Bangkarote at korap na estratehiya ng kontra-insurhensya
Hindi direkta ang okupasyon ng mga tropang Amerikano sa Pilpinas pero malinaw ang kontrol at direksyon nito sa lokal na programang “kontra-insurhensya.”
Ang Counterinsurgency Guide ng US ang pinagbatayang dokumento ng “whole-of-nation/government approach” na balangkas ng mga kampanyang mapanupil sa bansa sa nakaraang dekada—mula sa Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino hanggang sa Oplan Kapayapaan at National Internal Security Plan (NISP) ng rehimeng US-Duterte.
Sa kasalukuyan, nasa anyo ito ng National Task Force (NTF) to End Local Communist Armed Conflict na itinayo sa pamamagitan ng Executive Order 70 noong 2018. Pinagsisilbi ng NTF, na pinamumunuan ni Rodrigo Duterte at tinatauhan ng kanyang mga heneral, ang mga programa at pondo ng mga ahensya ng gubyerno para gapiin ang “insurhensya.”
Purong kabulastugan ang idineklara nitong layunin ng “paghahatid ng mga batayang serbisyo, pagbibigay ng empleyo at mas mabuting kalidad ng pamumuhay” sa mga lugar na apektado ng armadong labanan. Ipinapailalim nito ang pagbibigay ng mga lokal na gubyerno ng mga batayang serbisyo sa mga operasyong militar at inilulusot ang presensya at okupasyon ng mga sundalo sa mga komunidad at baryo sa tabing ng burukrasyang sibil.
Nakatuntong ang programa ng NTF sa kasinungalingang marami nang myembro at tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan ang “sumurender.” Ipinagmayabang ng AFP noong Enero na nasa 12,000 na sa kanila ang nakapaloob sa E-CLIP, ang programang nagbibigay ng pondong pangkabuhayan sa mga “nagbalik-loob.” Walang katotohanan ang bilang na ito, na sadyang pinalaki para makuha at maibulsa ng mga upisyal-militar ang pondo.