Taripikasyon ng bigas, papatay sa maliliit na magsasaka
Kamatayan ang hatid ni Rodrigo Duterte sa mga magsasaka sa mga palayan matapos ang pagpirma niya sa batas sa liberalisasyon ng pag-aangkat ng bigas o ang Rice Import Liberalization Law (Batas sa Liberalisasyon ng Importasyon ng Bigas) nitong Pebrero 14. Binibigyang-daan ng batas na ito ang ganap na liberalisayon o pag-aalis ng limitasyon sa pag-aangkat ng bigas.
Ang batas na ito ay alinsunod sa mga patakaran ng liberalisasyon na itinatakda ng World Trade Organization. Sa ilalim ng batas na ito, inaalis ang dating patakaran ng paglimita sa dami ng bigas na pwedeng ipasok sa Pilipinas na ipinatupad noon bilang proteksyon sa lokal na produksyon ng palay. Ang liberalisasyon sa importasyon ng bigas ay itinutulak sa gitna ng sobrang produksyon ng bigas at iba pang pagkaing-butil sa US, China at iba pang bansa.
Sa pagpapatupad ng batas na ito, dadagsa ang imported na bigas at matatabunan ang lokal na produksyon. Isasapanganib nito ang kabuhayan ng 2.4 milyong magsasaka sa palay at ang 19 milyong metriko toneladang produksyon ng palay ng Pilipinas. (Tingnan ang artikulo kaugnay nito sa Ang Bayan Pebrero 21, 2018).
Taliwas sa pangakong ibababa ng batas na ito ang lokal na presyo ng bigas, asahan na lalo pa itong tataas sa susunod na mga taon dahil gagawin nitong palaasa ang Pilipinas sa importasyon. Wala ring hakbangin para lansagin ang kartel ng bigas na kumokontrol sa suplay ng bigas sa Pilipinas, at inaasahang kokontrol din sa importasyon. Tiyak na patuloy na lolobo ang ganansya ng lokal na kartel pati na ng mga dayuhang kumpanya.
Ang inaasahang taunang P90 bilyong makukolektang taripa mula sa importasyon ng bigas ay tiyak na mapupunta lamang sa anti-mamamayang mga proyekto at pakikinabangan ng mga kroni at kaibigan ni Duterte at mga dayuhang malalaking kumpanya.
Imbes na tugunan ang kagutuman at kahirapan, lalong winawasak ni Duterte ang kakayahan ng bansa sa lokal na produksyong agrikultural at ang seguridad nito sa pagkain.
Bago nito, naglabas nitong unang linggo ng Pebrero ang Department of Agriculture ng Administrative Order 1 series of 2019 na nagpapabilis sa pagpapalit-gamit ng lupang agrikultural tungong real estate, gamit komersyal at industriyal. Kasunod ito ng pagpirma ni Duterte sa batas sa liberalisasyon ng pag-angkat ng bigas.
Protestang magsasaka
Nagmartsa noong Pebrero 19 ang mga magsasaka mula sa Laguna, Cavite at Bulacan tungo sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Agriculture (DA) sa Quezon City upang kundenahin ang sunud-sunod na kontra-magsasakang patakaran na ipinatupad ng gubyerno.
Pangamba ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at mga tagapagtaguyod ng kagalingan ng mga magsasaka, maaaring makaapekto ito sa industriya ng bigas at lokal na agrikultura sa bansa, tiyak na matindi rin ang epekto nito sa kaseguruhan sa pagkain ng mga Pilipino.
Plano naman ng National Food Authority Employees Association na magsampa ng kaso sa Korte Suprema dahil sa paglabag ng RA11203 sa kanilang karapatan sa katiyakan sa trabaho. Giit nila, ni hindi sila kinonsulta ng rehimen bago ipasa ang batas.