Presyo ng mga bilihin, tumataas pa rin
TUMATAAS PA RIN ang presyo ng pagkain sa kabila ng ipinagmamayabang ng rehimeng US-Duterte na “bumaba” na ang tantos sa implasyon sa 4.4% pagpasok ng 2019 mula sa abereyds nitong 5.4% para sa buong taon ng 2018. Ang pagbaba ng tantos ay hindi nangangahulugan ng pagbaba ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Ang ibig sabihin lamang nito ay bumagal ang pagtaas ng mga presyo at singil.
Mismong mga estadistika ng reaksyunaryong estado ang magpapatunay na nananatiling mataas ang presyo ng mga bilihin. Halimbawa, mas mataas pa rin ang presyo ng bigas nang P3 kumpara sa nakaraang taon. Gayundin, mas mahal pa rin ang asukal nang P10 at ang bawang nang P20, habang naglalaro naman sa P10-P40 na mas mataas ang presyo ng mga gulay. Sa iba’t ibang palengke sa Metro Manila, walang kaibahan ang mga presyo ng karneng baboy, baka, manok at galunggong nitong Enero kumpara noong Oktubre 2018 kung saan umabot sa 6.7% ang tantos ng implasyon, pinakamataas ito sa nakaraang 10 taon.
Ayon sa Ibon, ang pinakamahihirap ang umiinda sa tuluy-tuloy na pagtaas ng mga presyo ng pagkain. Alinsunod sa padron ng paggasta ng mga pamilyang Pilipino, umaabot sa 60% ng kinikita ng pinakamahihirap na pamilya ang napupunta sa pagkain. Sa gayon, lalong dumarami ang nagugutom sa panahong mataas ang implasyon.
Kinutya rin ng Ibon ang taya ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimeng Duterte na bababa pa sa 2% hanggang 4% ang tantos ng implasyon ngayong taon. “Imposible,” ayon pa sa Ibon, lalupa’t nakatakdang ipataw ang pangalawang serye ng buwis sa mga produktong petrolyo ngayong 2019. Kasabay nito, tinatayang mananatiling mataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan kung kaya anumang pagbagal ng implasyon ay muling kakainin ng pagtaas ng gastos sa transportasyon. Inamin mismo ng mga upisyal ni Duterte na hindi nila isinama sa kanilang mga kalkulasyon ang naturang dagdag na buwis.