Pinahabang leave ng mga bagong ina, naisabatas
NAISABATAS NA ANG expanded maternity leave (pinahabang bakasyon ng mga bagong ina mula sa kanilang trabaho) matapos itong aprubahan ni Rodrigo Duterte noong Pebrero 22.
Halos isang dekada na itong iginigiit at ikinakampanya ng Gabriela Women’s Partylist (GWP) kasama ang iba pang mga progresibong grupo at personahe. Sa ilalim ng batas, maaari nang lumiban sa trabaho ang isang bagong ina nang hanggang 105 araw habang tumatanggap pa rin ng sahod o sweldo. May opsyon pa ang ina na palawigin ang kanyang leave nang isang buwan pero wala nang sweldo. Sa kasalukuyan, nasa 60 araw lamang ang bayad na leave ng isang bagong-panganak.
“Produkto ito ng aming masigasig na kampanya…kasama ang iba’t ibang grupo, bilang pagkilala sa ambag ng mga kababaihan sa ating ekonomya,” pahayag ng GWP. “Ito ay isang mahalagang pag-unlad sa pagtitiyak sa karapatan ng mga kababaihan sa maternal health (kalusugan ng mga ina) at sa pagtatanggol sa seguridad sa trabaho ng mga manggagawang buntis” dagdag pa ng GWP.
Gayunpaman, nagbabala ang Gabriela na hindi dapat magresulta sa diskriminasyon sa mga babaeng manggagawa ang naturang batas. Nasa 2% lamang ng mga kababaihang manggagawa ang nagbubuntis. Dagdag dito, kalakhan ng mga babaeng manggagawa ay kontraktwal at hindi tumatamasa ng kahit pinakabatayang mga benepisyo.
Sa sektor ng serbisyo at maraming pagawaan sa mga export processing zone, hindi iniempleyo ang isang buntis o kahit ang babaeng may-asawa dahil sa posibilidad ng pagbubuntis. Kapag nabubuntis, hindi na lamang sila muling iniempleyo.