Hindi kriminal ang mga bata
NAGPIKET ANG MGA tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata sa harap ng Senado kasabay ng pagdinig nito sa pagpapababa ng batas para maging kriminal ang mga bata noong Pebrero 4. Una nang inaprubahan ang panukala sa Kongreso.
Bago nito, pinangunahan ng Gabriela Partylist at Salinlahi Alliance for Children’s Concerns ang serye ng protesta at panawagan para tutulan ang pagbabago ng Juvenile Justice and Welfare Act, kung saan maaari nang ikulong ang may batang 12 taong gulang.
Sa pahayag ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Partylist, hindi nilulutas ng pagkukulong sa mga bata ang malawak na kriminalidad sa bansa. Dagdag pa nito, dapat ituon ng gubyerno ang atensyon para tugunan ang iba pang mahahalagang usapin na nakaaapekto sa mga bata, gaya ng child labor, malnutrisyon, edukasyon at iba pa.
Nakiisa rin sa pagkilos ang mga grupo ng kabataan at mga guro mula sa iba’t ibang paaralan sa Metro Manila at Cebu.