Mapangahas na paigtingin ang pakikidigmang gerilya at todong labanan ang pasistang rehimeng US-Duterte! Isulong ang digmang bayan sa higit na mataas na antas!
Mensahe ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas sa okasyon ng ika-50 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan
Sumasaludo at ipinaaabot ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, kaisa ang sambayanang Pilipino at lahat ng kanilang rebolusyonaryong pwersa, ang pinakamilitanteng pagbati sa magigiting na Pulang kumander at mandirigma sa okasyon ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Ipagdiwang natin ang mga tagumpay na naipon sa limang dekada ng pagsusulong ng digmang bayan, pati ang mga nakamit sa nagdaang taon ng armadong paglaban sa malulupit na atake ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Parangalan natin ang lahat ng bayani at martir ng digmang bayan na nagbuwis ng buhay para sa rebolusyon. Kilalanin din natin ang kontribusyon ng lahat ng beterano na nagsilbi sa BHB at patuloy ngayong nagsisilbi sa rebolusyon sa ibang paraan. Hindi makakamit ang mga tagumpay sa nagdaang 50 taon kung wala ang kanilang mga sakripisyo. Habampanahong nakaukit ang kanilang pangalan sa dakilang kasaysayan ng pakikibakang Pilipino. Ang buhay nila’y inspirasyon para isabalikat natin ang mabibigat pang tungkulin.
Mahigpit din nating saluduhan ang libu-libong Pulang kumander at Pulang mandirigma ng BHB, ang mga datihan na’t bagong rekrut. Lipos sila ng hangaring ipagtanggol ang masa at isulong ang mithiin ng bayan. Buung-buo ang loob nilang isulong ang armadong pakikibaka. Huwaran sila ng tapang at walang pag-iimbot.
Idinidiin ng papalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema ang pangangailangang isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon. Higit pa itong pinatitingkad ng pag-abuso ng rehimeng Duterte sa kapangyarihan, korapsyon, kabi-kabilang paglabag sa karapatang-tao, maramihang pagpatay, krimen sa digmaan, pagpapakatuta sa imperyalismong US, sobra-sobrang dayong pangungutang, pabigat na mga buwis at pagbenta ng yaman at patrimonya ng bansa.
Si Duterte ang mukha ng kabulukan ng buong naghaharing sistema. Labis na pagdurusang sosyo-ekonomiko ang hatid ng kanyang mga patakarang kontra-mamamayan, kontra-nasyunal at kontra-demokratiko. Sinimulan niya ang malulupit na gerang batbat ng abuso at pasistang karahasan. Sa kasakiman sa dagdag na kapangyarihan, desidido siyang itatag ang isang pasistang diktadura upang palawigin ang paghaharing dinastiko at ipagtanggol ang buong naghaharing sistema sa pamamagitan ng lantad na karahasan.
Nagdurusa ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa lumalalang kundisyon ng krisis at wala ibang masusulingan kundi ang isulong ang rebolusyonaryong paglaban ng masa at armadong pakikibaka upang wakasan ang kanilang napakalubhang kalagayan. Lumilikha ang krisis ng naghaharing sistema ng sitwasyong higit na paborable para sa mabilis na paglago ng mga rebolusyonaryong pwersa. Dahil sa tiraniya at paghahari ng teror ni Duterte, parami nang parami ang natutulak na sumuporta at sumapi sa BHB.
Patuloy na bumubwelo ang BHB sa buong bansa para paigpawin ang digmang bayan sa darating na mga taon. Naglulunsad ito ng mga taktikal na opensiba, sinasamsam ang sandata ng kaaway, at nagrerekrut at nagsasanay ng bagong mga Pulang mandirigma. Pinangingibabawan ng BHB ang todong-opensiba ng reaksyunaryong armadong pwersa sa ilalim ng deklaradong layunin ni Duterte na wakasan ang armadong paglaban. Sa ilalim ng pamumuno ng Partido, determinado ang BHB na kamtin ang mas malalaking tagumpay sa mga darating na taon.
Dahil sa lalong matarik na pagsadsad ng ekonomya, nanganganib na mayanig ang buong naghaharing sistema sa Pilipinas, kasabay ng patuloy na pagkasadlak ng pandaigdigang sistemang kapitalista sa matagalang depresyon na ngayo’y pabulusok sa wala pang sinlalim na krisis sa pinansya. Iniaanak ng monopolyong kapitalismo ang pinakamalalalang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala sa masang anakpawis sa buong mundo. Lalong tumitindi ang matinding ribalan ng mga imperyalista para sa pagkontrol ng larangan ng kalakalan at pamumuhunan.
Sa pagkakamit ng mas maraming tagumpay, nakatutulong ang BHB na bigyang-inspirasyon ang mga api at pinagsasamantalahan sa buong mundo na mag-armas at magsulong ng rebolusyonaryong paglaban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.
Nagpapatuloy na pandaigdigang kapitalistang krisis at lumalalim na mga kontradiksyon
Ang kasalukuyang sitwasyon sa daigdig ay kinatatangian ng di resolbadong kapitalistang depresyon na humahantong sa papalalang pang-aapi at pagsasamantala; gayundin ng tumitinding inter-imperyalistang kontradiksyon sa pagitan ng malalaking kapangyarihan, kung saan nagpupumilit na solong maghari ang imperyalismong US na nagbubunsod ng tensyon at antagonismo sa loob ng umiiral na kaayusang multipolar.
Bilyun-bilyong manggagawa at magsasaka sa buong mundo ang nagdurusa sa kalagayang di mabata. Lumalaban sila at handang-handa na tumugon sa panawagan para sa rebolusyoaryong pakikibaka sa ilalim ng bandila ng tunay na mga partido komunista.
Sa gitna ng nagpapatuloy na istagnasyon, nangangamba maging ang mga imperyalistang ahensya sa nagbabadyang bagyo sa ekonomya. Nagbabala silang masadlak ang internasyunal na sistemang pampinansya dahil sa laki ng pandaigdigang utang. Bunsod ng labis na produksyong kapitalista, tumitindi ang kontradiksyon sa pagitan ng malalaking imperyalistang kapangyarihan sa usapin ng mga kaayusan sa kalakalan at ekonomya.
