Pandarahas ng rehimen, bumungad sa 2019
Walang habas ang pananalasa ng mga armadong tauhan ng rehimeng US-Duterte sa unang mga linggo ng Enero. Hindi bababa sa 66 indibidwal ang biktima ng iba’t ibang kaso ng pagpaslang, iligal na pag-aresto at panggigipit. Maliban dito, 41 pamilya ang naitaboy sa kanilang mga tirahan, at 15 baryo at komunidad ang naiulat na hinahalihaw ng mga sundalo.
Limang sibilyan, pinaslang
Sa Bicol, tatlong sibilyan ang pinatay ng mga sundalo ng 96th MICO sa loob lamang ng halos dalawang linggo. Noong Disyembre 31, 2018, pinagbabaril hanggang mamatay si Ranoy Sampaga Masanoc, 27, habang ipanapasada ang kanyang habal-habal sa Sityo Matungao, Barangay Tugbo, Masbate. Mga tama ng bala sa ulo at dibdib ang ikinamatay ni Masanoc.
Noon namang Enero 11 at 12, sa magkahiwalay na insidente, pinagbabaril at napatay ng mga lalaking nakamotorsiklo ang magkaibigang sina Nicasio Ebio at Hermenegildo Domdom sa prubinsya ng Sorsogon. Unang pinatay si Ebio, 37, isang mangingisda at aktibong myembro ng Anakpawis. Pinatay siya malapit lamang sa barangay hall ng Bato sa distrito ng Bacon.
Ayon sa mga saksi, bago patayin ay itinaas pa ni Ebio ang kanyang mga kamay at nagmakaawa sa mga salarin. Matapos ang krimen, nagpahayag ang isa sa mga bumaril na isang lalaki at isang babae pa ang kanilang papatayin.
Kinabukasan, sa katabing bayan ng Prieto Diaz, pinatay naman si Domdom, 32, isang manggagawa sa construction. Ayon sa mga katrabaho ni Domdom na kaangkas niya sa motorsiklo nang isinagawa ang krimen, binabaybay nila ang hangganan ng mga barangay ng San Ramon at Lupi nang harangin sila ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo. Pinadapa si Domdom bago pinagbabaril. Dati na siyang inakusahang myembro ng BHB. Ang kanyang asawa ay aktibong myembro ng Anakpawis at pinaniniwalaang isa sa mga tinukoy ng mga salarin na papatayin.
Sa Quezon, pinatay ang magsasakang si Albert Espenas, 39, residente ng Barangay Mabunga sa San Francisco. Noong Enero 8, nagbabantay ng kanyang tindahan nang pagbabarilin ng mga salarin na nagpanggap na bibili.
Sa Negros Oriental, noong Enero 11, hinarang ng mga armadong lalaki si Remeglo Arquillos habang nagmamaneho ng kanyang habal-habal sa Barangay Bulado, Guihulngan City. Matapos nito’y pinagbabaril siya hanggang mamatay.
Mga katutubo, iligal na inaresto
Anim na mangingisdang Kalinga ang iligal na inaresto ng mga sundalo ng 17th IB noong Enero 14 sa San Mariano, Isabela Ang mga biktima ay sina Espido Tamang, Jojo Tamang, Rodel Infiel, Arjay Zipagan, Tuting Ampa at Porong Ampa.
Nangingisda ang anim sa Barangay Panninan nang paputukan ng mga sundalo, dinakip at iligal na idinetine nang dalawang araw sa kampo ng militar sa Rogus, Cauayan City. Pinagbintangan silang nagtatago ng mga granada sa kanilang mga basket at lambat. Napalaya ang anim matapos dumagsa ang mga residente, mga upisyal ng barangay at munisipyo, at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao.
Sa Davao del Norte, dinukot ng mga sundalo ng 71st IB noong Enero 16 si Raquel Quintano, 42, tagapagsalita ng Kalumonan, organisasyon ng mga kaanak ng mga bilanggong pulitikal sa Southern Mindanao.
Habang nag-aabang si Quintano ng dyip bandang alas-8:30 ng umaga sa Barangay Madaum, Tagum City, isang itim na Toyota Vios ang huminto sa tapat niya at sapilitan siyang isinakay. Kinabukasan, inilitaw siya ng 71st IB sa kampo nito sa Mawab, Compostela Valley at malisyosong iprinisinta bilang umano’y tagakolekta ng buwis ng BHB. Si Quintano ay aktibong tagapagtanggol ng karapatang-tao at masigasig na kumilos upang mapanagot ang 71st IB sa pagtortyur at tangkang pagsunog sa dalawang magsasaka noong Nobyembre 2017. (Basahin sa Ang Bayan Enero 7, 2018)
Dalawang estudyante naman ng paaralang Lumad na Salugpungan ang iligal na inaresto ng 66th IB sa Barangay Ngan, Compostela, Compostela Valley noong Enero 17, alas-3 ng hapon. Matapos nito, iprinisinta sila bilang “sumurender” na mga myembro ng BHB.
Iligal ding inaresto ng mga pulis si Jennifer David noong Enero 16, alas-5 ng hapon sa Barangay San Matias, Sto. Tomas, Pampanga. Si David, aktibong myembro ng Kabataan Partylist, ay dinala sa istasyon ng PNP sa Sto. Tomas at pinaratangan na “terorista.”
