Katarungan para sa lahat ng biktima ng pasistang rehimeng US-Duterte
Pinanghahawakan ng mga rebolusyonaryong pwersa na ang pasistang rehimeng US-Duterte ang ganap na responsable sa walang-pakundangang pagpatay kay Randy Felix Malayao, konsultant pangkapayapaan ng NDFP noong Enero 30. Isang buwan lamang bago ang pagpatay kay Malayao, hayagang inendorso mismo ni Duterte ang malawakang mga pagpatay at inutusan ang kanyang mga death squad na likidahin ang mga rebolusyonaryong pwersa at mga tagasuporta ng Partido at rebolusyonaryong kilusan.
Ang pagpatay kay Malayao ay simula ng mas pinasidhing terorismo ng estado at armadong pagsupil sa mga aktibistang nasa unahan ng malawak na nagkakaisang paglaban sa tiraniya ni Duterte. Si Malayao ang unang kilalang pambansang personahe na pinatay ng mga pwersang panseguridad ng estado matapos ang mahabang panahon. Ang pagpatay kay Malayao ay maaaring senyales na sa mga death squad ni Duterte na isagawa ang tahasang pagpatay sa mga lider masa at aktibista at iba pang mga pwersang oposisyon.
Sa harap ng patuloy na pagkabigong gapiin ang armadong rebolusyonaryong kilusan, ibinubulalas ng rehimeng Duterte ang pasistang galit nito laban sa mga ligal na pwersang demokratiko gamit ang mga pangkat asasinasyon at pagbabaluktot sa mga batas at prosesong ligal upang higpitan ang mga organisasyong masa at progresibong institusyon. Armadong sinusupil ng mga ahenteng panseguridad ng estado ang mga magsasaka at manggagawa, gayundin ang mga guro, estudyante, abugado, mamamahayag at iba pang sektor, laluna yaong aktibong naggigiit ng kanilang demokratikong karapatan at interes at kritikal sa tiraniya ni Duterte.
Lumilitaw na pursigido si Duterte sa deklarasyon niyang isagawa ang “estilong Suharto” ng malawakang pagpatay tulad ng ginawang pagsalbeyds sa mahigit isang milyong kasapi at sumusuporta sa Partido Komunista ng Indonesia noong 1965-66 sa utos ng noo’y Gen. Suharto na malao’y magtatatag ng 30-taon madugong diktadurang militar.
Sa ambisyong maging pasistang diktador at panatilihin ang burukrata-kapitalistang paghahari ng kanyang pamilya at pangkat, nahuhumaling ngayon si Duterte sa paglupig sa mga pwersang pambansa-demokratiko bilang isa sa susing hakbangin sa kanyang iskemang tiraniko. Dumarami ngayon ang kaso ng ekstrahudisyal na pagpatay, mga masaker, pagdukot, sarbeylans, pagtortyur, arbitraryong pag-aresto, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, matagalang pagkukulong, pagpwersa sa mga tao na “sumurender,” iligalisasyon at pagsasara ng mga paaralang pangkomunidad at iba pang grabeng pang-aabuso.
Sa ilalim ng Oplan Kapayapaan at National Internal Security Plan ng 2018, niyuyurakan ng pasistang pagsalakay ang karapatan ng puo-puong libong mamamayan. Bukod pa rito ang ilampung libong pinatay ng mga pwersang panseguridad ng estado at sinusuportahan nitong mga death squad sa tinaguriang “drug war” ni Duterte para kontrolin ang iligal na bentahan ng droga, gayundin ang ilandaang libong mamamayang Moro na ang mga karapata’y patuloy na inaapakan sa gera ni Duterte para kontrolin ang yaman ng lupang Bangsamoro.
