Anakpawis, nagprotesta laban sa reklamasyon

,

DAAN-DAANG MYEMBRO NG Anakpawis, Pamalakaya, Kadamay at Gabriela ang nagprotesta sa Maynila noong Pebrero 18 laban sa kabuuang 32,000-ektaryang proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

Ayon sa Pamalakaya at Kadamay, sa tabing ng rehabilitasyon ng Manila Bay itatayo ang mga pook-aliwan at turismo sa erya at palalawakin ang mga pantalan, magreresulta ito sa kawalan ng tahanan at kabuhayan ng may 300,000 maralita at mangingisda.

Inamin mismo ng Philippine Reclamation Authority na may 43 proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Kabilang sa plano ang may 140 ektaryang proyektong Solar City ng Manila Goldcoast Development Corporation, ang 1,200-ektaryang proyekto ng SM Prime Holdings na magtatayo umano ng isang “syudad,” at 407-ektaryang City of Pearl na proyekto ng isang korporasyong Chinese na UAA Kinming Dev’t, kung saan kasosyo ang kroni ni Duterte na si Dennis Uy. Ipinailalim na ito ni Duterte sa kanyang upisina upang masolo ang kita sa may 120 proyektong reklamasyon sa buong bansa.

Binigyang pansin din ng mga nagprotesta ang may 50-ektaryang proyektong ekspansyon ng Manila Harbour Center ng R-II Builders, Inc., 50 ektaryang proyekto ng Baseco Rehabilitation and Devt., Inc. (Bradi), ang 40 ektaryang reklamasyon ng PRA at ang 140-ektaryang Navotas Boulevard Business Park. Aprubado na ang mga ito ng lokal na gubyerno ng Maynila.

Anakpawis, nagprotesta laban sa reklamasyon