RATED X: Ang lumalalang atake ng rehimeng Duterte sa mga bata
Kung palabas sa telebisyon o pelikula ang paghahari ni Duterte, dapat itong markahang “rated X”—masama at hindi para sa mga bata.
Sunud-sunod ang atake ng rehimen sa mga bata sa nagdaang mga buwan at linggo. Nitong Enero 30 lamang, dinakip ng mga pwersa ng pulisya at militar ang dalawang musmos—1- at 2-taong gulang, kasama ang isa pang menor de edad, sa isang reyd sa upisina ng Misamis Oriental Farmers Association (MOFA).
Kasama ang limang kasapi ng MOFA, dinakip ang mga bata at ihiniwalay sa kanilang mga magulang at tagabantay. Ikinulong ang mga kasapi ng MOFA, samantalang dinala sa upisina ng Region 10 Social Welfare and Development Office ang mga bata. (Tingnan ang kaugnay na artikulo tungkol sa crakdown sa Northern Mindanao Region.)
Sa ibang bahagi ng Mindanao, walang patumangga ang pamamaril, militarisasyon at pambobomba sa mga paaralang Lumad. Dahil dito, paulit-ulit na nagbakwit ang mga estudyante—kung saan marami ay mga batang paslit— at naantala ang kanilang pag-aaral.
Sa kalunsuran, nakapagtala na ng aabot sa 100 kaso ng pagpatay ng mga batang may edad 18 pababa kaugnay ng gera kontra droga o Oplan Tokhang. Mahigit 18,000 bata naman ang naulila bunsod ng pagkamatay ng kanilang mga magulang sa Tokhang mula 2016.
Paghasa ng pangil ng batas
Bukod sa walang-patumanggang pagpatay at direktang pag-atake, hinahasa rin ng rehimen ang mga pangil ng batas upang higit pang makapanalasa sa mga bata.
Sa nagdaang mga linggo, niraratsada ng Kongreso ang pagpasa sa isang panukalang batas na magpapababa sa edad ng ng maaaring kasuhan ng krimen o “minimum age of criminal responsibility” (MACR) mula sa kasalukuyang 15 taong gulang tungong 12. Kapag naipasa ang batas, maaari nang hatulan bilang kriminal at ikulong ang batang kahit 12 taon pa lamang.
Direktang utos ito ni Duterte, dahil aniya, naglipana daw ang mga batang kriminal. Pinaratsada niya ito kay dating pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Arroyo sa Kamara, kahit pa si Arroyo ang lumagda noong 2006 sa Republic Act No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act, na nagtakda ng edad 15 bilang MACR. Nang tanungin si Arroyo kung bakit niya ito niratsada, ang tanging tugon niya ay “dahil gusto ng presidente.”
Sa Senado, wala ring humpay ang pagratsada sa batas, kahit pa daan-daan nang espesyalista at mga pag-aaral ang nagsasabing wala pa sa tamang edad ang batang 12 taong gulang upang buong-buong makilatis ang epekto ng kanyang mga gawi, at na magdudulot ng panghabambuhay na pagkasira ng landas ng mga bata ang pagsentensya sa kanila bilang kriminal.
Sa pagdinig ng Senado, lalupang ginatungan ang kahangalang ito ni Arroyo ni Senate President Vicente Sotto III na nagsabing ang pagpasa sa batas ay may kinalaman sa gera kontra droga. Aniya, dahil hindi kayang makasuhan ang mga lider ng mga sindikato, ang mga batang biktima ang kanilang pananagutin.
Ang ganitong pakana ay dugtong sa iba pang kontra-mahirap at kontra-mamamayang pakana ng rehimen na tumatarget sa mga biktima ng mga kriminal na sindikato, matanda man o bata. Wala itong balak habulin ang mga lider at mabibigat na personahe nito. Hindi ito kataka-taka lalupa’t si Duterte mismo ang numero unong protektor ng naturang mga sindikato.
Pasistang indoktrinasyon
Bukod sa panukalang pagpapababa ng MACR, niratsada rin kamakailan ng Kongreso ang isang panukalang batas para ipailalim ang mga menor de edad sa pwersahang treyning at pasistang indoktrinasyon sa ilalim ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) para sa Grade 11 at Grade 12. Ito ay sa kabila ng pagtatanggal ng ROTC sa kolehiyo matapos ang karumal-dumal na pagpatay noong 2001 kay Mark Welson Chua, estudyante ng UST, na nagsiwalat ng matinding korapsyon sa loob ng programang ito.
