Kumperensyang medikal sa NCMR, matagumpay

,

Sa kabila ng tuluy-tuloy na mga operasyong militar ng AFP, matagumpay na nailunsad ng BHB-NCMR ang panrehiyong kumperensyang medikal nitong Disyembre.

Nilahukan ito ng may 22 kadre at praktisyuner sa gawaing medikal mula sa mga istap pangkalusugan ng rehiyon, subrehiyon, hanggang sa mga larangan, at may kinatawan rin mula sa rebolusyonaryong organisasyon ng sektor pangkalusugan sa urban. Inabot ng 12 araw ang kumperensya kasama ang pagrebyu sa nakuhang mga pag-aaral sa nakaraan.

Layunin ng kumperensya na paunlarin ang praktika ng hukbo at lagumin ang naging mga karanasan nito. Ayon kay Ka Iris, team leader ng Regional Medical Staff, “Makakatulong ito sa pagbubuod ng mga karanasan mula sa iba’t ibang mga larangan–ang mga luma at maling praktika ay maiwasto habang pinapaunlad ang mga tama.”

Sa harap ng pinatinding operasyong militar, hindi natinag ang yunit ng hukbong bayan para pataasin ang kaalaman sa Rebolusyonaryong Gawaing Pangkalusugan. Mas umigting ang kagustuhan ng mga delegado na tapusin ang kumperensya sa kabila ng operasyong militar.
“Patunayan natin sa mga kaaway na kaya nating harapin ang bigwas ng kanilang operasyon,” sabi pa ng isang delegado.

Masigla ang naging takbo ng diskusyon sa kumperensya dahil sa mga buhay na karanasang ibinahagi ng mga medikal mula sa iba’t-ibang mga larangan.

Sabi pa ni Ka Mayo, isang rebolusyonaryong medikal mula sa urban, “Ang direktang paglahok ng mga medikal sa gera ay mas makapagpapaangat ng kanyang karunungan tungo sa mas mataas na antas ng praktika sa gawaing pangkalusugan.”

Sa pagtatapos ng kumperensya, masigasig ang mga delegado na ipatupad at isapraktika ang mga pinagkaisahan at natutunan. Babalik sila sa kanya-kanyang mga larangan bitbit ang mga bagong teorya at kaalaman.

Kumperensyang medikal sa NCMR, matagumpay