DPRK, hindi nagpabraso sa US
WALANG NAABOT NA kasunduan o pinag-isang pahayag ang muling pakikipagkita ng pinuno ng Democratic People’s Republic of Korea (DPRK o North Korea) na si Kim Jong Un sa presidente ng US na si Donald Trump noong huling linggo ng Pebrero sa Vietnam. Layunin ng naturang pagpupulong na muling pag-usapan ang denukleyarisasyon ng DPRK, isang kaisahang naabot sa unang pagpupulong noong nakaraang taon sa Singapore. Una na itong napagkasunduan ng DPRK at Republic of Korea (mas kilala bilang South Korea) bilang inisyal na hakbang tungo sa reunipikasyon ng dalawang Korea. Hindi pumayag ang DPRK na agad simulan ang pagwasak ng mga pasilidad nukleyar nito nang hindi iniaatras ng US ang ipinataw nitong economic sanction sa bansa. Ang sanction na ito ay nagbabawal sa maraming bansa na makipagkalakalan sa DPRK. Dahil dito, limitado ang komersyo ng DPRK, at napipilitan itong umasa sa pakikipagkalakalan sa China at iba pang independyenteng mga bansa.
Malinaw na hindi bibitiwan ng DPRK ang kakayahan nitong gumawa at gumamit ng armas-nukleyar nang walang makabuluhang konsesyon mula sa US. Ang nukleyar na arsenal nito ay isa sa pinakamakapangyarihang armas laban sa direktang agresyon at interbensyon ng US, gayundin sa agresyon nito gamit ang South Korea na dati nang pinwestuhan ng US ng mga tropa at sarili nitong armas nukleyar. Kabilang sa mga iginigiit ng DPRK sa US ang pagkakaroon ng tratadong pangkapayapaan sa pagitan ng North at South Korea, kagyat na pagluluwag sa economic sanction, pagtatapos sa mga war game sa hangganan at karagatan nito at pagbabawas ng mga tropa ng US sa South Korea. Sa ngayon, mayroong 28,500 tropa ang US sa hangganan ng DPRK at South Korea.
Mula sa unang pagpupulong, sinuspinde na ng DPRK ang missile at nuclear testing nito. Samantala, ang isinagawa pa lamang ng US ay ang pansamantalang pagsuspinde sa malakihang mga war game sa pagitan nito at hukbo ng South Korea. Patuloy ding na nakapusisyon sa karagatan at mga base nito sa Asia ang sarili nitong mga pwersang nukleyar (submarino, barko at eroplano) na handa nitong gamitin laban sa DPRK.