Saklot ng istagnasyon ang ekonomya ng US at Europe. Patuloy na dumadausdos ang US mula sa pagiging pinakamalaking ekonomya sa mundo, sa harap ng bumabagsak na tubo ng nangungunang mga korporasyong Amerikano. Ipinakikita ng mga sarbey na tumumal nang 1.2% ang pamumuhunan noong isang taon. Pasan ng US ang $22 trilyong utang.
Iniulat kamakailan ng Germany ang pagliit ng produksyong industriyal, matapos dumanas ng papaliit na demand ang mga gumagawa ng kotse at magplanong magbawas ng mga manggagawa. Nasa resesyon ang Italy. Nagkauntol-untol ang produksyon sa Britain sa harap ng kawalang katiyakan ng mga kaayusan sa kalakalan at ekonomya para sa tuluy-tuloy na pagkukunan ng kagamitan at hilaw na materyales oras na pormal itong kumalas sa European Union.
Nangangatog ang tuhod ng buong kapitalistang mundo sa hinaharap na pagbagal ng ekonomya ng China, na upisyal na nagrehistro ng 6.6% paglago noong nagdaang taon, pinakamabagal sa nagdaang 30 taon. Sa kabila ng pagkaltas sa buwis at iba pang pampasikad na hakbanging pampinansya, kumitid ang manupaktura sa China noong 2018 sa harap ng patuloy na lumalaking imbentaryo ng di nabebentang kalakal, kagaya ng pagliit ng bentahan ng kotse noong nagdaang taon, na unang beses sa dalawang dekada. Nadidiin din ito sa harap ng tumitinding tunggalian sa kalakalan sa US kung saan napupunta ang 20% ng eksport nito. Bumulusok nang 27% ang pamilihan ng sapi sa China noong katapusan ng 2018. Lumiliit din ang demand ng China para sa import, na mabigat ang epekto sa mga bansang tali sa malamanupaktura ng mga kalakal na pang-eksport.
Sa desperasyong pangibabawan ang istagnasyon sa ekonomya, niyuyugyog ng US ang umiiral na mga kasunduan sa kalakalan at pamumuhunan. Nagpataw ito ng taripa sa mga kalakal mula China upang itulak siyang mag-import ng dagdag na soybean at iba pang kalakal mula US para mabawasan ang sarplas sa kalakalan ng China na umabot sa bagong rurok na $323.3 bilyon noong nakaraang taon, at para itulak ang China na lalong paluwagin ang mga batas sa pamumuhunan at alisin ang rekisitong isalin ang teknolohiya at mga subsidyo ng estado. Wala pang nabubuong kasunduang pangkalakalan ang tatlong-buwang negosasyon ng China at US mula Disyembre.
Idineklara rin kamakailan ng gubyernong US na isang “banta sa pambansang seguridad” ang pag-aangkat ng mga sasakyan matapos ianunsyo ang planong magpataw ng 25% buwis sa mga kotse mula Europe, laluna mula Germany, sa hangad na bigyang-proteksyon ang mga nagmamanupaktura ng kotse sa US. Mga tunggalian din sa kalakalan at pamumuhunan ang nasa puso ng pagkabig ng United Kingdom na makabuo ng kasunduang Brexit.
Noong Enero, idineklara ni Trump ang “national emergency” at inangkin ang kapangyarihang gamitin ang $5.6 bilyon para sa pagtatayo ng pader sa hangganang US-Mexico para diumano pigilan ang iligal na pagpasok sa US ng mga imigrante, isang hakbanging tinutulan ng kongreso ng US. Bilang reaksyon sa paglakas ng pasismo at patakarang ultra-kanan ng gubyernong Trump, mas nag-iingay ang mga liberal at may mga Democrat sa kongreso ng US na nagbabantang simulan ang impeachment ni Trump.
Dahil sa istagnasyon ng ekonomya ng US, natutulak itong mas igiit ang ultranasyunalismo at kapangyarihang hegemoniko, na nagpapainit ng kontradiksyon sa mga karibal na kapangyarihan. Nagbubunsod ito ng mga patakarang pasista at ultrareaksyunaryo. Ang mga hakbanging unilateral ng US ay itinuturing ng iba na bira sa multilateralismo. Ang hayagang suporta nito sa bigong pag-agaw ng kapangyarihan sa Venezuela noong Enero ay tinutulan ng Russia at China na patuloy na sumusuporta sa gubyernong Maduro. Bigo rin ang US na lubos na ipataw ang mga pang-ekonomyang sangksyon o mapamarusang hakbanging pang-ekonomya sa Iran. Pinupuna ng mga karibal ng US ang hakbang nitong nakasisira sa European Union, gayundin ang pagtulak nitong italaga ang isang maka-taripang Amerikanong upisyal para mamuno sa World Bank.
Noong Pebrero, kumalas ang US sa Intermediate Range Nuclear-Force (INF) Treaty, kasunduang binuo kasama ang Russia noong 1987 para limitahan ang kakayahan ng mga armas nukleyar. Nakatakdang mawalan ng bisa ang tratado sa anim na buwan (Hulyo). Matagal nang balak ng US na talikuran ang tratado upang mapabilis nito ang paggawa ng bagong mga armas nukleyar sa pakikipag-unahan sa mga karibal nito na magpalakas ng mga armas sa hangaring panatilihin ang kanyang pandaigdigang paghaharing militar.
Naghahabol ang ibang mga imperyalistang kapangyarihan na itaas ang kani-kanilang lakas militar. Inanunsyo ng China ang planong dagdagan ang gastos upang ibayong palakasin ang kanyang militar kabilang ang paggawa ng mga aircraft carrier na de-nukleyar upang higitan ang lakas ng US sa Pacific. Nag-anunsyo rin ang Japan na sa susunod na limang taon ay lalagpasan nito ang dating gastos sa binibili nitong mga kagamitang militar sa US. Itinatag naman ng mga upisyal pandepensa ng Europe ang Europe Defense Fund, ang Permanent Structured Cooperation at ang European Intervention Initiative sa layong bawasan ang pagsalalay sa US. Magkasamang inendorso ng France at Germany ang konsepto ng pagbubuo ng isang “European Army.”
