Mga sibilyang Moro, biktima ng militarisasyon

,

HINDI BABABA SA 3,295 pamilyang Moro o halos 16,000 sibilyan ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga komunidad sa limang bayan sa Maguindanao dulot ng matinding atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force Central mula noong Marso 11.

Ang mga pamilya ay naglalagi ngayon sa mga sentro ng ebakwasyon sa mga bayan ng Shariff Saidona Mustapha, Shariff Aguak at Datu Salibo.

Hindi pa kasama sa bilang ng mga bakwit ang mga nagsilikas sa mga barangay ng Datu Saudi Ampatuan at Datu Piang. Iniulat din ng mga organisasyon sa kawanggawa na marami pang pamilya ang naipit sa mga komunidad sa nabanggit na dalawang bayan dahil isinara ng AFP ang mga kalsada.

Dati nang nabiktima ang mga residente ng Maguindanao noong Setyembre 2018, nang binomba at kinanyon ng Joint Task Force Central ang parehong mga bayan na nagresulta sa apat na kaswalting sibilyan at libu-libong pamilyang napilitang lumikas.

Simula nang umatake ang AFP, tuluy-tuloy ang paghulog ng bomba ng mga fighter jet at helikopter ng Philippine Air Force. Kasabay din ng mga ito ang panganganyon ng mga howitzer at paglusob ng mga sundalo sa mga barangay. Idinahilan ng AFP na target umano nila ang mga kampo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na pumatay sa tatlong sundalo noong Pebrero 28-Marso 3.

Ayon naman sa BIFF, dumidepensa lamang sila laban sa mga atake ng AFP. Kasalukuyan pa umano silang nagmamatyag sa kahihinatnan ng bagong-tatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Bahagi ng pakete ng pagtatag ng BARMM ang ganap na pag-disarma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) pagsapit ng 2021-2022. Inaasahang 12,000 mandirigma ng MILF ang magsasalong ng kanilang armas ngayong taon, at karagdagang 35% sa 2020.

Mga sibilyang Moro, biktima ng militarisasyon