Bigo ang gera ng US sa Afghanistan

,


Nitong taon, dalawang beses nang nakipagnegosasyon ang US sa Taliban, ang pangunahing armadong grupong kalaban nito sa Afghanistan, sa isang prosesong ayaw nitong tawaging usapang pangkapayapaan. Ito ay matapos ang 18 taong pagbuhos nito ng tropa, gamit at pondo at sa kabila ng paulit-ulit na panata ng US na hindi ito makikipagnegosasyon sa mga “teroristang grupo.”

Manipis na tabing ang naturang negosasyon para sa tuluyang pag-atras ng mga tropang US sa bansa. Patunay ito sa lubos na pagkatalo ng US sa noon pa ma’y tinagurian nang “gerang hindi maipapanalo.” Kapalit ng pag-atras ng mga tropang Amerikano, ipinangako ng Taliban na hindi nito hahayaang gamitin ang Afghanistan bilang base ng internasyunal na kilusang “militante,” isang terminong ginamit para iwasan ang salitang “terorista.” Hindi pumayag ang Taliban na lumahok sa negosasyon ang lokal na gubyerno na itinuturing nitong papet ng US.

Sinalakay ng US ang Afghanistan matapos ang teroristang pambobomba ng grupong Al Qaeda sa US noong Setyembre 11, 2001. Wala ni isa sa mga pinaratangan ay Afghan at hindi ring aktibong sinusuportahan ng bansa, o kahit ng Taliban, ang Al Qaeda sa panahong iyon. Gayunpaman, idinahilan ng US ang pagbase noon ng Al Qaeda at lider nitong si Osama bin Laden, sa kabundukan ng Afghanistan para salakayin ang bansa, wasakin ang imprastruktura nito at ipataw dito ang “demokrasyang Amerikano.” Hindi bale nang mas malaking bahagi ng pagpaplano at pagsasanay ng mga nambomba sa US ay ginawa sa Germany, Pakistan at US mismo. Noong 2011, pinatay ng mga espesyal na tropa ng US si bin Laden sa Pakistan. Sa kabila ng deklarasyon nitong naggapi na ang Al Qaeda sa mga panahong iyon, nananatili ang mga tropang US sa Afghanistan.

Para bigyan-katwiran ang animo’y di matapos-tapos na gera sa Afghanistan, paulit-ulit na ipinagmayabang ng US ang kunwa’y mga pagtatagumpay ng gera at estratehiya nito sa loob ng halos dalawang dekada. Ginamit nito ang bansa para buuin ang doktrinang tinagurian nitong “komprehensibong estratehiya laban sa kontra-insurhensya” na ginawang upisyal na gabay sa pagsugpo sa mga armadong paglaban sa iba pang bahagi ng mundo, kabilang sa Pilipinas.
Nakapaloob ang doktrinang ito sa dokumentong US Government Counterinsurgency Guide na inilabas ng Department of State noong 2009. Dito, isinaad ang apat nasangkap para resolbahin ang armadong tunggalian sa tinaguriang “whole-of-society,” at “whole-of-government approach” na ginamit sa Afghanistan.

Ang karanasang Afghan

Brutal, korap at kriminal ang naging hugis ng “gera kontra-insurhensya” ng US sa Afghanistan. Ginamit nito ang buong lakas ng pwersang militar, mga pribadong kontraktor at papet na hukbo hindi lamang laban sa Taliban, kundi sa buong sibilyang populasyon. Ang Taliban ay isang network ng mga armadong grupo na gumagamit ng mga taktikang gerilya sa paglaban. Ayon sa ulat ng US, tanggap ng maraming Afghan ang Taliban bilang alternatibo sa brutal at kriminal na mga warlord na naghari sa bansa hanggang dekada 1990.

Katuwang ng mga pwersang panseguridad ang papet na gubyerno na itinatag ng US at tinauhan ng mga kriminal at korap na pulitiko. Ang gubyerynong ito ang naging katuwang din ng malalaking kumpanyang US na kumopo sa matatabang kontratang pampubliko para itayo ang batayang imprastruktura na winasak ng mga tropa at eroplanong Amerikano.

Sa proseso ng pagpapatupad ng estratehiyang kontra-insurhensya, itinambak ng noo’y rehimen ni Barack Obama ang halos 70,000 dagdag na tropa sa bansa para palakasin ang pwersa laban sa Taliban. Mula sa 30,000, lumaki tungong 100,000 ang bilang ng mga Amerikanong sundalo noong 2009-2011. Liban pa rito ang dagdag na 30,000 mga sundalo mula sa mga bansa sa Europe (pangunahin mula sa UK at Germany) na kasapi ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) at daanlibong lokal na pwersang panseguridad ng papet na estado.