Dahil sa ribalan ng malalaking kapangyarihan, lumalakas ang banta ng gera at malawakang pagpuksang nukleyar at inuupat ang ultranasyunalismo, pasismo at rasismo. Subalit maaaring samantalahin ng mahihina at maliliit na bansa ang inter-imperyalistang kontradiksyon upang ipagtanggol ang kani-kanilang soberanya at interes. Sa kabila ng pagdidiin ng US sa negosasyon, patuloy na naggigiit ang North Korea ng karapatan nitong magpaunlad ng mga sandatang nukleyar kahit pa nagdeklara ito ng kahandaang itigil ang programang nukleyar kung ititigil ng US ang mga sangksyon nito. Nananatiling balwarte ang Cuba ng paglaban sa imperyalismong US. Sa tulong ng Russia at China, natatagalan ng Venezuela ang mga sangksyon ng US. Patuloy na nakikipagkalakalan ang Iran sa Germany, France, China, Russia at iba pa sa kabila ng sangksyon ng US.
Sa buong mundo, lumalaban ang mamamayan sa iba’t ibang larangan laban sa lumalalang mga hakbanging panlipunan at pang-ekonomya sa ilalim ng kaayusang neoliberal, gayundin laban sa imperyalistang panghihimasok at agresyong militar. Sa Venezuela, milyun-milyon ang nagrarali para suportahan ang gubyernong Maduro laban sa panghihimasok ng US. Matapang na hinaharap ng puo-puong libong mamamayan sa France ang papalupit na panunupil ng pulis at naglulunsad ng linggo-linggong demonstrasyon mula Oktubre laban sa bagong mga buwis at pagkaltas ng gastos panlipunan at para ipanawagan ang pagpapatalsik ng gubyerno. Kumakalat sa Europe ang katulad na mga protesta. Ang kalagayan ay napakapaborable para magbigay ang mga pwersang komunista ng proletaryong makauring pamumuno sa malawak na masang anakpawis.
Nagpapatuloy ang mga armadong pakikibaka. Patuloy ang mamamayang Kurdish sa paggigiit ng karapatan sa pagpapasya-sa-sarili sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Ang digmang bayan sa India at Pilipinas ay nagpupunyagi at patuloy na nag-iipon ng tagumpay.
Pinatitindi ni Duterte ang pasistang pananalasa sa gitna ng lumulubhang kalagayang sosyo-ekonomiko
Patuloy na nagdurusa ang sambayanang Pilipino sa lumalalang mga kundisyong sosyo-ekonomiko na kinatatampukan ng nagtataasang presyo ng bilihin, napakababang kita, laganap na kawalang hanapbuhay, pagkataboy sa kabuhayan sa kanayunan at kakulangan ng saligang serbisyong panlipunan. Nananalasa ang rehimeng US-Duterte sa gerang panunupil nito at iskema ng pagtatayo ng pasistang diktadura.
Kinukumpirma ng pinakahuling mga palatandaan na nananatiling nasa masidhing krisis ang ekonomya ng Pilipinas na nakasalalay sa importasyon at nakatuon sa pag-eeksport. Pinakamataas na ang P41.44 bilyon na depisito sa kalakalan noong nakaraang taon, mas mataas nang 51% kumpara sa nagdaang taon, bunga ng pandaigdigang istagnasyon at mahinang demand para sa malamanupakturang eksport ng Pilipinas. Umabot sa P558.3 bilyon ang depisito ng gubyerno noong nakaraang taon. Upang punuan ang kakulangan sa pondo, nangutang ang gubyernong Duterte nitong Enero ng $1.5 bilyon mula sa dayuhang mga nagpapautang.
Bumagsak nang mahigit 3% sa unang 11 buwan ng 2018 ang direktang dayuhang pamumuhunan, kasabay ang 41% pagbagsak ng bagong inaprubahang negosyo sa mga economic zone noong 2018. Pinatingkad ito ng pagkabangkarote ng Hanjin, kumpanyang gumagawa ng mga barko, na nag-eempleyo ng may 30,000 manggagawa.
Walang kapantay ang kawalang trabaho sa ilalim ni Duterte. Ipinakikita ng mga ulat noong Enero na lumiit nang 387,000 ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho kumpara sa nagdaang taon. Upang pagtakpan ang kalubhaan ng krisis sa trabaho, hindi na lamang binibilang ng mga tauhan sa estadistika ni Duterte ang milyun-milyong walang trabaho na nagreresulta sa pagpapababa ng tantos ng partisipasyon sa lakas paggawa (labor force participation rate) tungong 60.9%, pinakamababa sa loob ng 30 taon, at gayo’y mapanlinlang na ibaba ang tantos ng disempleyo tungong 5.2%.
Ang tunay na tantos ng disempleyo, kung isasama yaong mga tinanggal sa listahan ng lakas paggawa, ay tinatayang nasa 9.8% at maaari pang tumaas kung bibilangin yaong mga kulang ang trabaho, na sa aktwal ay walang trabaho. Ipinakikita ng isang bagong pag-aaral na bumagsak sa 81,000 ang abereyds na bilang ng bagong mga trabaho na taunang nalilikha sa ilalim ni Duterte, wala pang sampung porsyento kumpara sa taunang abereyds na 825,000 noong nakaraang dekada. Bigo pa rin ang pangako ni Duterte na lilikha ng trabaho ang programang pang- imprastruktura.
Resulta pangunahin ng huling mga ipinataw na buwis, lumaki nang 5.2% ang tantos ng implasyon noong 2018, mula 2.9% ng nagdaang taon at 1.3% noong 2016. Hindi kunswelo ang mga ulat na ang tantos ng implasyon ay bumaba na sa 4.4% at 3.8% noong Enero at Pebrero dahil patuloy na tumataas ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin samantalang nananatiling labis na mababa ang sahod. Tumaas nang hindi bababa sa pitong beses ang mga presyo ng produktong langis sa nagdaang mga linggo. Sa pagtatapos ng 2018, ang arawang gastos sa pamumuhay sa National Capital Region (NCR) ay P1,196 para sa anim-kataong pamilya at P966 para sa lima-kataong pamilya. Hindi makabuluhan ang itinaas na arawang sahod ng mga manggagawa sa NCR na P25 tungong P537 na halos kalahati lamang ng arawang gastos sa pamumuhay.
