Mga menor-de-edad, iligal na inaresto ng AFP
Dalawang menor-de-edad na estudyante ang iligal na dinakip at idinetine ng mga sundalo ng 88th IB sa Sityo Sanggiapo, Barangay Sinuda, Kitaotao, Bukidnon noong Pebrero 18. Sina Loujean Antian Lumbatan, 17, estudyante sa Sinuda High School, at Ara Mystica Antian Pangcat, 10, estudyante ng Cabalansihan Elementary School ay inaresto ng mga sundalo bandang alas-11 ng umaga nang walang dahilan. Hanggang alas-11 ng gabing iyon ay itinago sila sa loob ng kampo.
Nang puntahan ng mga magulang at kaanak sa kampo, tahasang itinanggi ng mga sundalo na hawak nila ang dalawa at itinaboy ang mga naghahanap. Ayon sa salaysay ng mga biktima, nang mismong panahong iyon ay pinagbabantaan sila ng mga sundalo na huwag mag-ingay. Matapos nito, dinala ang mga biktima sa punong himpilan ng 88th IB sa Maramag kung saan ipinailalim sila sa matinding interogasyon. Hapon na ng Pebrero 19 nang pakawalan sila ng mga sundalo.
Terorismo sa Negros
Patuloy na binibiktima ng mga armadong pwersa ng rehimen ang mga sibilyang residente ng Negros. Dagdag sa mga paglabag ng mga sundalo at pulis ang mga kaso ng intimidasyon, panununog at iligal na pag-aresto. Pangunahing mga salarin ang mga sundalo ng 94th IB at tauhan ng Philippine National Police (PNP) Regional Office 7.
Intimidasyon. Hinarang ng mga elemento ng 94th IB noong Marso 9 ang mahigit 400 delegado ng isang humanitarian mission na naglalayong alamin ang kalagayan ng mga komunidad na kasalukuyang inookupa at pinaghahasikan ng teror ng mga armadong pwersa ng estado sa Guihulngan City, Negros Oriental. Binuo ang delegasyon ng iba’t ibang organisasyon at pormasyong nais makiisa sa mga biktima ng mga pasista at mga mala-“Tokhang” na atake ng mga tropa ng 94th IB at ng PNP sa mga residente ng Guihulngan sa tabing ng Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) o Oplan Sauron.
Ang pinakahuling naiulat na kaso ng atake ng 94th IB ay ang pagsunog sa bahay ni Tisoy Pasinabo sa Sityo Panagtugas, Barangay Trinidad sa naturang lungsod noong Pebrero 24, dakong alas-3 ng madaling araw. Kabilang ang mag-anak ni Pasinabo sa 87 residente na natulak na magbakwit noong Enero 28 dahil sa walang habas na panggigipit sa kanila ng mga sundalo.
Pansamantalang tumutuloy sa San Carlos City, Negros Occidental ang mga bakwit. Nakitaan ng mga duktor ang mga biktima ng mga palatandaan ng troma dahil sa takot at pangambang idinulot ng nagpapatuloy na operasyong militar sa kanilang mga komunidad. Sa isang panayam, ikinwento ng isang matandang babaeng residente ng Sityo Kasingan na hindi siya makatulog mula nang dumating ang mga sundalo.
Militarisasyon. Iniulat ng mga residente na noong Pebrero 21-24, umabot sa 110 sundalo at pulis ang umokupa sa mga sityo ng Tabalogo at Malatanglad sa Barangay Budlasan, Canlaon City, Negros Oriental. Nagdulot ng takot sa mga residente ang pagbabahay-bahay na mga sundalo at pag-iimbestiga.
Iligal na pag-aresto. Noong Pebrero 22, alas-2 ng madaling araw, iligal na inaresto ng pinagsanib na mga tropa ng 94th IB, PNP-Criminal Investigation and Detection Group at Special Action Force, sa pangunguna ni PS/Insp. Ruben E. Verbo Jr., ang limang sibilyan sa Barangay Budlasan, Canlaon City, Negros Oriental. Kinilala ang mga biktima na sina Guillermo Casipong Sr., 62, mga anak niyang sina Jerome at Guillermo Jr., Emilio Mahinay, Francing Maribong. Habang iniimbestigahan, tinutukan ng mga sundalo ng baril sa ulo at pinagbantaang papatayin si Mahinay. Kasalukuyang nakadetine ang mga biktima sa Canlaon City Police Station. Sa Mabinay, iligal ding inaresto noong Pebrero 15 ang lider magsasakang si Nimrod Balansag ng KAUGMAON-Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Ang mga inaresto ay pawang sinampahan ng gawa-gawang mga kasong illegal possession of firearms.
Sa pahayag ng KMP noong Marso 3, kinundena nito ang pag-arangkada ng mga pasistang atake laban sa mga magsasaka sa prubinsya na isinasagawa sa ilalim ng Memorandum Order 32 ng rehimeng US-Duterte na pormal na nagpailalim sa buong Isla ng Negros sa walang taning na paghaharing militar. Nanawagan ito ng independyenteng imbestigasyon hinggil sa paggamit ng AFP at PNP sa Oplan Sauron bilang kasangkapan sa paglabag ng karapatang-tao.
Samantala, mariing kinundena ng mga progresibong organisasyon, tagapagtanggol sa karapatang-tao, akademiko, abugado, mamamahayag at taong-simbahan sa Cagayan de Oro ang malisyosong pag-uugnay ng AFP sa kanilang mga kasama sa Bagong Hukbong Bayan at Partido Komunista ng Pilipinas. Ang naturang listahan ay inilabas ng 4th ID noong Pebrero.