Iluwal ang rebolusyonaryong paglaban mula sa poot ng masa sa kanayunan
Ang naglalagablab na poot sa kanayunan ay lalong ginagatungan ng rehimeng Duterte. Ang sunud-sunod na mga patakarang anti-magsasaka at anti-mamamayan ay nagpapalayas sa libu-libong magsasaka, mangingisda at minoryang mamamayan mula sa kanilang mga bukid, pook pangisdaan at lupang ninuno at nagsisilbi sa interes ng malalaking burgesyang kumprador at malalaking kapitalistang dayuhan. Bingi si Duterte sa sigaw ng milyun-milyong walang-lupang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa.
Lalong pinapaspasan ni Duterte ang pang-aagaw ng lupa at pagpapalit-gamit sa lupa upang bigyang-daan ang mga proyektong pang-imprastruktura, panturismo at pang-enerhiya. Sa Central Luzon, ilampung libo ang palalayasin mula sa kanilang lupa at mga pangisdaan ng planong konstruksyon ng mga haywey, paliparan, tinaguriang ecozone at iba pang mga proyektong real estate na sumasakaw sa ilanlibong ektarya.
Ilanlibong pamilya rin ang mapalalayas sa Southern Luzon sa minamadaling konstruksyon ng mga pasilidad pangtransportasyon at lohistika para sa malalaking empresa. Ilanlibong pamilya rin ang mapalalayas sa di bababa sa sampung mayor na proyektong pang-imprastruktura sa Davao at iba pang rehiyon sa Mindanao.
Ang mga megadam na planong itayo sa Kalinga, Tarlac, Quezon at Iloilo ay magreresulta sa dislokasyon ng ilampung libong pamilya at pagbaha sa daanlibong ektaryang kalakha’y bahagi ng lupang ansestral ng mga minoryang mamamayan.
Bilang pagsunod sa diktang imperyalista, ipinatupad ni Duterte ang ganap na liberalisasyon sa importasyon ng bigas. Magreresulta ito sa pagbagsak sa kita ng mahigit dalawang milyong maliliit na magsasaka at manggagawang bukid sa mga palayan, na pinahihirapan din ng pyudal na upa at kawalan ng mekanisasyon at subsidyong estado. Ipatutupad ito sa ngalan ng pagpapababa ng presyo ng bigas, subalit magreresulta lamang sa pagpilay sa lokal na produksyon ng palay, lalong pagsalalay sa pag-aangkat at malao’y pagtaas ng presyo ng bigas. Ang pinakalayunin ng hakbanging ito ay pwersahing mabangkrap ang mga magsasaka ng palay, itigil ang produksyon sa mga palayan at sa gayo’y itulak ang kumbersyon ng mga ito.
Ang dislokasyon sa kabuhayan ng daan-daan libong maliliit na magsasaka ay papatong sa malalang kalagayan ng disempleyo sa kanayunan. Sa nagdaang dalawang taon, mahigit isang milyon nang trabaho sa agrikultura ang nawala, pangunahin dahil sa malawak na kumbersyon ng lupa at patuloy na pagdausdos ng produksyon sa agrikultura. Bumabaha ng sobrang lakas-paggawa ang kanayunan sa Pilipinas.
Pinalalala ng mga hakbangin ni Duterte ang kalagayang sosyo-ekonomiko ng milyun-milyong magsasakang walang lupa dahil sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa. Bigo ang reaksyunaryong programa sa reporma sa lupa sa nagdaang 30 taon na tugunan ang hangarin ng masang magsasaka para sa katarungang panlipunan at libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal ng lupa. Nagsilbi lamang itong isang transaksyon sa bentahan ng lupa. Mahigit 90% ng mga “benepisyaryo” ay di nakakumpleto ng pagbabayad ng amortisasyon. Ang iba sa esensya’y nananatiling walang lupa dahil marami’y obligadong pumasok sa mga kasunduan o kaayusan na nagkakait sa kanila ng kontrol sa kanilang lupa.
