Lokal na demokratikong gubyernong bayan, itinatag sa Barangay Sugar

,

Idinaos ang kumperensyang bayan sa Barangay Sugar, di tunay na pangalan ng isang barangay sa rehiyon ng CARAGA, para itayo ang komiteng rebolusyonaryo sa baryo (KRB) noong Disyembre 2018. Ang KRB ang batayang yunit ng demokratikong gubyernong bayan (DGB). Ang barangay Sugar ay binubuo ng pitong sityo at may populasyong 1,000 na halong Lumad at di-Lumad.

Dumalo sa kumperensya ang 120 kasapi ng sangay ng Partido sa lokalidad (SPL) at mga myembro ng organisasyong masa. Lumahok din ang ilang upisyal ng barangay at nakaaangat na indibidwal. Dumalo rin ang mga kadre ng Partido sa larangang gerilya, mga Pulang mandirigma at mga piling tagamasid. Para matiyak ang kaligtasan ng mga delegado, 24 oras na nagmatyag sa paligid ang milisyang bayan at komiteng depensa sa baryo. Nagsilbing punong-abala ang larangang gerilya sa lugar.

“Tiniyak talaga ng mga delegado na makadadalo sila sa kumperensya kahit marami silang trabaho sa bukid,” salaysay ni Ka Tabli, isa sa mga delegado. Dala rin ng ibang nanay ang kanilang maliliit na anak, na inaruga ng mga Pulang mandirigma habang nasa sesyon ang kapulungan.

Bago simulan ang kumperensya, inihapag ng mga kinatawan ng mga sityo ang kani-kanilang panlipunang pagsisiyasat at pagsususuri sa mga uri. Naging masigla ang pagtutukoy ng mga uri ng mga magkakapitbahay. Karamihan sa kanila ay mga saop o manggagawang bukid. “Minsan may kaunting kalituhan,” sabi ng isang delegado, “kasi may magsasaka na may sariling lupa pero dahil maliit ang kinikita, madalas na nagtatrabaho rin para sa panginoong maylupa. Maliit na magsasaka ba siya o saop? May iba ring ayaw umamin na panggitnang uri sila.”

Idinaos ang kumperensya sa gitna ng matinding operasyong militar ng AFP. Katunayan, may mga sundalong nanghahalihaw sa katabing baryo nang binuksan ang kumperensya. Sa kabila nito, itinuloy ang pulong at inilatag ang adyenda. Inuna nila ang ulat kaugnay ng kilos ng kaaway at mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga delegado bago ipinwesto ang mga ulat ng pagtatasa at pag-aaral ng mga balangay ng mga organisasyong masa; eleksyon at pagbabalangkas ng plano.

Sa pormal na pulong, nagbalik-aral ang kumperensya sa mahahalagang gabay at dokumento ng Partido tulad ng Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa at pag-aaral hinggil sa pagtatatag ng organo ng kapangyarihang pampulitika. Naging masigla ang talakayan tungkol sa usaping ito, laluna kaugnay ng hukumang bayan. Isa sa halimbawa ang tungkol sa nakawan ng kalabaw at mga halagang hayop tulad ng manok, baboy at iba pa. Nagkaroon din ng talakayan tungkol sa pwersahang “pagpapasurender” ng AFP sa mga sibilyan, E-CLIP at Red-tagging. Para pasiglahin pa ang diskusyon, nagkaroon ng pangkulturang pagtatanghal ang mga kabataang dumalo sa kumperensya.

Isa sa mga tinalakay sa kumperensya ang paglulunsad ng pagpapasigla ng rebolusyong agraryo at pag-aangat sa kalidad ng kabuhayan ng lahat ng mga residente nito. Bago binuo ang KRB ay may ilan nang napagtagumpayang mga kampanya ang Barangay Sugar. Halimbawa nito ang kampanya sa pagpapataas sa sahod ng mga manggagawang bukid na naging P300 bawat araw, na dating P250 lamang. Natamo ito sa isang dayalogo kaharap ang dalawang mayamang magsasaka at dalawang panginoong maylupa.

“Agad na tumugon sa demanda ang mayayamang magsasaka habang binalewala ito ng mga panginoong maylupa. Kaya nagpasya ang mga manggagawang bukid na ikasang muli ang kampanya laban sa mga panginoong maylupa. Saka pa lamang sila tumugon,” ani ni Ka Jina, isa sa mga punong-abala.

Sa pagkakataong iyon, binalangkas ang isang memorandum na nilagdaan ng mga tagapamagitang upisyal upang bigyang bisa ang napagkasunduan. Kabilang sa mga sumaksi ang barangay, taong-simbahan at mga guro ng barangay. Napasakamay din ng mga manggagawang bukid ang 10 ektarya ng lupa mula sa despotikong panginoong maylupa na nagpalayas sa kanila. Pinangasiwaan ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang pagbabaha-bahagi ng lupa.