Habang pinaiigting ni Duterte ang kampanya ng mga pagpatay at todong panunupil, umaalingawngaw sa buong bansa ang sigaw ng malawak na masa: Katarungan para kay Malayao! Katarungan para sa mga magsasakang pinapatay sa iba’t ibang panig ng bansa at minasaker sa Sagay, Lake Sebu at iba pang lugar! Katarungan para sa mga manggagawang sinusupil dahil sa paggigiit ng karapatang mag-organisa at magwelga! Katarungan para sa daan-daang mga bilanggong pulitikal! Katarungan para sa puo-puong batang basta-basta ibinibimbin sa ngalan ng “proteksyon ng estado!” Katarungan para sa mga guro at iba pang walang katwirang sinasarbeylans at sinisindak! Katarungan para sa mga mamamahayag, abugado at iba pang target ng “Red-tagging” o pagpaparatang na komunista at pagbabanta! Katarungan para sa ilanlibong walang habas na pinaslang sa gera sa droga ni Duterte! Katarungan para sa daan-daan libong biktima ng walang pakundangang pagwasak sa Marawi City! Katarungan para sa kababaihang biktima ng walang hupa at walang-kahihiyang pandurusta ni Duterte! Katarungan para sa mga relihiyosong walang-lubay na inaatake ng panatisismo at pang-uudyok sa karahasan ni Duterte! Katarungan para sa buong sambayanang Pilipino na biktima ng tiraniya at terorismo ni Duterte!
Sa pakikibaka para sa katarungan, dapat paigtingin ng sambayanang Pilipino ang kanilang mga pampulitikang pakikibaka para malawakang ilantad, tuligsain at labanan ang pasistang atake ng rehimeng Duterte. Dapat silang maging mapangahas, agresibo at laging nasa opensiba upang papanagutin ang rehimen sa bawat isang kaso ng pang-aabuso ng militar pulis sa kapangyarihan. Dapat silang magrali sa lansangan upang gamitin ang kolektibong lakas ng masa. Kasabay nito, dapat silang magpunyagi sa mga pakikibakang ligal upang igiit ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng internasyunal na mga batas at maging sa ilalim ng reaksyunaryong konstitusyon.
Binubuklod ang sambayanang Pilipino ng sigaw para sa katarungan sa harap ng paghahari ng teror ni Duterte. Dapat itong paalingawngawin sa mga pabrika, kampus, upisina, mga simbahan, komunidad at iba pa. Pinatatatag at pinalalawak nito ang kanilang nagkakaisang prente laban sa tiraniya at pasismo ni Duterte. Pinalalakas nito ang kanilang loob para lumaban kahit sa harap ng mga pagpatay, pananakot at pagbabanta.
Kasabay nito, dapat pukawin at pakilusin ang malawak na masa upang ang kanilang diskuntentong panlipunan ay maging pakikibaka para isulong ang kanilang mga karapatang pang-ekonomya at hangarin para sa katarungang panlipunan. Dapat magpunyagi sila sa sigaw para sa umento sa sahod at sweldo, para sa trabaho, lupa para sa nagsasaka, pabahay sa mga walang tirahan at iba pa. Dapat pukawin ang bayan upang tuligsain ang rehimen para sa pagpapataw ng pabigat na mga buwis at kabiguang kontrolin ang sumisirit na presyo ng pagkain at ibang saligang pangangailangan. Dapat nilang ilantad ang tinaguriang mga “programang pangkagalingan” ng rehimen, batikusin ang lubhang kakulangan ng serbisyong panlipunan at kundenahin ang korapsyon at pandarambong ng rekurso ng estado ng iilang burukratang kapitalista at malalaking burgesyang kumprador.
Sa harap ng tumitinding walang habas na atake ng rehimeng Duterte, dapat matalinong lumaban ang mga organisasyong masa para umiwas at biguin ang kampanya ng mga pag-aresto at pagpatay at maging handang gamitin ang kinakailangang mga taktika, kabilang ang pagbubuo ng malalim at malapad na lihim na lambat, kontra-paniniktik, pagbubunyag sa social media ng mga lihim na operatiba ng estado, at iba pa. Anumang oras, ang mga target ng pagpatay ay maaaring tumungo sa kanayunan kung saan maaari silang magpakanlong sa mga rebolusyonaryong base o kaya’y sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.
Ang brutalidad ng rehimeng US-Duterte ay dapat ilantad na nagsisilbi kapwa sa kanyang paghahangad para sa absolutong kapangyarihan at sa pagtatanggol sa interes ng malalaking panginoong maylupa at malalaking burgesyang kumprador. Matalas na nauunawaan ng bayan na ang kanilang sigaw para sa katarungan ay nakakawing sa pakikibaka para wakasan ang rehimeng US-Duterte at sa kadulu-duluha’y nakadugtong sa rebolusyonaryong pagwawakas sa naghaharing mapang-api at mapagsamantalang sistema.