Ang pagpataw ng ROTC sa hayskul ay taliwas kahit sa mga reaksyunaryong batas. Isa sa mga batas na ito ang Republic Act 7610 na nagbabawal sa paggamit sa mga paaralan at ospital sa mga aktibidad-militar. Taliwas din ito sa mga pandaigdigang batas at tratado kabilang ang Rules 22-24 ng International Humanitarian Law na nagbabawal sa militarisasyon ng mga paaralan.
Bukod sa planong ipataw ang rekisitong ROTC, naghihintay na lamang ng pirma ni Duterte ang panukalang “Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act,” na ipinasa ng Kongreso noon pang nakaraang taon.
Mapanlinlang ang nasabing batas, dahil ayon sa mga nagpanukala nito, susugpo daw ito sa paggamit ng mga rebeldeng grupo, kabilang na ang rebolusyonaryong pwersa, ng mga bata bilang mandirigma. Pero ang totoo, dagdag paraan lamang ng rehimen ang nasabing batas para kasuhan ang mga lider ng mga komunidad na kanilang sinasalanta ng pekeng mga kaso ng paggamit sa mga bata sa gera.
Isang tampok na insidente ang iligal na pag-aresto kay Satur Ocampo at mga kasama niyang sumaklolo sa mga batang Lumad na ginipit ng AFP at mga paramilitar noong nakaraang taon sa Talaingod, Davao del Norte. Sinampahan ng gawa-gawang kasong pagkidnap sina Ocampo at iba pa matapos nilang sagipin ang mga estudyante at guro sa kanilang eskwelahan para dalhin ang mga ito sa mas ligtas na lugar. Ikinulong sina Ocampo habang ang mga bata ay animo’y ikinulong sa upisina ng DSWD. Inobliga ng ahensya na magsumite ang mga tagapangalaga ng mga papeles bago nila mabawi ang mga estudyante.
Panuntunan ng Partido hinggil sa mga bata
Pinabubulaanan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mga kasinungalingan ng militar, Kongreso, at ng ilang grupo na gumagamit ito ng mga bata sa pakikidigma, na isa umano sa mga dahilan kung bakit nagpasa ang reaksyunaryong Kongreso ng batas laban dito.
Marami nang dokumento at alituntuning inilabas ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) hinggil sa istriktong paggalang sa karapatan ng mga bata.
Noong Agosto 30, 1999, naglabas ang Military Commission ng Partido ng dokumentong On the NPA’s Alleged Mass Recruitment of Child Guerillas, na sinundan ng dokumento mula sa Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ng PKP noong Oktubre 15, 1999 na pinamagatang Memorandum on the Minimum Age Requirement for NPA Fighters. Sa ilalim ng nasabing mga dokumento, istriktong inilagay sa edad 18 ang minimum na edad upang maging kasapi ng BHB. Nakalagay din sa nasabing mga dokumento kung paano susubaybayan ng Partido ang pagtupad sa nasabing alituntunin.
Naglabas din ang NDFP ng Declaration and Program of Action for the Rights, Protection and Welfare of Children, kung saan isinaad nito na bukod sa minimum na edad na 18 para maging kasapi ng BHB, kinikilala rin ng mga rebolusyunaryong pwersa ang mga pandaigdigang panuntunan gaya ng UN Convention on the Rights of the Child ng 1990.
Sa nasabing dokumento, inatasan ng NDFP ang mga komite sa ilalim ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika (OKP) na tiyakin ang pag-aaral at kalusugan ng mga bata, laluna yaong 15-taong gulang pababa. Gayundin, hinihimok nito ang mga OKP at rebolusyonaryong organisasyong masa na itayo ang mga organisasyon ng mga bata bilang pagkilala sa kanilang karapatan na itaguyod at isulong ang kanilang sariling mga karapatan at lumahok sa pagbabago ng lipunan ayon sa kanilang kakayahan.
Gayundin, ginagalang ng NDFP ang karapatan ng mga bata alinsunod sa iba pang internasyunal na batas tulad ng Geneva Conventions and Protocol 1.
TANGING ANG ISANG rehimeng desperadong kumapit sa kapangyarihan ang magbabaling ng galit at gagamit sa mga walang kamuwang-muwang na mga paslit. Masugid na ipagtatanggol ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang karapatan at kapakanan ng mga bata, at hindi nito isusugal ang kanilang kaligtasan.