Sa huling araw ng kumperensya, idinaos ang eleksyon ng pamunuan ng KRB, ang lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika. “Alam na agad ng mga delegado kung sinu-sino ang mga inunomina,” kwento ni Ka Tabli. Subok na sa mga rebolusyonaryong gawain ang mga nahalal. Karamihan sa kanila ay nagmula sa maralitang magsasaka. Sa halalan, mahusay na naipadaloy ang demokrasya.

“Katanggap-tanggap ang naging resulta ng halalan, lahat ng mga nominado ay may kapasidad nang pamunuan ang gubyernong bayan” ani ni Ka James, kasapi ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid.

Pinag-aralan at niresolba ng bagong buong komite ang naging mga suliranin sa pagpapatakbo ng mga organisasyong masa sa lugar. “Isa sa mga naging kahinaan natin ay sa tuwing may presensya lamang ng hukbong bayan tayo nagtitipon. Hindi natin nagagampanan ang ating mga tungkulin kung wala sila,” puna ni Ka Mel, bagong-halal na tagapangulo ng KRB. “Kaya, dapat tayo na mismo ang magreresolba sa mga problemang ating kinahaharap para magampanan pa ng hukbo ang iba pa nilang mga gawain,” dagdag ni Ka Mel.

Isa sa mga nahalal na kagawad ng KRB si Ka Lapi ng lokal na balangay ng Makibaka. Tatlo sa apat niyang anak ay mga Pulang mandirigma. Kamakailan lamang, napatay sa isang labanan ang isa sa kanyang mga anak na kanyang ikinalungkot pero hindi niya pinanghinaan ng loob at bagkus ay pinaghahalawan pa ng inspirasyon. Katunayan, sabik nang sumapi sa hukbong bayan ang kanyang bunsong 17-taong gulang pa lamang.

Ang Barangay Sugar pa lamang ang nakapagtatag ng KRB sa kinapapalooban nitong klaster ng mga barangay. Kaya, isa sa mga tungkulin nito ay ang pagtulong sa ibang balangay na makapagtatag ng KRB. Sa ngayon, karamihan sa mga barangay na nakapaloob sa klaster ay nasa antas balangay na may 70% mga organisadong masa, at may iilan na nasa antas komiteng taga-organisa pa lamang.

Matapos ang halalan ay binigyang diin ng kumperensya ang pagbalangkas ng mga ordinansa at resolusyon sa mga isyu at problema na kinahaharap ng barangay. Kabilang sa mga napagkasunduan ay ang pagtatayo ng kooperatiba, pagpapatibay ng milisyang bayan, seguridad at ordinansa tungkol sa paglalasing, pagnanakaw ng kalabaw at mga alagang hayop, at iba pang anti-sosyal na gawi.

Binalangkas din ng KRB ang isang taong plano at programa para magampanan ang mga gawain kahit wala ang presensya ng hukbo. Kasama dito sa plano ang pagkumpleto ng pagsusuri para sa ilulunsad na kampanya laban sa huwad na sertipikasyon ng lupang ninuno (Certificate of Ancestral Domain Title o CADT) at paggawad sa malalaking kumpanya ng mina ng mga konsesyon ngayong taon. Nakaambang pumasok ang kumpanyang ito sa Barangay Sugar at pito pang katabi nitong barangay. Mayaman ang mga barangay na ito sa ginto, tanso at iba pang mga minerales, kaya tusong ipinasaklaw sa CADT ang mga trosohan upang madali itong minahin.

Itinakda rin ng KRB ang mga iskedyul ng pagtitipon ng bawat komite: ekonomya, kalusugan, edukasyon, depensa at organisasyon. Nakapaloob sa kabuuang plano ng KRB ang mga pagsasanay at pag-aaral na itinalaga sa bawat komite. Ang mga ito ay inilulunsad batay sa mga libreng araw ng mga kasapi.

“Kitang-kita ang saya ng mga delegado na naitayo na ang kanilang KRB,” kwento ni Ka Tabli. “Damang-dama nilang dumadaloy ang demokrasya at kapangyarihan bilang mamamayan sa idinaos na kumperensya.”

Para sa mga Lumad, saop at maliliit na magsasaka na matagal nang inaapi at pinagsasamantalahan sa ilalim ng kasalukuyang sistemang panlipunan, isang malaking hakbang ang pagkakabuo ng KRB.

Lokal na demokratikong gubyernong bayan, itinatag sa Barangay Sugar