Apat na magsasaka, pinatay

,

Apat na magsaaka ang pinatay ng rehimeng US-Duterte nitong nakaraang dalawang buwan habang tuluy-tuloy ang mga atake at panggigipit nito sa mga taong-simbahan at iba pang sektor na tumututol sa pasismo ng estado.

Sa Surigao del Sur, dalawang magsasakang Lumad ang pinatay ng mga sundalo ng 36th IB, bahagi ng papatinding mga paglabag ng rehimen sa karapatang-tao sa Northern Mindanao sa ilalim ng batas militar. (Tingnan ang detalye sa kaugnay na artikulo sa pahina 10.)

Sa Zamboanga del Sur, pinatay ng mga elemento ng PNP-Region 9 Public Safety Battalion si Sergio Atay, 35, myembro ng Magbabaul-Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Ayon sa mga saksi, binabaybay ni Atay ang haywey sa hangganan ng Sapang Dalaga, Misamis Occidental at Rizal, Zamboanga del Norte noong Enero 28 nang harangin siya ng mga pulis sa isang tsekpoynt, dinakip at ininteroga. Kinabukasan, natagpuan ang kanyang bangkay sa Barangay San Roque, Rizal. May limang tama ng baril sa ulo si Atay, nakagapos at may mga palatandaan ng tortyur. Matagal nang pinararatangan ng mga militar at pulis si Atay at ang kanyang asawa na mga myembro ng BHB.

Sa Camarines Sur, isang ginang, si Rowena Gavina, ang pinatay ng mga sundalo ng pinagsanib na pwersa ng 96th at 97th Military Intelligence Company, 5th Intelligence and Security Unit, at 83rd IB nang kubkubin ng mga ito ang bahay ng biktima noong Enero 30, alas-6 ng umaga sa Barangay Tierra Nevada, Tinambac. Matapos nito’y iprinisinta ang bangkay ni Gavina bilang myembro umano ng BHB.

Intimidasyon at panggigipit sa mga pari .Anim na pari ng Iglesia Filipina Independiente ang ginipit ng mga ahente ng estado sa magkasunod na araw.

Noong Enero 30, umabot sa 17 sundalo at pulis ang nagpailalim kay Rev. Fr. Marco Sulayao sa intimidasyon at panggigipit. Alas-9 ng araw na iyon, habang nasa byahe si Fr. Sulayao mula Iloilo patungong Bacolod, umupo sa malapit ang tatlong naka-unipormeng pulis. Pagdating sa Bacolod, pitong sundalo naman na naka-full battle gear ang naupo sa katabing mesa kung saan siya kumakain ng pananghalian. Matapos nito, pagbaba ng pari sa bus sa San Carlos City bandang alas-4 ng hapon, pitong nakaunipormeng pulis naman ang nagmamatyag sa kanya at kinukunan siya ng litrato.

Kinabukasan, sa Pambansang Katedral ng IFI sa Taft Avenue sa Maynila, dalawang ahente ng estado ang iniulat na naniktik kina Fr. Cristopher Ablon, Fr. Marciano Carabio, Fr. Jerome Lito at Fr. Arnold Abuel. Mula pagpasok ng mga pari sa katedral bandang alas-7 ng gabi, hanggang paglabas nila kinalaunan, ay nagmamatyag ang dalawa. Magkaangkas din sa motorsiklo ang dalawa habang sinusundan ang traysikel na sinasakyan ng mga pari.

Panggigipit sa mga aktibista. Noong Enero 23, bandang alas-4:30 ng hapon, halos kalahating oras na binuntunan ng tatlong ahente ng estado ang sasakyan ni Reylan Vergara mula sa Barangay Tagbak hanggang sa sentro ng Jaro sa Iloilo City. Si Vergara ang pambansang bise presidente ng Karapatan.

Isang linggo bago nito, pinagbantaan ng isang nagpakilalang Lt. Ronaldo ang lider magsasaka sa Panay na si Elmer Arlao. Pinatitigil ni Ronaldo si Arlao sa pag-oorganisa ng mga magsasaka, at kung hindi ay matutulad umano sa mga biktima ng Oplan Tokhang.

Nakatanggap naman ng mga pagbabanta sa text noong Enero ang mga lider estudyante na sina Khim Russel Abalos ng University Student Council; Jose Mari Callueng, pambansang tagapangulo ng College Editors Guild of the Philippines; Raoul Manuel, pangkalahatang kalihim ng National Union of Students of the Philippines at Ivy Joy Taroma, Student Regent ng University of the Philippines. Inakusahan sila ng AFP na mga “rekruter ng NPA.”

Sapilitang pagpapalayas sa mga komunidad. Buu-buong mga komunidad ang napilitang lisanin ang kanilang mga bahay at kabuhayan dulot ng walang puknat na militarisasyon at pambobomba ng AFP.

Sa Samar, 34 pamilya naman mula sa Barangay Bay-ang, San Jorge ang nanunuluyan ngayon sa municipal health clinic ng naturang bayan dahil sa takot dulot ng operasyong militar ng 63rd IB at walang habas na pag-iistraping ng mga helikopter sa kanilang mga barangay na nagsimula noong Enero 15.

Sa Sulu, mahigit 300 residente ng Barangay Latih sa Patikul ang sapilitang napalayas dahil sa tuluy-tuloy na airstrike ng militar sa kanilang komunidad.

Samantala, noong Pebrero 4, nagpatrulya ang mga elemento ng 94th IB, kasama ang CAFGU na si Renan Malig-on, sa Barangay Trinidad, Guihulngan City. Sapilitan nilang pinasok ang bahay ni Bebong Alpeche at isang kinilalang “Amay”.

Demolisyon sa mga maralita. Bagamat walang kautusan mula sa korte, pinagwawasak ng mga maton at pulis ang 31 kabahayan sa Riverside, Barangay Looc, Mandaue City noong Enero 30 bandang alas-9 ng gabi. Apektado ng demolisyon ang 200 residente na wala ngayong matitirhan dahil sa kawalan ng planong relokasyon ng lokal na pamahalaan.

Apat na magsasaka, pinatay