Nananatiling konsentrado ang lupa sa kamay ng iilan. Ang malalaking asyenda ay nasa kamay pa rin ng mga Cojuangco, Roxas, Araneta at iba pang malalaking panginoong maylupa. Nasa kontrol din ng malalaking plantasyon ang daan-daang ektaryang lupang agrikultural. Patuloy na dumaranas ang mga magsasaka at manggagawang bukid ng pyudal at malapyudal na anyo ng pagsasamantala kabilang ang mabigat na upa sa lupa, usura, mataas na upa sa mga kagamitan at napakababang pasahod.
Upang pahupain ang malawak na poot ng mga magsasaka dulot ng kawalan ng lupa, dislokasyon dahil sa kumbersyon ng lupa, paglaki ng disempleyo sa kanayunan at pagkawala ng kita, abala si Duterte na magpakitang-gilas at magsagawa ng mga palabas ng “distribusyon ng lupa.” Subalit ganap na huwad ang “reporma sa lupa” ni Duterte. Ang totoo, ang ipinamamahagi niya’y pawang dokumento na nag-oobliga sa mga tatanggap na regular na magbayad ng amortisasyon. Walang-saysay ang utos niyang bigyang-prayoridad ang distribusyon ng mga lupa ng gubyerno at may layon lamang pagtakpan ang kanyang katapatan sa uring mga panginoong maylupa at mga may-ari ng mga plantasyon at ang kanyang pagtangging isailalim ang kanilang lupa sa reporma sa lupa.
Layon lamang ng huwad na mga deklarasyon sa reporma sa lupa ni Duterte na lokohin ang masang magsasaka para isuko nila ang kanilang pakikibaka para sa reporma sa lupa at gayo’y ipako sila sa habambuhay na paghihirap. Nagpapanggap siyang tagapagtaguyod ng reporma sa lupa sa walang-saysay na tangkang ilayo ang masang magsasaka sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Ginagamit ni Duterte ang kanyang huwad na reporma sa lupa para bigyang-matwid ang todong panunupil sa masang magsasaka. Nais niyang palabasing tama ang mga walang-habas na pag-abuso at brutalidad na isinasagawa ng kanyang mga pwersang militar, pulis at paramilitar. Dumarami ang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, walang mandamyentong pag-aresto, arbitraryong detensyon, intimidasyon at pagbabanta, pwersahang “pagpasurender” ng buu-buong komunidad at iba pang paglabag sa mga karapatang-tao.
Gayunman, bigo si Duterte na itago ang malubhang kalagayang sosyo-ekonomiko ng masang magsasaka na labis na nagdurusa sa mga hambalos ng kanyang mga neoliberal na patakarang anti-magsasaka at anti-mamamayan. Mabibigo siyang pahupain ang nag-uumapaw na galit sa malawak na kanayunan.
Ang malawak na poot ng mga magsasaka ay dapat dalhin sa malawak na pagkilos ng masa. Dapat pukawin, organisahin at pakilusin ang malaking bilang ng masang magsasaka upang maglunsad ng lahat ng anyo ng pakikibaka para labanan ang pang-aagaw sa lupa at palit-gamit sa lupa, ang liberalisasyon sa importasyon ng bigas at iba pang patakarang neoliberal, igiit ang pagbabalik ng pondong coco levy sa mga magsasaka sa niyugan, at isulong ang kanilang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Dapat patatagin ang kanilang loob na labanan ang batas militar at igiit ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng mga internasyunal na makataong batas at maging sa ilalim ng reaksyunaryong konstitusyon. Dapat ilunsad ang mga demontrasyon ng mga magsasaka upang tipunin ang kanilang lakas, isulong ang kanilang mga pakikibakang antipyudal at basagin ang paghahari ng teror ni Duterte.
Dapat ubos-kayang itransporma sa rebolusyonaryong paglaban ang galit ng masang magsasaka. Dapat patuloy na paigtingin ng BHB at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang digmang bayan sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at rebolusyong agraryo, gayundin sa pagtatatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika.
Sa pagsusulong ng reporma sa lupa, patuloy na natatamo ng BHB ang malalim at masaklaw na suporta ng malawak na masang magsasaka. Sa gitna ng lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko sa ilalim ni Duterte, lalong napupukaw ang masang magsasaka na sumuporta at sumapi sa hukbong bayan at lumahok sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka para ibagsak ang reaksyunaryong estado ng malalaking panginoong maylupa at burgesyang kumprador.