Aping kalagayan at paglaban ng kababaihang Pilipino
Sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na lipunan, hindi lamang dumaranas ng pagsasamantala ang kababaihang Pilipino bilang mga maggagawa o magsasaka, dumaranas pa sila ng higit na pang-aapi dulot ng diskriminasyon sa kasarian at sobinismo ng kalalakihan.
Kumpara sa lalaki, mas mababa ang sahod at mas mapang-api ang kalagayan ng mga babaeng manggagawa. Kasabay nito, tinatali sila ng kulturang patriyarkal na nagtatakda ng “papel” nila sa lipunan, bilang tagapangasiwa ng tahanan, taga-aasikaso ng asawa, tagapag-alaga ng anak o nakababatang kapatid, matatandang magulang at iba pang kamag-anak.
Higit pang pagdurusa ang dinaranas ng kababaihan sa pagpapatupad ng rehimeng US-Duterte sa pinakamasasahol na mga patakarang neoliberal. Mas humaba ang oras ng kanilang pagtrabaho para makaagapay sa pagtaas ng presyo ng transportasyon, pagkain at iba pang batayang pangangailangan. Lalo silang nalulubog sa utang para makaagapay sa nagtataasang singil sa mga serbisyo. Iniinda nila ang kawalan ng disenteng mga trabaho at nakabubuhay na sahod dulot ng kawalan ng tunay na industriyalisasyon at reporma sa lupa.
Sa harap nito, lalong nagiging makatarungan ang paglaban ng kababaihang manggagawa at magsasaka para sa kanilang mga karapatan at kagalingan, gayundin para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya. Krusyal na mapakilos ang kanilang sektor para wakasan ang kasalukuyang sistema, pangunahin sa pamamagitan ng armadong rebolusyon.
Kalagayan ng kababaihang Pilipino
Halos pantay ang bilang ng mga kalalakihan at kababaihan sa lipunang Pilipino. Gayunman, mas mababa tantos ng kanilang partipasyon (49% kumpara sa 77% ng kalalakihan) sa pwersa sa paggawa, kapwa sa kalunsuran at kanayunan.
Mababa ang kanilang sahod at mahaba ang kanilang oras ng paggawa. Mahigit 1.2 milyong kababaihan ang nagtatrabaho sa pagtitingi. Tumatanggap sila ng sahod na wala pa sa kalahati ng nakabubuhay na sahod habang pinagtatrabaho nang hanggang 52 oras kada linggo nang walang bayad sa obertaym. May 1.8 milyon nagtatrabaho bilang mga kasambahay, tagalaba at iba pa. Araw-araw ay nakalaan sila 24 oras sa pagsisilbi sa kanilang amo.
Sa mga engklabo ng paggawang dominado ng mga dayuhang kumpanya, 65-75% ng mga manggagawa ay kababaihan. Karamihan ay kontraktwal, hindi napabibilang sa mga unyon at gayo’y walang mga benepisyo tulad ng maternity leave. Talamak ang diskriminasyon at pang-aabuso sa kababaihan dahil malayang nakagagawa ng masasahol pang mga patakaran ang naturang mga kumpanya nang walang regulasyon ng estado.
Sa kanayunan, pasan ng kababaihang magsasaka ang lumalala pang kawalan ng sariling lupa dulot ng malawakang pangangamkam at pagpapalit-gamit sa lupa para sa mga kumpanya sa pagmimina at plantasyon. Iniinda nila ang tuluy-tuloy na pagpatay sa sektor ng agrikultura dulot ng walang rendang importasyon ng mga produktong agrikultural. Dagdag ito sa dati na nilang kahirapan dulot ng matataas ng upa sa lupa, mababang presyo ng kanilang produkto, usura at iba pa.
Halos kalahati ng mga Pilipinong lumalabas sa bansa ay kababaihan. Malaking bilang sa kanila ang nailalagay sa manwal, marurumi at mapanganib na trabaho kung saan wala o halos wala silang mga karapatan. Wala rin silang proteksyon laban sa pisikal at sekswal na abuso at pagsasamantala.
Pagpapakilos para sa rebolusyon
Mula’t sapul, batid ng pambansa-demokratikong kilusan na dahil kalahati ng sambayanan ay kababaihan, nakasalalay nang malaki ang tagumpay nito sa pagpapakilos sa mga babae sa lahat ng larangan ng paglaban. Kinikilala ang katotohananang mas malaki ang dinaranas na paghihirap ng kababaihan kaysa sa kalalakihan. Dagdag sa dinaranas nilang pagsasamantala, pang-aapi at panunupil, dumaranas rin sila ng ng sobinismo ng kalalakihan at diskriminasyon sa kasarian.
Sa kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan, kinikilala at napagtutuunan ng pansin ang mga isyu ng kababaihan. Sa maagang yugto ay itinatag ang Makibaka (Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan), na magiging isa sa mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines. Sa unang pagkakataon, nagkaroon ng organisasyon ang kababaihan na malinaw na naglalahad ng pang-aapi sa sektor at ang pangangailangan para sa isang mapagpalayang kilusan ng kababaihan sa pamamagitan ng paglahok sa isang pambansa-demokratikong kilusan.
Gayundin, nakapaloob sa programa ng Partido, kapwa sa una at ikalawang Kongreso nito, ang pagtiyak na ginagalang ang mga karapatan at kagalingan ng kababaihan habang nagrerebolusyon at sa bubuuing sosyalistang lipunan. Saklaw nito ang pakikipagrelasyon, kasal at diborsyo, kung saan tinitiyak na napapangalagaan ang kanilang kapakanan. Tinitiyak kapwa sa Partido at BHB na mayroong pantay na mga karapatan at oportunidad ang mga babae at lalaki sa loob ng organisasyon.
Malaon nang nakalatag ang mga hakbang na ito para pabweluhin ang partisipasyon ng kababaihan sa rebolusyon. Nasa katayuan ngayon para lalong paramihin ang kanilang bilang at palargahin ang kanilang kakayahan sa lahat ng larangan ng pagkilos. Hinihikayat ang kanilang partisipasyon sa lahat ng larangan ng gawain–sa ekonomya, pulitika, kultura, sa pamumuno ng organisasyon at gawaing militar–para hindi sila makulong sa tinaguriang gawaing babae, tulad ng mga gawaing bahay, pagluluto at paglalaba at iba pa.
Batid ng rebolusyonaryong kilusan na sa pakikibaka ng kababaihan magaganap ang kanilang sariling paglaya. Dapat silang himukin at tulungang lumaban sa diskriminasyon sa kasarian at sobinismong-lalaki; kasabay sa paglaban sa pagsasamantala at pang-aaping imperyalista, pyudal at burukrata-kapitalista. Dapat ding himukin at tulungan ng kababaihan ang kalalakihan na iwaksi ang mga labi ng sobinismo na lumilitaw pa rin maging sa loob ng progresibo at rebolusyonaryong kilusan.
Sa hanay ng intelihensya, dapat iwaksi ang ilusyon na magkapantay na ang kababaihan at kalalakihan dahil nakatutuntong na ang mga babae sa kolehiyo, nagiging mga propesyunal o di kaya’y umaakyat ng ranggo sa mga korporasyon o burukrasyang sibil. Dapat bakahin ang konsepto ng “women empowerment” na pinalalaganap ng mga imperyalista at naghaharing uri na nangangahulugan lamang ng paglamon sa kababaihan sa reaksyunaryong burukrasya o mapandambong na mga korporasyon.