Nagkabisa noong Marso 5 ang liberalisasyon sa pag-angkat ng bigas, na mapanlinlang na inilarawang “taripikasyon” ng rehimeng Duterte. Ang inaasahang pagbaha ng inangkat na bigas ay magdudulot ng matinding pinsala sa milyun-milyong lokal na magsasaka ng palay, karamiha’y mga tenante at manggagawang bukid, na mawawalan ng kita sa harap ng mas mababang presyo ng lokal na palay sa gitna ng lumalaking gastusin sa produksyon at mataas na upa sa lupa. Tinutulak ng mga upisyal ni Duterte na abandunahin na ng mga magsasaka ang produksyon ng bigas, sa pag-asang malilibre ang malalawak na sakahan para sa pagpapalit-gamit.
Kaliwa’t kanan ang natataboy sa kanayunan dulot ng mga proyektong pang-imprastruktura, panturismo at pang-enerhiya, gayundin ng pagpapalawak ng operasyong pagmimina at plantasyon. Umabot sa 1.7 milyon sa agrikultura ang nawalan ng kabuhayan noong nakaraang taon. Upang amuin ang mga magsasaka, nagsasagawa ng palabas na pekeng reporma sa lupa at ipinagyayabang na “distribusyon ng lupa” ang pamamahagi ng mga sertipikong huhulugan ng mga magsasaka.
Sumirit ang kaso ng pang-aabuso sa karapatang-tao sa pananalasa ng mga pwersang militar at pulis ni Duterte sa pinaigting na gerang panunupil at pasistang lagim. Kapansin-pansin ang pagdami ng mga atake ng militar at pulis laban sa mga sibilyan at ligal na mga organisasyon sa Negros, Samar at Bicol, na ipinailalim sa state of emergency at de facto na batas militar simula Nobyembre ng nakaraang taon. Hindi rin humuhupa ang mga abusong militar sa Mindanao at sa ibang panig ng bansa.
Laganap ang pagpatay sa mga lider masa at aktibistang magsasaka. Patuloy ang militar sa arbitraryong pag-aakusa at pagbabansag sa mga sibilyang residente at buu-buong mga komunidad bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB at pagpaparada sa kanila na mga “sumurender.” Walang-abog ang paglabag sa karapatan ng mga bata kasama ang mga ulat ng arbitraryong pagbibimbin sa mga menor de edad. Patuloy na nagdudulot ng malawakang takot sa lokal na populasyon ang mga operasyong militar na suportado ng pambobomba at panganganyon. Buu-buong mga komunidad sa Surigao del Sur, Samar, Bukidnon, Negros Oriental at iba pa ang sapilitang napalikas dahil sa pag-okupa ng pasistang mga sundalo sa kanilang mga barangay.
Naging pinakamalupit ang mga operasyong militar at pulis sa Negros sa ilalim ng tinaguriang “synchronized enhanced managing of police operations” (SEMPO o Oplan Sauron) kung saan nagsasagawa sila ng magkakasabay na reyd sa madaling araw at bago ang madaling-araw, at mga panghahalihaw sa puu-puong baryo sa ilang bayan. Tulad sa kampanya ng maramihang pagpatay na “Oplan Tokhang,” isinasagawa ang mga ito sa tabing ng paghahatid ng mga mandamyento de aresto sa karaniwang mga krimen at rebelyon ngunit hahantong sa planadong pagpatay sa mga lider magsasaka, maramihang arbitraryong pagpaslang at pag-aresto. Dinudumog at naghahasik ng teror sa buu-buong mga komunidad ang kawan-kawan ng mga armadong sundalo.
Nasa tuktok ngayon si Duterte ng isang, kung-tutuusi’y, huntang sibil-militar sa anyo ng National Task Force “para tapusin ang lokal na komunistang armadong sigalot.” Gamit ang “whole-of-nation approach” (mula sa dating patakarang “whole-of-government”) sa ilalim ng National Internal Security Plan, ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno at mga lokal na upisyal ng gubyerno ay ginagawang buntot ng AFP sa kontra-insurhensya.
Kabi-kabila ang pagbabansag na komunista at terorista ng militar at pulis upang targetin ang mga pampulitika at panlipunang aktibista. Tinarget ng rehimen ang mga progresibong grupong party-list at mga organisasyon ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang lungsod, pambansang minorya, guro, mamamahayag, abugado, relihiyoso, kabataan at iba pang sektor. Tinitiktikan, ginigipit, sinisiraan at pinapaslang ang kanilang mga myembro. Nagpapakalat ang mga ahente ng estado ng mga polyeto at poster na naglilista sa kanila bilang mga “komunista.” Sa loob ng ilang linggo pagbungad nitong taon, tuluy-tuloy ang mga cyber attack sa mga alternatibong midya sa tangkang patahimikin sila sa pamamagitan ng pagharang sa kanilang mga website. Katulad na mga atake ang isinagawa laban sa website ng Partido.
Sadlak sa malalim na labanang paksyunal ang mga naghaharing uring oligarko at burukrata-kapitalista. Nagbabalyahan ang nagriribalang mga pangkating pampulitika at pang-ekonomya para sa mga prangkisa, at kikbak at porsyento sa mga pinatungang mga proyektong pang-imprastruktura at kontratang gubyerno. Ipinakikita ng sigalot sa laki ng pork barrel na humantong sa di-pagpirma sa badyet ng 2019 ang maigting na girian sa pagitan ni Duterte at ibang paksyon, kabilang ang kay Arroyo na kaalyado niya sa eleksyon at pulitika.
Ang ribalang ito sa naghaharing uri ay dumudugtong sa diskuntento ng bayan sa lumalalang kundisyong sosyo-ekonomiko at nagbubunsod ng malalim na krisis sa naghaharing sistemang pampulitika. Pinalalala pa ito ng paghahangad ni Duterte na monopolyohin ang poder at palawigin ang burukrata-kapitalistang paghahari ng kanyang pamilya na nagpapaigting ng mga antagonismo.
