Pampulitikang panunupil sa Central Visayas, kinundena

,

Nagpiket ang mga progresibong organisasyon sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Central Visayas sa harapan ng Police Regional Office VII Camp Sergio Osmena sa Cebu noong Enero 2. Kinundena ng mga grupo ang pampulitikang pamamaslang sa anim na progresibo at iligal na pag-aresto sa 16 na aktibista sa isla ng Negros noong unang linggo ng Enero.

Iginiit nila na tigilan ng mga elemento ng militar ang Red-tagging at pananakot sa mga lider-magsasaka ng Bohol na kasapi ng HUMABOL-KMP. Nakatanggap ng mga banta sa buhay ang mga lider nito sa kanilang mga social media account noong Disyembre 26. Inakusahan silang mga tagasuporta ng BHB.

Samantala, nagtipon din ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Camp Crame sa Quezon City noong Enero 4, 2019 para kundenahin ang nagpapatuloy na hayagang panunupil ng rehimeng US-Duterte sa buong bansa.

Isang protesta rin ang inilunsad ng mga konseho ng mag-aaral ng University of the Philippines (UP) na lumahok sa General Assembly of Student Councils sa UP Cebu noong Enero 7 sa pangunguna ng Kasama sa UP at UP Office of the Student Regent. Panata ng mga lider-estudyante na labanan ang panunupil ng estado sa mamamayan.

Pampulitikang panunupil sa Central Visayas, kinundena