Mag-iina, arbitraryong inaresto at ikinulong ng 1st SFB

,

ARBITRARYONG INARESTO AT ikinulong ng 1st Special Forces Battalion (SFB), sa pangunguna ni Capt. Lorefel Judaya, ang mag-inang Gloria O. Jandayan at kanyang anak na si Gleceria J. Balangiao sa Macabalan, Cagayan de Oro City noong Pebrero 11. Dinala ang dalawa sa kampo ng 1st SFB sa Mampayag, Manolo Fortich, Bukidnon. Si Jandayan ay health worker sa Barangay Macabalan at myembro ng Gabriela samantalang si Balangiao naman tagapagtaguyod ng karapatang-tao sa ilalim ng Rural Missionaries of the Philippines-Northern Mindanao Subregion na nakabase sa Cagayan de Oro City.

Unang pinatawag ni Judaya, upisyal paniktik ng 1st SFB, ang mag-ina sa barangay hall ng Macabalan at ipinailalim sa interogasyon. Pinaratangan si Jandayan na medik ng BHB.

Noon namang Pebrero 14, alas-11 ng umaga, iligal ding inaresto ang inang si Lorena Micabalo, kasama ang kanyang tatlong-buwang sanggol na si Zhia, sa Tagum City.

Ayon sa Karapatan-Northern Mindanao, pinuntahan ng mga sundalo ng 1st SFB sa pangunguna ng isang Major Macaranban ang bahay ni Micabalo at dinala ang mag-ina rin sa kampo ng 1st SFB sa Bukidnon. Walang ipinakitang mandamyento ang mga umaresto kay Micabalo. Sinampahan siya ng gawa-gawang mga kaso at pilit na pinaaamin na kasapi ng BHB. Tumanggi si Major Macaranban na palayain si Micabalo at ibigay sa kostudiya ng pamilya dahil kunektado diumano ang mga ito sa BHB. Nananatiling nakabimbin ang dalawang pares ng mag-ina sa kampo ng militar at pinagkakaitan ng karapatang makita ng abugado at kanilang mga kamag-anak.

Mag-iina, arbitraryong inaresto at ikinulong ng 1st SFB