Lahat ng palatandaa’y nagpapakita na nais ni Duterte na maging isang pasistang diktador sa pamamagitan ng pagsagasa sa kongreso ng pagbabago sa konstitusyon para itayo ang isang “pederal” na sistema ng gubyerno kung saan isesentralisa sa kanya ang kapangyarihan at siya ang magtatalaga ng mga kaalyadong warlord at dinastiya bilang mga panrehiyon at lokal na lider; o sa pamamagitan ng tahasang deklarasyon ng batas militar at pag-angkin ng mga kapangyarihang awtokratiko.
Ginagamit niya ang de facto na batas militar sa buong bansa, gayundin ang pekeng gera sa droga, para manipulahin ang darating na eleksyon sa Mayo, o tuluyan itong ibasura. Niluluto na ni Duterte ang eleksyon. Ginagamit niya ang bantang isama sa kanyang gawa-gawang “narcolist” laban sa mga karibal, at ang Red-tagging, pagbabanta at pananakot laban sa mga progresibo, makabayan at demokratikong organisasyong party-list upang hadlangang makakuha sila ng dagdag na pwesto sa kongreso.
Sumusulong ang armadong pakikibaka sa buong bansa habang nilalabanan ng mamamayan ang pasistang rehimen ni Duterte
Patuloy na sumusulong sa buong bansa ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka na isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan. Noong 2018, pinangibabawan ng BHB ang todong opensiba at mga nakapokus na operasyong militar ng kaaway. Naharap sa panimulang mga kahirapan ang mga yunit ng BHB sa mga taktikang kubkob ng kaaway hanggang unang hati ng 2018, laluna sa Mindanao, ngunit agad nilang napanghawakan ang opensibang postura pagsapit ng ikalawang hati.
Mula 2015, idineklara ng AFP ang kagyat na layuning durugin ang BHB sa Eastern Mindanao. Sa simula ng 2018, hanggang 75% ng mga tropang pangkombat ng AFP ang ipinakat nito sa isla upang supilin ang BHB at armadong paglabang Moro at maglunsad ng magkakasunod na nakapokus na operasyong militar na nagpapakilos ng mga batalyong suportado ng mga kanyon at helikopter. Nagbigay ito ng pagkakataon sa mga rebolusyonaryong pwersa sa Luzon at Visayas para magpalawak at mabilis na isulong ang kanilang gawain. Sa harap ng matatag na pagsulong ng BHB sa mga rehiyon sa Luzon at Visayas, napwersa ang AFP na ibaba sa 65% ang tropang nakapakat sa Mindanao sa katapusan ng 2018, at hanggang 60% kamakailan.
Sa harap ng todong opensiba ng kaaway, magiting na nakapagdepensa ang mga yunit ng BHB sa Mindanao. May mga yunit at larangang gerilya ng BHB na napinsala resulta ng pagkakalantad sa mga operasyong paniktik ng kaaway sa panahon ng 5-buwang magkasabay na mga unilateral na tigil-putukan mula Agosto 2016 hanggang Enero 2017, kabiguang maagap na pumihit sa harap ng pinaigting na mga opensiba kaagad matapos tapusin ang tigil-putukan, gayundin ng mga panloob na problema ng pagpapakitid at labis na pagkakalat ng maliliit na yunit na naglagay sa kanila sa panganib ng pagkubkob ng kaaway. Gayunman, sa kalahatan ay napangibabawan ng BHB ang pagkubkob ng kaaway at mga kampanya ng gradual constriction sa pamamagitan ng pagsamantala sa malalawak na puwang sa pagitan ng mga yunit ng kaaway at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang magkontra-kubkob sa mga nahihiwalay na yunit ng kaaway, gayundin upang birahin ang mga ito mula sa kanilang likuran at tagiliran. Taglay ang malalim at malawak na suporta ng masa at pagkadalubhasa sa pakikidigmang gerilya, karamihan ng mga yunit ng BHB sa Mindanao ay patuloy na matatag na sumusulong at nagpapalawak.
Ang Marine Battalion Landing Team 2 ang nagtamo ng pinakamalaking pagkatalo sa isang labanan nang 21 sa mga dumadaluhong na tropa nito ang namatay sa ambus ng BHB sa Sultan Kudarat noong Setyembre. Sa parehong prubinsya, hindi bababa sa 35 sundalo ng 3rd Marine Company Reconnaissance Group ang namatay nang tamaan ng sariling mga bomba ng AFP ang kanilang pusisyon matapos magapi sa ambus ng BHB noong Oktubre.
Sa harap ng tuluy-tuloy na paglakas ng BHB sa buong bansa, nabawasan ang dating pagmamayabang ng mga upisyal panseguridad na gagapiin ang BHB sa gitna ng 2019. Sa halip, inusog nila ang kanilang “dedlayn” sa katapusan ng 2022.
Habang naglulunsad ng armadong pakikibaka, patuloy ang BHB at ang masang magsasaka sa pagtatatag at pagpapalakas ng mga organisasyong masa ng mga magsasaka, kabataan, kababaihan, mga bata at aktibistang pangkultura. Itinatayo ng mga organisasyong ito ang mga komite sa pananggol-sa-sarili upang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan at pagdepensa sa komunidad. Binubuo at sinasanay ang mga yunit ng milisyang bayan. Lahat ito’y salalayan sa pagbubuo ng mga komiteng rebolusyonaryo sa barangay at mas matataas pang antas, at tumatayong mga organo ng kapangyarihang pampulitika at batayang mga yunit ng demokratikong gubyernong bayan.
Suportado ng BHB, patuloy na naglulunsad ang mga organisasyong magsasaka ng mga pakikibaka sa reporma sa lupa ayon sa Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa ng Partido. Sa ilalim ng minimum na programa, libu-libong maralitang magsasaka at manggagawang bukid sa mga larangang gerilya ang nanindigan nitong nagdaang taon para igiit ang pagpapababa ng upa sa lupa, mataas na sahod at makatarungang presyo sa kanilang mga produkto. Nagsasagawa rin sila ng batayang mga porma ng kooperasyon at naglulunsad ng mga kampanya sa produksyon upang itaas ang kita. Isinasagawa ang maksimum na programa ng pagkumpiska at distribusyon ng lupa sa mga baseng purok kung saan maipagtatanggol ng BHB at ng gubyernong bayan ang mga tagumpay.
