihulngan City noong Enero 3.

Mapangwasak na kumpanyang mina sa Negros, pinaralisa ng BHB