Kabahayan, dinemolis
Nawalan ng tirahan ang 15 pamilyang maralitang magsasaka sa Zone 7 San Rafael, Barangay Cararayan, Naga City matapos ipademolis ng City Hall ang kanilang mga bahay noong Enero 17.
Alas-5 pa lang ng umaga, bumulaga sa mga residente ang mga myembro ng PNP-SWAT at mga bayarang maton. Sunud-sunod na panghaharas ang ginawa ng mga pulis sa mga residente bago tuluyang giniba ang kanilang mga bahay bandang tanghali. Ilan sa kanila ay tinutukan ng baril ng mga pulis.
Tatlumpung taon nang naninirahan ang mga magsasaka sa bahagi ng kabuuang 14.8 ektaryang sakahang ipinailalim sa pagpapalit-gamit.
Panggigipit sa mga aktibista’t magsasaka
Sa Negros Occidental, hinarang ng mga sundalo ng 303rd IBde at PNP Magallon ang 17 delegado ng relief operations sa isang tsekpoynt sa Guinpana-an, Magallon, Negros Occidental noong Enero 15, alas-5 ng hapon. Nagmula ang grupo sa Sityo Tacpao, Trinidad, Guihulngan City para magbigay ng tulong sa mga pamilyang biktima ng militarisasyon.
Kabilang sa mga delegado ang mga myembro ng Bayan, Karapatan, Iglesia Filipina Independiente, at mga manggagawang pangkalusugan. Aabot sa 30 minutong pinigilan ng mga sundalo at pulis na makaabante ang sasakyan ng grupo, at binuntutan pa ng sasakyan ng militar hanggang sa bayan ng La Castellana.
Sa Don Salvador Benedicto, pinagtatabas ng mga armadong maton ng panginoong maylupang si Melvin Ybañez ang pananim ng 32 magsasaka at sinira ng traktora ang kanilang mga mais sa Hacienda Tupas sa Barangay Bunga noong Enero 12. Kinabukasan, pinagbantaan ang mga magsasaka na isa-isang papatayin ayon sa utos ni Ybañez.
Sa Bohol, isang text ang natanggap ni Joemar Pogio mula sa pinaniniwalaang ahente ng estado na nag-aakusa sa kanya bilang upisyal ng rebolusyonaryong kilusan na may mataas na katungkulan. Pinatitigil din siya sa pagiging myembro ng Hugpong sa Mag-uuma sa San Miguel, at inalok ng pera kapalit ng kooperasyon.
Pinaghahanap din si Rakel Autida ng mga sundalo ng 47th IB habang nagbabahay-bahay ang mga ito sa Barangay Canlangit sa bayan ng Sierra Bullones. Si Autida, myembro ng Gabriela, ay inaakusahang Abu Sayyaf.
Militarisasyon sa Negros at Surigao del Sur
Aabot sa 150 elemento mula sa 62nd IB, 94th IB at PNP ang nananalasa sa mga baryo sa Central Negros mula pa noong madaling araw ng Enero 9. Militarisado ang mga baryo sa magkakanugnog na bayan ng La Castellana, Magallon (Moises Padilla) at Guihulngan City.
Sa La Castellana, okupado ng mga sundalo ng 62nd IB at PNP ang mga barangay ng Puso, Cabacungan at Manghanoy. Sa Barangay Puso pa lamang, may 100 sundalo ang umookupa sa tatlong sityo ng baryo. Militarisado rin ang mga barangay ng Macagahay, Montilla at Guinpana-an sa Magallon, at Tacpao, Binobohan at Trinidad sa Guihulngan City.
Sa mga baryong ito, iligal na pinapasok ng mga sundalo ang mga kabahayan, nag-iinteroga sa mga dumaraan, at umookupa sa mga paaralang elementarya at hayskul, na nagdudulot ng takot sa mga estudyante at mga guro. Ginawa ring kampo ng mga sundalo ang mga barangay hall.
Sa Surigao del Sur, militarisado rin ng 75th IB at 36th IB ang mga komunidad ng Lumad sa Barangay Diatagon, Lianga mula pa noong huling linggo ng Disyembre 2018. Kabilang dito ang mga sityo ng Simowao, Emerald, Manluy-a, Panukmoan, Decoy at Han-ayan. Limitado ang pagkain ng mga residente dahil hindi makapunta sa kanilang mga sakahan.
Noong Disyembre 31, 2018, alas-2 ng hapon, anim na bomba ang bumagsak sa Panukmoan at Decoy, may 150 metro lamang ang layo mula sa sentro ng mga komunidad. Nagresulta ito sa sapilitang pagbakwit ng 26 pamilyang Lumad (172 indibidwal).
Noong Enero 12, tatlong drayber ng habal-habal ang ipinailalim sa panggigipit at interogasyon ng mga sundalo ng 75th IB. Pawang inakusahang mga myembro ng BHB ang tatlo. Isa sa kanila ay pinaputukan, at ang isa pa ay sinikmuraan gamit ang dulo ng riple.
Noong Enero 13, hinarang ng mga sundalo sa Sityo Neptune ang pagkain para sa mga estudyante at guro ng paaralang ALCADEV. Ipinailalim sa interogasyon ang mga guro at istap ng paaralan, gayundin ang drayber ng habal-habal at iba pang kasamahan nilang taga-komunidad. Kinabukasan, pinagbawalan na ng mga sundalo ang mga Lumad na magpasok ng pagkain mula sa bayan kung walang pahintulot ng Department of Social Welfare and Development.
.