Higanteng tubo ng mga monopolyo sa internet

,


Dominado ng iilang higanteng kumpanya ang internet. Dalawa sa pinakamalalaki ang Facebook at Google. Nagkakamal ang mga ito ng bilyun-bilyong dolyar na tubo sa pamamagitan ng monopolyo at kontrol sa pinakamalaking operasyon sa internet.

Kilala ang Facebook bilang social media website (daluyan ng komunikasyon at interaksyon ng iba’t ibang user o tagagamit nito). Una namang nakilala ang Google bilang “search engine” o website para sa paghahanap ng impormasyon sa internet. Kalaunan, kapwa nagsanga sa iba’t iba pang serbisyo ang mga ito.

Nagsimula ang Facebook noong 2004 na may pitong empleyado lamang pero nag-eempleyo na ngayon ng mahigit 35,500 manggagawa. Lampas 70 kumpanya na ang nilamon nito na nagkakahalaga ng mahigit $23 trilyon. Kabilang sa mga pagmamay-ari ng kumpanya ang Instagram, ang pinakamalaking imbakan ng mga larawan sa internet, ang WhatsApp (ang pinakalaganap na programa sa pagpapadala ng mensahe), at samutsaring kumpanya na may iba’t ibang teknolohiya. Sa pamilihan ng mga sapi, umabot sa $456 bilyon ang halaga ng Facebook nitong ikatlong linggo ng Pebrero.

Mahigit 230 mas maliit na kumpanya naman ang binili ng Google mula noong 2001. Karamihan sa mga ito ay sa advertising (17 kumpanya); media and entertainment (32 kumpanya kabilang ang YouTube); mga programa sa selpon (23 kumpanya kabilang ang Android), cloud o imbakan sa internet (24 kumpanya), social media at mga larawan (26 kumpanya) at maraming iba pang serbisyo.

Dahil mga monopolyo kapitalista, nangungunang interes ng mga ito ang pagkamal ng tubo, gaanuman nila ipahayag na nagtataguyod sila ng “demokratisasyon ng kaalaman,” “pag-ugnay sa buong mundo bilang isang komunidad,” at “libreng mga serbisyo.”

Pangunahing pinagmumulan ng kita ng Google at Facebook ang paglalagay ng mga advertisement (ads) o patalastas sa kanilang mga pahina sa internet. Noong 2017, nagtala ang Facebook ng mahigit $40 bilyong kita, kung saan 89% nito ay nagmula sa mga ads. Sa ikalawang kwarto ng 2018, nagtala ang Alphabet, ang kumpanyang nagmamay-ari ng Google, ng mahigit $26 bilyong kita, 86% nito mula sa mga patalastas ng Google.

Tubo sa pagmamanman

Ang pinakamalaking pinagkakakitaan ng Facebook at Google, pati na ng Amazon at ang relatibong mas maliit na kumpanyang Twitter, ay ang pagbebenta ng impormasyon na nagmumula sa ilang bilyong gumagamit sa mga nito. Habang libreng ginagamit ang mga serbisyo ng mga kumpanyang ito, detalyado namang sinusubaybayan ang mga aktibidad ng user o mga gumagamit dito.

Para sa mahigit dalawang bilyong gumagamit ng Facebook, libre silang nakagagawa ng mga account upang makipag-ugnayan sa kanilang mga “kaibigan.” Kapalit nito, iniipon, pinoproseso at pinag-aaralan ng Facebook ang lahat ng impormasyong iniluluwal ng mga talastasang ito. Ipinakita sa isang pag-aaral na batay sa padron ng mga “Like” sa Facebook, awtomatiko at halos eksaktong natatantya ang personal na mga katangian ng user kabilang ang oryentasyong sekswal, lahi, pananaw sa relihiyon at pulitika, edad at kasarian, lokasyon at iba pang impormasyon.

Kung hindi maingat na gagamitin ang Google at mga produkto nito (kabilang ang mga Android smartphone) eksakto ring nakukuha ng Google ang lokasyon ng isang indibidwal. Lahat ng ilagak na impormasyon ng user sa isa sa mga libreng serbisyo ng Google ay iniuugnay ng kumpanya sa iba pa nitong mga serbisyo.

Ang mga impormasyon na ito ay itinuturing na “hilaw na materyales” na minimina, pinuproseso at ibinebenta ng Facebook at Google. Sa pagpuproseso gamit ang mga kompyuter, natataya ang magiging aksyon ng tao sa kasalukuyan, sa kagyat at sa hinaharap, mga bagay na ginto para sa mga advertiser. Tinaguriang surveillance capitalism o kapitalismo sa pagmamanman ang ganitong sistema ng pagkakamal ng tubo ng malalaking kumpanya sa internet. Ang pagbenta ng naprosesong impormasyong ito na siyang “produkto” ng mga kapitalista sa pagmamanman, ang kanilang pinagkunan ng dambuhalang yaman.