Sa ilalim ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, isinasagawa ang mga programa para sa literasiya at numerasiya para sa mga bata at matatanda, klinikang pangmasa at kampanyang pangkalusugan at iba pang kampanyang masa para itaguyod ang kagalingan ng mamamayan. Dahil nakapagpreserba ng lakas at nakapagpunyagi laban sa isa sa pinakamalalaking pambansang opensibang kampanya ng AFP nitong nagdaang mga taon, nasa katayuan ngayon ang BHB na isulong ang digmang bayan sa mas matataas pang antas sa darating na mga taon.
Sa harap ng lumalalang kundisyong sosyo-ekonomiko at pasistang pagdaluhong ng rehimeng US-Duterte, napakalinaw sa mamamayang Pilipino na matwid at kailangan isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Kaalinsabay nito, matatag na isinusulong ng mga manggagawa at magsasaka at ng masaklaw na mga demokratikong sektor ang mga ligal na pakikibaka para ipagtanggol at igiit ang kanilang demokratikong mga karapatan. Di matinag ang determinasyon ng mga ligal na pwersang progresibo at pambansa-demokratiko na lumaban sa harap ng batas militar sa Mindanao at de facto na batas militar sa buong bansa kung saan hinaharap nila ang mga banta ng pag-aresto, pagkukulong, tortyur at pagpatay ng mga pwersa ng estado.
Patuloy na lumalapad ang nagkakaisang prente laban sa tiraniya ni Duterte, at binubuklod ang malawak na hanay ng mga pwersa. Inilalantad at nilalabanan nila ang plano ni Duterte para baguhin ang konstitusyon bilang bahagi ng kanyang iskemang itayo ang hayag na pasistang diktadura. Nagbabantay sila laban sa plano ni Duterte na manipulahin ang eleksyon gamit ang pwersa o pagdaya sa elektronikong sistema ng pagbibilang at pagtatala ng boto.
Humihingi sila ng katarungan para sa lahat ng biktima ng kabi-kabilang abuso sa karapatang-tao. Naghahanap sila ng aksyong ligal kahit sa mga reaksyunaryong korte, sa kongreso at iba pang porum. Higit na mahalaga, patuloy silang nag-aasembliya at nagdedemonstrasyon upang gamitin ang kolektibong karapatan ng mamamayan at ipakita ang pagtutol sa paghahari ng teror ni Duterte at isigaw ang pagpapatalsik sa pasistang naghahari-harian.
Ipinapahayag din nila ang kanilang mga hinaing laban sa nagtataasang presyo, pabigat na mga buwis, mababang sahod, bulok na imprastrukturang pampubliko, kawalan ng batayang panlipunang serbisyo, pinatungang mga proyekto ng gubyerno, malawakang pagpapalit-gamit at pang-aagaw ng lupa, mga proyektong imprastrukturang sumisira sa kalikasan, pork barrel, pagsuko ng rekurso at patrimonya ng bansa, presensyang militar, panghihimasok at suporta ng US sa pasistang rehimen, at iba pang pasan nilang problema.
Habang naglulunsad ang sambayanang Pilipino ng mga pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista sa ilalim ng rehimeng Duterte, parami nang parami ang lumalahok sa lihim na rebolusyonaryong kilusan. Patuloy na lumalapad ang mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front sa kanayunan, sa mga syudad at sentrong bayan, gayundin sa ibayong dagat. Sila’y malawak na suportang base para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.
Patuloy na lumalakas ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Matatag nitong pinamumunuan ang hukbong bayan at binubuklod ang sambayanang Pilipino upang labanan at patalsikin ang pasistang rehimeng US-Duterte.
Sa gitna ng lumulubhang kalagayan ng sistemang malakolonyal at malapyudal, dapat pukawin sa kanilang walang kapantay na bilang ang malawak na masa upang maglunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Tinutulak ng bulok, pasista at papet na rehimen ni Duterte ang mamamayang Pilipino upang sumapi sa BHB sa pagsusulong nito ng digmang bayan sa mas mataas pang antas.
Mapangahas na paigtingin ang pakikidigmang gerilya! Todong labanan ang rehimeng US-Duterte at isulong ang digmang bayan!
Itinatag ang BHB sa ikalawang distrito ng Tarlac limampung taon na ang nagdaan na may 60 Pulang mandirigma, siyam na ripleng awtomatik at 26 mas mahinang armas. Mayroon itong 80,000 baseng masa. Sa kasalukuyan, may ilanlibong Pulang mandirigma ang BHB na naaarmasan ng matataas na kalibreng baril. Mayroon din itong di-hamak na mas malaking bilang pa ng pwersa sa mga yunit ng milisyang bayan at mga kwerpo sa pagtatanggol-sa-sarili na gumagamit ng mga sandatang mas mahihina at katutubo at mga pasabog. Kumikilos ito sa mahigit 120 larangang gerilya na sumasaklaw sa mahigit 8,000 baryo sa may 700 bayan at lungsod ng 70 prubinsya. Tinatamasa nito ang suporta ng daan-daanlibong masang aktibista at baseng masa na umaabot ng milyun-milyon.
Ang mga tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan sa nagdaang limampung taon ay patunay ng kawastuhan ng pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at pamumuno ng Partido Komunista. Patuloy na pinauunlad at pinagyayaman ng Partido ang estratehiya at mga taktika ng digmang bayan sa Pilipinas sa pamamagitan ng paghalaw ng mga aral mula sa sarili nitong mayamang karanasan, gayundin mula sa mga karanasan ng ibang bansa at sa mapanlikhang paglalapat ng batayang mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan at praktika ng rebolusyong Pilipino.
Sa takbo ng limang dekada ng digmang bayan, nakapagtayo tayo ng isang hukbong bayan sakop ang buong bansa na mulat sa pulitika, disiplinado at determinadong maglunsad ng digmang bayan. Naglulunsad ito ng malaganap at maigting na pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Nakapagtayo ito ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika na nagsisilbing pundasyon sa pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan na kumakatawan sa interes ng mga manggagawa, magbubukid at iba pang progresibong sektor at makabayang mga uri. Malawakang isinasagawa ang reporma sa lupa upang tugunan ang pangunahing demokratikong kahilingan ng mamamayang Pilipino. Nalampasan ng mga tagumpay na ito at ng maraming iba pa yaong mga nakamit sa nagdaang tatlo’t kalahating siglo ng paglaban sa kolonyalismo at neokolonyalismo.
