NEWS: Manila Bay Watch, inilunsad | “Red-tag” sa mamamahayag, kinundena
Manila Baywatch, inilunsad
NAGTIPON NOONG PEBRERO 22 sa simbahan ng Malate, Maynila ang may 200 kasapi ng mga organisasyon ng mga mangingisda, maralitang lungsod, kababaihan, relihiyoso at maka-kalikasan upang ilunsad ang alyansang Manila Baywatch na magbabantay sa pag-usad ng umano’y rehabilitasyon at proyektong reklamasyon sa Manila Bay.
Ayon sa grupo, kung seryoso ang rehimen sa rehabilitasyon, dapat nakatuon ito sa pagpapatayo ng mga pabahay na maaaring ilagay sa tabing dagat at mga kanal at hindi pagpapalayas sa mga residente. Dapat muling buhayin ang Manila Bay na nakaayon sa pangangailangan ng mga mangingisda at hindi para sa mapangwasak na reklamasyon.
Isa sa makikinabang sa proyektong reklamasyon ang emabahada ng US na nakatakdang magdagdag ng mga gusali.
“Red-tag” sa mamamahayag, kinundena
KINUNDENA NG NATIONAL Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang paglalabas ng estado ng listahan ng umano’y mga myembro ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kabilang sa listahan na ipinakalat sa Cagayan de Oro City ay si Cong Corrales, myembro at dating direktor ng NUJP. Inilista rin ang kanyang asawa at anak, gayundin ang mga grupong relihiyoso, abugado at tagapagtanggol ng karapatan at kapakanan ng mga Lumad.
Ayon sa NUJP, hindi lamang simpleng intimidasyon ang pakay ng naturang listahan. Kadalasa’y nagsisilbi itong target ng mga pamamaslang.