6 armas, nakumpiska ng BHB-Bukidnon

,

MATAGUMPAY NA SINALAKAY ng Bagong Hukbong Bayan-Bukidnon ang base ng 1st Special Forces Battalion (SFB)-Civilian Active Auxiliary sa Sityo Green Valley, Barangay Dalwangan, Malaybalay City noong Pebrero 14, alas 9:40 ng gabi. Nakumpiska ng BHB mula rito ang anim na armas na kinabibilangan ng tatlong R4 (isa ang may M203 grenade launcher), dalawang M14, isang kalibre .45 na pistola, walong ammo vest at mga bala. Kumpirmadong napatay ang apat na sundalo. Isa ang nasawi at dalawa ang sugatan sa hanay ng BHB.

Nakontrol ng mga Pulang mandirigma ang kampo na nasa tabi ng mayor na haywey sa Bukidnon sa loob lamang ng limang minuto. Ayon kay Ka Malem Mabini, tagapagsalita ng BHB-North Central Mindanao Region, nagsisilbi ang 1st SFB bilang pwersang panseguridad ng mga kumpanyang DOLE at Del Monte na sumakop sa mahigit 50,000 ektaryang lupain ng mga magsasaka at lupaing ninuno ng mga Lumad, at notoryus sa pambabarat sa kanilang mga manggagawa.

Matindi ang panunupil ng naturang yunit-militar sa daan-daang magsasakang nais bawiin ang kanilang mga lupa. Binansagan itong “massacre battalion” dahil sa brutal na mga pamamaslang nito sa prubinsya. Kabilang sa mga kaso nito ang masaker sa Bugna noong Marso 2015; sa Pangantucan noong Setyembre 2015 na pumatay ng limang sibilyan kabilang ang isang bulag na lolo at kanyang mga anak; at sa Talakag noong Marso 2016 na pumatay ng tatlong sibilyan at nagsugat sa isang buntis at dalawang iba pa.

Quezon. Pinaralisa ng isang yunit ng BHB-Quezon ang tatlong backhoe at isang buldoser na pag-aari ng isang kumpanyang gumagawa ng Kaliwa Dam sa Sityo Salok, Barangay Magsaysay, Infanta, Quezon noong Pebrero 7, alas-4:40 ng hapon. Malaon nang inirereklamo ng mamamayan ng Quezon ang proyektong ito dahil sa ibubunga nitong malawakang pagkawasak ng kanilang mga pananim at kabuhayan. Bahagi ng New Centennial Water Source Project (NCWSP) ang proyektong ito na ngayon ay nasa ilalim ng programang “Build, Build, Build” ng rehimeng US-Duterte. Tinatayang P12.8 milyon ang uutangin ng gubyerno mula sa China para sa proyektong ito.

Negros Oriental. Patay ang isang sundalo ng 94th IB na nagsasagawa ng operasyong “peace and development” sa Barangay Binobohan matapos ang operasyong isnayp ng BHB-Negros sa kampo ng kaaway sa Guihulngan City noong Pebrero 17, alas 9:00 ng umaga.

Sa Bicol, binigyang-parangal ng BHB-East Camarines Sur ang limang Pulang mandirigmang namartir sa labanan noong Enero 30 sa Barangay Lupi, Tinambac, Camarines Sur. Ang mga nasawi ay sina Randy Vega (Ka Ben), Marvin Baao (Ka Jazz), Florante Empeno (Ka Dan), Johnny Flores (Ka Mateo) at Florencio Iliw-iliw (Ka Rene). “Ibinigay nila ang kanilang buhay para sa pagpapalaya ng masang Pilipino,” ayon sa lokal na kumand ng BHB.

Gayundin, binigyang-parangal ng BHB-Southern Tagalog ang kabayanihan ni John Carlo Alberto (Ka Yago), na namatay sa labanan noong Pebrero 14 sa Barangay San Buenaventura, Luisiana, Laguna.

Dating mag-aaral ng kursong Veterinary Medicine si Ka Yago sa University of the Philippines-Los Baños at naglingkod bilang Vice Chairperson ng Anakbayan-UPLB. Sumampa sa BHB si Ka Yago noong 2017, kung saan niya ipinagpatuloy ang pagbabahagi ng kaalaman sa mga magsasaka at mga kasama, partikular sa pag-aalaga sa hayop. Napaunlad niya rin ang kaalaman sa medisina at naging duktor ng bayan.

6 armas, nakumpiska ng BHB-Bukidnon