Binigo ng BHB ang lahat ng tipo ng mga kampanyang pagkubkob at gradual constriction na dinirihe at sinuportahan ng US at inilunsad ng AFP sa nagdaang limampung taon. Katulad ng lahat ng nagdaang plano, mabibigo ang Oplan Kapayapaan ni Duterte at National Internal Security Plan nito sa idineklarang layuning durugin ang BHB pagsapit ng 2022.
Isinusulong ng sambayanang Pilipino ang kanilang anti-imperyalista, antipyudal at antipasistang mga pakikibaka, pinalalapad ang kanilang nagkakaisang prente at lumalaban sa pasistang rehimeng US-Duterte.
Sa ilalim ng pamumuno ng Partido, desidido ang BHB na isulong ang digmang bayan tungo sa abanteng subyugto ng estratehikong depensiba at ihatid ito papalapit sa bungad ng estratehikong pagkakapatas. Dapat kumpletuhin ng BHB ang mga tungkulin sa kasalukuyang gitnang yugto laluna yaong mga batayang tungkuling pagpapaunlad sa pormasyong platun bilang batayang pormasyon, pagbubuo ng laking-kumpanyang mga larangang gerilya at kumpol ng mga larangang gerilya, pag-aarmas sa papalaking bilang ng mamamayan upang maglunsad na malawakang pakikidigmang gerilya ng masa, at pagsusulong ng malaganap at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalawak at papalalim na baseng masa. Alinsunod sa 5-taong Programa ng Komite Sentral, mando ng Partido sa BHB ang mapangahas na paigtingin ang pakikidigmang gerilya sa buong bansa at isulong ang todong paglaban sa pasistang rehimeng US-Duterte.
Dapat patuloy na magpalakas, magpalawak at sumulong sa buong bansa ang BHB, at abutin ang mas epektibong tulungan at koordinasyon sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya sa buong bansa. Dapat tayong magpaunlad ng 7-10 abanteng mga rehiyon na may humigit kumulang 2,000 Pulang mandirigma bawat isa, na nakalatag sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Dapat magpaunlad ang Partido at BHB ng abanteng mga rehiyon na may 3-5 kulumpon ng mga lakas-kumpanyang larangang gerilya. Magsisilbi ang mga ito bilang mga taliba at angkla para sa inter-rehiyunal at pambansang pagsulong. Kung mayroong mga kulumpon na may isa hanggang dalawang regular o maliit na kumpanyang nagsisilbing sentro de grabidad, at mga pwersang horisontal na 9-15 platun sa 3-5 magkakatalikurang larangang gerilya at kung may ilandaang yunit ng milisyang bayan na nakalatag sa mga baryo at bayan, mas epektibong malalabanan ang pangmatagalan at malakihang mga kampanyang militar at atake at nagbibigay ng sapat na lapad at lalim para sa tuluy-tuloy at lahatang-panig na pag-unlad ng pakikidigmang gerilya, rebolusyong agraryo at baseng masa.
Dapat ilang ulit nating palakasin ang BHB at itaas ang kakayahan nito sa paglipol sa mga tim at iskwad ng kaaway, at kalauna’y buu-buong mga platun. Sa bawat rehiyon at subrehiyon, dapat tayong magkaroon ng isang kumpanya ng mga Pulang mandirigma na magsisilbing pwersang bertikal batay sa tumbasang isang kumpanyang bertikal na may tatlong platun sa bawat siyam na platung horisontal (1:3).
Patuloy nating sinusunod ang pagpakat ng horisontal at bertikal na mga yunit gerilya sa tumbasang 70-30. Sa karanasan ng iba’t ibang rehiyon, ang pinakaproduktibong mga panahon ay yaong mahusay na naipakat ang mga platun para sa tuluy-tuloy na gawaing masa at malaganap na pakikidigmang gerilya sa estratehikong mga lugar. Tinuturo ng ating mga karanasan na ang mga problema, kahinaan at limitasyon ay lumilitaw at may tendensyang dumami kung masyadong manipis nating ikinakalat ang ating mga pwersa sa maliliit na horisontal na yunit at kinakaligtaang magbuo ng katumbas na mga bertikal na yunit, at kabaliktaran nito, kapag ang mga pwersang bertikal ay di-napapanahong binubuo at walang katumbas na latag ng mga horisontal na yunit.
Kinakatawan ng mga pwersang horisontal ang latag at igting samantalang kinakatawan ng mga pwersang bertikal ang konsentrasyon at ilang elemento ng regular na pakikidigmang makilos sa layong hakbang-hakbang na paunlarin ang anihilatibong kapasidad ng hukbong bayan. Kumpara sa mga pwersang horisontal, mas konsentrado ang mga pwersang bertikal at nakakikilos sa mas malawak na mga lugar nang mas mabilis, nang nagsasarili o kasama ang mga pwersang horisontal kung kinakailangan, upang birahin ang mga nahihiwalay at bulnerableng mga yunit ng kaaway. Sa pagitan ng mga labanan, dapat din silang tumulong sa paglulunsad ng mga kampanya at pakikibakang masa, lumahok sa produksyon, magsagawa ng mga pagsasanay, edukasyon at pampulitikang gawain. Upang maging tunay na mga sentro de grabidad ng mga pwersang horisontal at makapagbigay prayoridad sa pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba, dapat hindi natatali ang mga bertikal na yunit sa isang partikular na larangan o sona o di kaya’y naitatalaga bilang pwersa ng mga punong himpilan o pwersang panseguridad ng malalaking pulong.
Upang maayos na makagampan ang mga pwersang gerilya ng kanilang pangunahing tungkulin ng paglaban sa kaaway, hindi sila dapat na nalilimitahan ng administratibong mga responsibilidad sa partikular na mga lokalidad. Dapat buuin ang hiwalay na mga komite ng Partido na hahawak ng responsibilidad sa komprehensibong pamumuno sa teritoryo at pangangasiwa sa mga seksyon, larangan at subrehiyon. Gayunman, hindi ibig sabihin libre sa gawaing masa at gawaing produksyon ang mga yunit gerilya. Sa katunayan, sila ang pangunahing pultaym na pwersa ng namumunong mga komite ng Partido sa mga teritoryo sa pagpapalawak at pagkonsolida ng baseng masa, pagsasagawa ng propaganda, pampulitikang edukasyon, pag-oorganisa, pagpapakilos sa hanay ng masa, pagsusulong ng pakikibakang antipyudal at iba pang kampanya at pakikibakang masa, pagpapatupad ng mga batas at patakaran ng gubyernong bayan, at pagsasagawa ng mga kampanya sa produksyon. Ang mga komite ng Partido sa antas seksyon ay mahigpit na nakikipagtulungan sa mga platung gerilya, kung saan nakabase ang kanilang bag-as.
