16 bihag-ng-digma, pinalaya na ng BHB-NEMR

,

PINALAYA NG BAGONG Hukbong Bayan (BHB)-North Eastern Mindanano Region ang 16 na bihag ng digma noong Pebrero 14-19.

Sa unang bats, anim na myembro ng CAFGU Active Auxiliary (CAA) ang pinalaya ng BHB-Agusan del Sur noong Pebrero 14 sa Barangay San Juan, Bayugan, Agusan del Sur.

Sa ikalawang bats, pinalaya ng BHB noong Pebrero 18 sina PFC AJ Reginald Kiem ng 1st Special Forces Battalion (SFB) at CAA Bernabe Sahanay sa Sityo Kaunlaran, Barangay Tagbongabong, Remedios T. Romualdez sa Agusan Del Norte.

Sa ikatlong bats, pinalaya ng BHB noong Pebrero 19 sina Cpl. Eric Bulado Manangan at PFC Darlino Alipayo Cariño ng 3rd SFB, kasama ang anim pang myembro ng CAA sa Bayugan City, Agusan del Sur. Kabilang ang walo sa 14 sundalo at CAA na nabihag noong Disyembre 19 matapos ang walang-putok na reyd ng BHB sa detatsment ng 3rd SFB sa Barangay New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur.

Nasa mabuting kalagayan ang mga bihag, ayon sa duktor na tumingin sa mga pinalaya. Ang mga sundalo at CAA ay tinanggap ng mga upisyal ng lokal na gubyerno ng Agusan del Sur at mga lider-relihiyoso sa pangunguna ni Sr. Emma Teresita Cupin na gumampan bilang mga third-party facilitator. Dumalo rin ang tauhan ni Rodrigo Duterte na si Christopher Lawrence “Bong” Go at si Sebastian Duterte.

“Nagpapasalamat kami sa NPA sa pag-asikaso sa amin sa bundok, hindi nila kami sinaktan. Maraming salamat sa lahat ng mga kasama,” pahayag ni Janjan Iligan, isa sa mga pinalaya.
“Salamat at hindi talaga kami sinaktan, kahit kurot wala,” dagdag naman ni Jemuel Acebedo, isa pa sa mga pinalaya. Malaki rin ang kanyang pasasalamat na sila’y pinalaya ng BHB sa kabila ng patuloy na operasyon ng mga sundalo.

Ayon kay Ka Arina Magdiwang, kumander ng yunit-tagapangalaga, ang pagpapalaya sa mga bihag-ng-digma ay tugon sa apela ng iba’t ibang grupo at indibidwal na nagpahayag ng suporta para sa pag-aayos ng kasunduan para rito.

16 bihag-ng-digma, pinalaya na ng BHB-NEMR