10-araw na BKPM, inilunsad sa NCMR

,

Isang platun ng mga Pulang mandirigma ang nakapagtapos ng 10-araw na Batayang Kurso sa Pulitiko-Militar (BKPM) sa North Central Mindanao Region (NCMR) noong Pebrero. Pangatlo ito sa serye ng mga pagsasanay na inilulunsad sa iba’t ibang subrehiyon. Bahagi ito ng mga aktibidad sa pagdiriwang ng ika-50 taon ng pagkakatatag ng BHB sa darating na Marso 29.

Ibinatay ang maiksing kurso o crash course sa silabus ng mas mahabang kursong nagtatagal nang isang buwan. Pinaiksi ito sa sampung araw bilang pag-angkop sa matagalang operasyong dumog ng mga armadong pwersa ng estado sa rehiyon. Noong 2018, umaabot na sa 13 batalyon ng Armed Forces of the Philippines, liban pa sa mga yunit ng Philippine National Police at CAFGU ang itinambak sa rehiyon.

Nakatuon ang pagsasanay sa pagtataas ng pisikal at militar na kapasidad ng mga Pulang mandirigma. Bago isabak ang mga kadete sa kurso, tinitiyak na kumpleto ang kanilang pulitikal at teoretikal na pag-aaral sa loob ng hukbo. Pinalalahok sa pagsasanay pareho ang bago at matagal-tagal nang mga mandirigma para mapanatili ang kanilang diwang mapanlaban.

Kalakhan ng mga kadete ay mula sa uring magsasaka, pero mayroon ding kabataan mula sa lunsod. Mayorya sa kanila ay nasa edad 18-35 at halos sangkatlo ay mga babae.

Pinangunahan ng mga Pulang kumander at mga kadre sa pulitika ang pagsasanay. Tatlong instruktor at isang tagasubaybay ang nagtulong-tulong para idaos ito. Araw-araw, tinatasa nila ang takbo ng kurso at pag-unlad ng mga kadete para makagawa ng mga pag-aangkop.
Nagsilbing taguyod ang isa pang platun ng BHB at mga kasapi ng milisyang bayan ng kalapit na komunidad. Pinangasiwaan nila ang suplay at tiniyak ang seguridad. Ilang linggo munang nag-imbak ng bigas, pagkain at iba pang suplay para tiyakin ang 20 araw na suplay ng kumpanya. Gayundin, maaga nang inihanda ng mga instruktor ang baril, mga bala at mga gamit pangklasrum tulad ng pentel pen, folder, manila paper at iba pa.

Hindi pa man nagsisimula ang pormal na pagsasanay, araw-araw nang nag-eehersisyo ang mga kadete. Gumigising sila nang alas-4 ng madaling araw at inililigpit ang kanilang mga gamit bago tumungo sa hinawan na bahagi ng kampo na nagsilbing training field.

Mayroong 12 bahagi ang inilunsad na pagsasanay. Matapos ang ehersisyo sa umaga, itinuro ang batayang kumand sa pormasyon tulad ng drill, marching at manual of arms.
Sa sumunod na araw, itinuro ang pormasyong pangkombat at mga maniobrang militar sa iba’t ibang senaryo ng labanan. Layunin nito na bigyan-kakayahan ang mga mandirigma na epektibong kumilos sa panahon ng mga sagupaan.

Isang araw ang inilaan sa pagsasanay sa indibidwal na mga kakayahan ng mga mandirigma. Pinaglaanan naman ng sapat na panahon ang mga paksa sa pusisyon sa pamamaril at paghagis ng granada. Sa pagpapalakas ng depensa ng hukbong bayan, itinuro rin ang pagsasaayos ng mga kober, pagtatago at paglalagay ng mga komoplahe.

Kalahating araw ang inilaan sa pag-aaral ng mga pamamaraan sa pagliligtas sa kasamang sugatan sa labanan at paglalapat ng paunang lunas. Dumaan din ang mga Pulang mandirigma sa isang obstacle course na may 16 na istasyon. Ang mga kadete na mismo ang naglatag ng obstacle course gamit ang kahoy at uway para pantali. Halos lahat ng mga gamit sa pagsasanay ay mula lamang sa paligid, liban sa mga gamit pangklasrum.

Bilang paglalapat sa mga natutunan sa unang mga topiko, naglunsad ng mga war game o simulasyon ng mga engkwentrong militar sa pagitan ng mga Pulang mandirigma. Dito natasa ang kakayahan ng indibidwal na mga mandirigma sa paggagap sa mga prinspyo ng mga maniobra, pusisyon sa pamamaril at iba pa.

Sinimulan ang mga war game sa isang dry run at sorpresang pagpapatutok ng baril. Kagyat na ipinwesto ang unang iskwad para “makipagpalitan ng putok.” Dito nakita ang kagyat na tugon at kahandaan ng mga mandirigma sa gayong senaryo.

Sa huling bahagi, sinanay ang mga Pulang mandirigma sa tamang pagtudla ng baril at mga prinsipyo sa pagpapaputok nito. Mayroong tatlong ehersisyo para magsanay sa pagtudla ng baril—ito ang mga cut-out, aiming bar at triangulation.

Sa pagpapaputok ng baril, ayon sa mga instruktor, kinakailangang masanay muna ang mga mandirigma sa pagpapaputok ng kalibre .22 na riple bago ang matataas na kalibre ng baril. Bukod sa kinakailangang kontrolin ang paggamit ng bala, sinasanay sila sa tamang paghinga, pagtudla at pagkalabit sa baril.

Regular na nagtatasa ang mga nagsanay na hinati sa mga iskwad. Sa isang pagtatasa, pinansin ng mga kadete ang epektibong pamamaraan ng mga instruktor na umangkop sa indibidwal na kapasidad ng mga mandirigma. “Mayroong tatlong klase ng mga nagsasanay—ang mga abante, panggitna at relatibong nahuhuli. Kinakailangan ibatay ang pagtuturo sa indibidwal na antas para makasabay ang lahat,” ayon kay Ka Tino, isa sa mga instruktor.
Sa kabilang banda, nakasalalay sa mataas na diwa sa pulitika ng mga kadete ang kanilang pagsunod sa instruksyon at pagharap sa mga hamon, laluna sa mga pisikal na pagsubok. Mataas ang kanilang paggagap sa kahalagahan ng pagsasanay, at puspusan ang pagsisikap na alpasan ang anumang hirap at pagod. Layunin nitong abutin ang isang mataas na antas ng disiplina sa hanay ng mga Pulang mandirigma para magkaroon ng “isang kumpas, isang kilos” ang platun.

Sa mga panahong bakante, nagsasagawa ang mga iskwad ng kani-kanilang rebyu at pagsasanay sa obstacle course. Tinutulungan ng mga upisyal ang ilan sa mga kasamang relatibong nahuhuli at nahihirapan.

Bahagi lamang ang maiksing kurso sa tuluy-tuloy na pagsasanay at pag-aaral ng platun. “Hindi dito natitigil ang pagsasanay natin. Araw-araw ay patuloy kayong magsasanay sa pagharap sa mga aktwal na sitwasyon bilang mga Pulang mandirigma,” pagtatapos ng isang instruktor.

10-araw na BKPM, inilunsad sa NCMR