Industriya ng niyog, patuloy na bumabagsak

,
English

Mahalaga ang industriya ng niyog sa buong sektor ng agrikultura sa ating bansa. Sa kasalukuyan, halos 26% ng lupang sakahan ay nakalaan sa niyugan, at pinagkukunan ng kabuhayan ng halos apat na milyong magniniyog.

Sa kabila nito, bagsak ang industriya ng niyog sa bansa. Sa tala, may 60% ng mga magniniyog at manggagawang bukid ang mababa pa sa hangganan ng karalalitaan ang kinikita sa araw-araw.

Kalagayan ng magniniyog

Dulot ng agresibong pagpapalit-gamit ng lupa, libu-libong magsasaka ang napalayas sa kanilang lupa at nawalan ng kabuhayan.

Ayon sa DAR, mayorya ng proyektong pagpapalit-gamit ng lupa ay nasa mga rehiyon na nangunguna sa produksyon ng niyog—Central Luzon, Misamis Oriental at Southern Luzon. Saklaw nito ang libu-libong ektarya ng niyugan na gagawing pook pasyalan, mga proyektong pang-imprastruktura sa ilalim ng “Build, Build, Build”, sports complex, negosyong pabahay at iba pa.

Milyun-milyong puno ng niyog din ang nawasak ng bagyong Yolanda at pesteng Cocolisap na tumama sa Visayas at ilang bahagi ng Luzon. Sa Leyte pa lamang, may halos 33 milyong puno ng niyog ang sinira ng bagyo.

Masahol pa, kontrolado ng malalaking panginoong maylupa at negosyante ang industriya ng niyog—mula sa lupa at iba’t ibang produkto ng niyog.

Sa Bikol, umaabot sa 58% ang kinikita ng panginoong maylupa (na kadalasa’y may-ari rin ng mga oil mill o kumprada). Halimbawa, sa 1,116 kilo ng kopra (18 ka sako), na binibili nito sa halagang P17/kilo, umaabot sa P10,977 ang napupunta sa panginoong maylupa. Samantala, nasa 17.8% o P3,375 lamang ng kita ang napupunta sa magniniyog habang 18.4% o P3,500 ay paghahatian ng siyam na manggagawang bukid. Sa gayon, P75/araw lamang ang kita ng magniniyog bawat 45 araw na isang siklo ng anihan. Gayundin, nasa P388 lamang ang kikitain ng bawat manggagawang bukid sa loob ng parehong siklo o P15.50 /araw.

Padausdos ang presyo ng kopra na nagsimula noong nakaraang taon. Mula P40 kada kilo, bumagsak ito tungong P13. Sa Sorsogon, binibili sa mga magsasaka ang isang buong niyog nang P2-4 kada kilo na dating nagkakahalaga ng P8-12. Ayon sa mga magniniyog, halos P4-7 na lamang kada araw ang kanilang kinikita, malayong malayo sa P500-P700 na gastos sa araw-araw ng isang pamilyang magsasaka.

Walang malinaw na paliwanag ang Philippine Coconut Authority (PCA) sa nagaganap na pagbagsak ng presyo ng kopra at buong niyog. Palusot pa ng PCA at iba pang ahensya ng gubyerno, dulot diumano ito ng paglakas ng pandaigdigang kompetisyon sa pagkukunan ng langis mula sa niyog gaya ng mas mura at maraming suplay ng palm oil. Dagdag pa nilang palusot ay ang sobra-sobrang suplay ng kopra.

Subalit ang presyo ng langis ng niyog, tulad ng presyo ng gasolina ay monopolisado ng mga dambuhalang korporasyon sa US at mga bansa sa Europe. Sila ang pangunahing pinagdadalhan ng mga produktong niyog mula sa bansa kung kaya’t sila ang nakapagtatakda ng presyo.

Dagdag pang pahirap ang sistemang resikada o ang pagbabawas sa halaga ng kopra batay sa sinasabing moisture content nito, na arbitraryong itinatakda ng mga malalaking komersyante at mga may-ari ng kumprada.

Samantala, mas malala ang kundisyon ng mga manggagawang bukid na kumikita lamang ng P200-P300 sa bawat isang libong upa sa kawit, pagtatapas, pag-iipon ng niyog at ibang paggawang agrikultural sa niyugan. Biktima rin sila ng laganap na kontraktwalisasyon. Sa inilabas na listahan ng Department of Labor and Employment, pawang kontraktwal at hindi sumasahod ng sapat ang 1,500 manggagawa ng Peter Paul Philippines, kumpanyang nagpoproseso ng niyog.

Pasan din ng mga magkokopras ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa ilalim ng batas na TRAIN ng rehimeng Duterte. Dahil dito, halos walang kinikita ang mga magniniyog. Mula P20,000 kada taon, bumagsak ang kanilang kita sa P7,200.

Nagbibingi-bingihan naman ang mga ahensya ng gubyerno sa apela ng mga magniniyog. Bigo itong makapagbigay ng subsidyo at kung may iilan man ay hindi naman nakasasapat. Wala rin itinatayong pasilidad o imprastruktura upang mapaunlad ang paraan ng kanilang pagsasaka.

Laban para bawiin ang pondong coco levy

Ang pondong coco levy ay tinipon noong panahon ni Marcos mula sa kinaltas na buwis sa mga maliliit na magniniyog. Hindi ito napakikinabangan hanggang sa kasalukuyan. Umaabot na ito sa halagang P150 bilyon.

Samutsaring kaparaanan ang ginagawa ng mga nagdaang rehimen upang ipagkait ang pondo sa mga magsasaka at pigilan na maibalik ito sa mga lehitimong benepisyaryo. Hanggang ngayon patuloy pa rin ang panawagan ng mga maglulukad na ipamahagi na ang pondo ng coco levy.

Nitong Enero lamang, daan-daang magniniyog ang nagmartsa tungong PCA para makipagdayalogo at magprotesta. Giit nilang dapat nang ibalik ang pondo at gamitin para sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan. Makailang beses din silang naglabas ng petisyon upang kundenahin ang di patas na pagbabawas sa halaga ng kopra, pataasin ang presyo ng niyog at para sa agarang tulong sa mga magniniyog na lubhang apektado ng pagbagsak ng industriya.

Industriya ng niyog, patuloy na bumabagsak