Red-tagging ng rehimen, dinala sa Europe
PALATANDAAN NG UMIIGTING na panunupil ng rehimeng US-Duterte ang pagdayo ng mga kinatawan nito sa Europe upang ipaharang sa European Union (EU) at United Nations (UN) ang pagpondo sa mga ligal na institusyon na arbitraryong binabansagang mga “prenteng organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).”
Noong ikalawang linggo ng Pebrero, umikot sa mga bansa sa Europe ang mga upisyal ng Presidential Communications Operations Office, National Intelligence Coordinating Agency at ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Humingi ang mga ito ng pakikipagpulong sa mga upisyal ng EU at mga organisasyong nagbibigay ng ayuda, at ikinampanyang bawiin o tanggihan ang pagbibigay ng pondo sa mga organisasyong binansagan nitong mga “prente ng Partido Komunista ng Pilipinas” at nagtataguyod ng mga eskwelahang Lumad sa Mindanao. Kabilang sa mga ito ang Karapatan, Rural Missionaries of the Philippines (RMP) at IBON Foundation. Ayon sa taya ng rehimen, nakatatanggap ang naturang mga organisasyon nang mahigit P70 milyon taun-taon mula sa mga ahensya ng EU. Pinababantayan din ng rehimen maging ang mga organisasyon sa Belgium na mapagkaisa sa progresibong kilusang masa sa Pilipinas.
Mariing kinundena ng RMP ang malisyosong pag-uugnay ng kanilang mga aktibidad sa Bagong Hukbong Bayan at ang paratang na inililihis nila ang natatanggap na pondo para bumili ng mga armas at magsanay ng mga kabataang Lumad para sa BHB. Ayon kay Sr. Elenita Belardo, RGS, tumatayong National Coordinator ng RMP, ang pagbansag sa kanila bilang mga “prente ng PKP” ay nagsasapanganib sa mga misyunero, pari, madre at iba pang relihiyoso na maging target ng pagtugis.
Dagdag pa ni Sr. Belardo, ang kanilang mga programa ay “nakatuon sa literasiya at numerasiya ng mga batang Lumad, mga programang pangkabuhayan, relief at rehabilitasyon, pagsasanay at edukasyon para sa mga komunidad sa kanayunan upang malubos ang kanilang buhay.”
Nagsampa naman ng kaso ang IBON sa National Security Agency at inireklamo ang ginawang pagbansag sa institusyon sa pananaliksik. Hinamon nito ang ahensya na patunayan ang kanilang paratang.