Ikinakatwiran ng mga ito na ang gayong pag-iipon ng datos ay para lumikha ng mga patalastas na nakaayon sa partikular na hilig ng indibidwal. Pero ang gayong pagmimina ay isinasagawa na walang pahintulot at taliwas sa karapatan sa pribasiya at kagustuhan ng kalakhang gumagamit sa Facebook. Pitong bansa na sa Europa ang naghain ng kaso laban sa Facebook, habang sunud-sunod din ang mga imbestigasyong kinakaharap ng Facebook dahil sa paglabag sa karapatan sa pribasiya ng milyun-milyong user.

Hindi lamang sa mga advertiser ibinebenta ng mga kumpanyang ito ang minimina nilang impormasyon. Noong 2018, nalantad ang pagbenta ng Facebook sa Cambridge Analytica, isang kumpanyang tagapayong pampulitika, ng personal na datos ng milyun-milyong tao sa Facebook nang walang pahintulot, kabilang ang mahigit isang milyon mula sa Pilipinas. Ginamit ang mga impormasyong ito para sa pagdisenyo ng kampanya sa eleksyon na pinaniniwalaang pinakinabangan nina Pres. Donald Trump ng US at Rodrigo Duterte sa eleksyong 2016 sa Pilipinas.

Mahigpit din ang ugnayan sa militar ng Facebook at Google, pati na ang ibang mga kumpanya sa teknolohiya. Sa gayon, ang mistulang libreng mga serbisyo sa internet ay nagagamit bilang mga makinarya para sa malawakang pagmamanman. Dalawa sa mga kumpanyang pagmamay-ari ng Facebook ang gumagamit ng teknolohiyang militar na facial recognition o pagkilala sa mukha gamit ang kompyuter. Malawakan naman ang isinasagawang pagmamapa ng Google sa bawat sulok ng daigdig nang walang pahintulot sa mga gubyerno at mamamayan. Nagagamit ang mga datos na ito sa malaking imbakan ng impormasyon na National Security Agency ng US.

Sa modernong teknolohiya, lahat ng de-kompyuter na aktibidad ng mamamayan ay napuproseso at sinusuri, at nakapagbubuo ng datos tungkol sa kanilang mga pagkatao. Sa kontrol ng mga monopolyo kapitalista, nagsisilbi ang modernong teknolohiya sa pagpapalaki ng kanilang tubo at pagsikil sa demokrasya.

Nagagamit ng mga demokratikong pwersa ang internet, sa kabuuan, at ang imprastruktura ng social media, sa partikular, para sa pagsisiwalat ng impormasyon para sa interes ng nakararaming mamamayan. Gayunman, kinakailangang isagawa ang mga ito na aktibong ipinagtatanggol ang mga karapatan sa pribasiya at mulat sa mga itinakdang limitasyon ng mga antidemokratikong higante sa internet.

Ang internet bilang makinarya ng imperyalismo sa digmaan

NABUO ANG INTERNET ayon sa doktrina sa pambansang seguridad ng US. Sa ilalim ng doktrinang ito na unang itinulak noong dekada 1950, itinuturing na ang kakayahan ng US sa teknolohiya at industriya ay organikong bahagi ng istrukturang militar.

Sang-ayon dito, binuo sa ilalim ng Department of Defense (DoD) ang Advanced Research Projects Agency (ARPA) na siyang naging responsable sa pagpapaunlad ng bagong mga teknolohiya para magsilbi sa militar ng US. Nanguna rin ang ahensya sa larangan ng computer research at pananaliksik sa command and control ng militar at behavioral science (pag-aaral sa kilos ng tao). Sa panahon ng Cold War, kabilang sa pinaunlad ng ahensya ang ARPAnet, isang lambat ng komunikasyon na dumadaan sa kompyuter sa pagitan ng mga ahensya ng gubyerno, mga sangay sa pananaliksik sa mga unibersidad at mga kumpanya sa manupaktura.

Noong 1950-60, sa kasagsagan ng mga protesta ng mamamayan ng US laban sa gerang inilunsad ng kanilang gubyerno laban sa Korea at Vietnam, masinsin ang isinagawang paniniktik ng DoD sa mahigit pitong milyong mamamayan. Lahat ng impormasyong ito ay dumaan sa ARPAnet bago inilagak sa National Security Agency, isa sa mga ahensyang paniktik ng DoD. Nang lumaon, tinarget ng NSA ang pag-iipon at pag-analisa ng lahat ng komunikasyong digital ng buong populasyon.

Higanteng tubo ng mga monopolyo sa internet