Sa kabila ng pagdagsa ng dayuhang tropa, nananatiling patas ang katayuan ng dalawang panig mula 2009 pataas, ayon mismo sa datos ng US. Habang lumalaki ang bilang ng mga dayuhang tropa sa bansa, lalo ring dumarami ang mga opensiba ng Taliban at naidudulot nitong mga kaswalti ng hanay ng kanilang kalaban. Sa buong 17 taon, tinatayang nasa 2,400 sundalong Amerikano ang napatay sa Afghanistan, habang nasa 1,100 sa napatay sa mga sundalong European at 1,700 sa mga pribadong kontraktor. Noong 2014, nang sinimulan ng US ang pag-atras ng malaking bulto ng mga tropa nito, ibinaling ng Taliban ang mga atake nito sa lokal na mga pwersa. Tinatayang nasa 45,000 sundalo ng papet na gubyerno ang napatay sa loob lamang ng apat na taon.

Walang lugar o komunidad ang lubusang nakontrol ng US, kahit sa Kabul, kabisera ng bansa. Wala ring naiulat na lubos na nagaping yunit ang Taliban, kahit matapos ang sunud-sunod na mga pambobomba at malakihang mga operasyong militar. Ang pinakanaaangkin lamang ng US na teritoryo ay ang mga lupang kinatitirikan ng kanilang mga kampo, at kinalalagyan ng kanilang mga mortar at kanyon. Sa malalayong lugar, inaantabayanan ng Taliban ang pagpasok ng mga tropang Amerikano dahil nangangahulugan ito ng pagbuhos ng gamit militar at ayudang direkta nilang pinakikinabangan.

Sa halip na makontrol ang populasyon, lalong pinag-alab ng US ang galit ng mga Afghan dulot ng napakaraming kaso ng pang-aabuso ng mga tropang Amerikano. Habang paparami ang mga sundalo ng US, dumadami din ang kanilang mga krimen. Sa taya ng United Nations mula 2009, umaabot na sa 100,000 sibilyan ang napatay sa mga atake ng mga sundalo, helikopter at eroplano ng US. Taun-taong tumaas ang bilang ng mga kaswalting sibilyan. Mahigit isang milyong Afghan ang napalikas dulot ng pangwawasak sa kanilang mga komunidad at napilitang manirahan sa mga sentro ng ebakwasyon sa loob ng bansa. May dagdag pang ilang milyong refugee ang napalayas tungong Iran, Pakistan at mga bansa sa Europe.

Kasabay nito, lalong humirap ang buhay ng mga Afghan sa kabila ng pagbuhos ng US ng $130 bilyong pondo para sa “rekonstruksyon.” Bilyun-bilyong dolyar ang garapalang ibinulsa ng mga korap na upisyal ng gubyernong Afghan, gayundin ng mga upisyal militar nito. Sa kasagsagan ng gera, napatunayang 80% sa ipinagyabang ng US na naitayong mga eskwelahan at health center ay hindi totoo. Nabunyag din na ang ipinagmalaki nitong milyun-milyon nang kabataang babaeng Afghan na nakapag-aaral dulot ng mga repormang itinulak nito sa papet na gubyerno ay gawa-gawa lamang na mga numero.

Hindi naging kapani-paniwala sa mga Afghan ang mga prosesong ipinataw ng US para maging demokratiko diumano ang bansa. Batbat ng dayaan at anomalya ang dalawang eleksyong isinagawa nito para ihalal ang mga lider ng papet na estado. Sa pamamagitan ng mga eleksyong ito, nakapwesto sa gubyerno ang mga pamilyang kilala bilang pinakamalalaking drug lord sa bansa. Naging instrumento pa ang ang mga tropang Amerikano sa paglikida ng mga kalabang sindikato ng mga inupo nito sa pwesto. Sa buong okupasyon ng US, taun-taon ang paglaki ng ani ng poppy, ang halamang ginagamit sa produksyon ng iligal na drogang heroin, at tumaas ang kita mula sa iligal na pagbebenta nito.

WALANG NAKINABANG sa gera sa Afghanistan kundi ang dambuhalang kumpanyang militar-industriyal ng US na tumabo mula sa benta ng milyun-milyong bomba, bala at gamit-militar na ibinuhos sa gera. Kasabay nilang yumaman ang mga pribadong kontraktor at mga bayarang sundalong ginamit bilang mga tagapagtanggol ng matataas na upisyal na Amerikano at kanilang mga kasabwat sa papet na gubyerno na warlord at lider ng mga sindikato sa droga.
Sa pagtatapos ng gera at okupasyon ng US sa Afghanistan, nahaharap ang mamamayan dito sa matitinding hamon at paglaban. Wasak ang batayang imprastruktura at kapaligiran dulot ng deka-dekada nang gera. Atrasado ang lokal na produksyon at halos walang kabuhayan ang mamamayan.

Bigo ang gera ng US sa Afghanistan