Dapat nating mapagpasyang lutasin ang matagalang problema ng labis na pagkakalat ng mga pwersa at paglalatag ng ating mga pwersa nang labis na magkakalayo at magkakahiwalay sa mga iskwad at tim na lubhang limitado ang kapasidad para sa gawaing pangmilitar at pampulitika. Ito ang kadalasang resulta ng makaisang-panig na paghahabol ng pinakamalapad na maniobrahan kahit napakanipis at mababaw at pagkapit sa napakaraming estratehikong mga lugar na hindi epektibong nakikilusan. Walang-taning na naipagpapaliban o naisasaisantabi ang batayang mga tungkulin ng pagbubuo ng mga platun, lakas-kumpanyang larangang gerilya at mga kulumpon ng magkakatalikurang larangang gerilya. Ang karaniwang mga resulta ay konserbatismo sa militar at pulitika at pagkapasibo at mga pinsala sa hukbong bayan at baseng masa kapag inatake ng kaaway.
Dapat lagi nating tamang binabalanse ang pagpapalawak at konsolidasyon at matutong sumulong nang paalon-alon. Mahalaga ito laluna sa harap ng todong gera at malakihan at matagalang mga atake ng kaaway. Batay sa kabuuang lakas sa kadre, tauhan at armas, ang mga rehiyong nakikipagbuno sa problema ng labis na pagkakalat ay dapat magtakda ng bilang ng larangang gerilya at kulumpon ng mga larangang gerilya na makakaya nilang mapangasiwaan nang mahusay at mapaunlad sa tamang panahon, nang may malinaw na pagpaprayoridad sa iba’t ibang erya para sa tamang pagpakat ng limitadong tauhan at rekurso. Maging ang mga relatibong mauunlad na rehiyon ay dapat na magtakda ng malilinaw na prayoridad at mahigpit na koordinadong pagpaplano ng mga subrehiyon at larangan, at sa pagitan ng pagpapaunlad pa ng dati nang mga larangan at kulumpon at pagbubukas ng mga bago.
Magbuo ng paparaming mga yunit ng milisyang bayan at mga yunit pananggol-sa-sarili ng mga organisasyong masa, sanayin at armasan sila at itaas ang kanilang kakayahan sa paglulunsad ng pakikidigmang gerilya ng masa. Pinananatili nila ang kapayapaan at kaayusan at pinangangalagaan ang seguridad ng mga rebolusyonaryong organisasyon at aktibidad sa kanilang lugar. Gumagampan sila ng napakahalagang papel sa mga taktikal na opensiba, pagpapatrulya at mga aksyong haras laban sa nag-ooperasyong tropa ng kaaway, gawaing paniktik, at pagsawata sa mga espiya ng kaaway at kontrarebolusyonaryong kriminal. Nagsisilbi rin sila bilang reserbang pwersa ng hukbong bayan.
Dapat tayong magbigay ng karagdagang pagsisikap na buhaying muli ang mga operasyong partisano at muling buuin ang mga yunit partisano sa mga sentrong urban, sa mga pangunahing linya ng transportasyon at komunikasyon at iba pang bahagi ng likuran ng kaaway bilang kinakailangang suporta sa paglaban sa dumadaluhong na pasistang panunupil at terorismo at malakihang mga opensibang militar ng rehimen. Dapat tugisin ang malulupit na pasista at pagbayarin sa kanilang mga krimen kahit sa kanilang mga lungga sa bayan. Dapat pwersahin ang pasistang kaaway na laging magbantay at lumingon-lingon sa kanyang tagiliran at likuran. Sa ganitong usapin, dapat din nating pagbantayan ang nagdaang negatibong mga aral sa insureksyunismo, gangsterismo at pangunguna sa ligal na pakikibakang masa sa mga sentrong urban.
Dapat ilunsad ang mga kampanyang rekrutment upang himukin ang masa na sumapi sa mga yunit gerilya ng BHB, gayundin para lumikom ng suportang materyal at iba pa. Palakasin natin ang pagrerekrut ng mga kadre mula sa mga manggagawa at intelektwal.
Dapat palakasin ang BHB sa pamamagitan ng pagbubuo sa ideolohiya, pagpapalakas ng absolutong pamumuno ng Partido at mga organisasyon ng Partido sa loob nito; sistematikong pagsasanay para itaas ang kakayahan sa kombat ng mga yunit ng BHB; pagpapaunlad ng mga armas; pagtataas sa kamulatang pampulitika, diwang opensibo at kapasyahang lumaban ng mga Pulang mandirigma; at pagpapalakas sa kanilang bakal na disiplina at ugnay sa masa.
Dapat patuloy nating palakasin ang mga kumand ng BHB sa antas ng mga larangan, subrehiyon at rehiyon. Ang mga ito ang responsable sa mahigpit na pagsubaybay sa sitwasyon sa pulitika at militar sa kani-kanilang mga erya at antas, gumagawa ng wasto at napapanahong mga pagsasaayos sa gawain, pamamaraan at maniobra batay sa mga pagbabago sa operasyon at galaw ng kaaway, at pagpapalakas ng pagpaplano, koordinasyon, kooperasyon at komunikasyon sa mga yunit ng BHB. Napakahalagang maging pleksible sila sa taktika at maagap sa pag-angkop sa mabilis na nagbabagong kalagayan sa mga larangang gerilya at kulumpon.
Dapat ding buuin ang mga kumand sa operasyon sa antas ng inter-rehiyon at pambansa upang isulong ang inter-rehiyunal na koordinasyon at kooperasyon, magsanay at magpaunlad ng malaking bilang ng mga kadreng militar para sa iba’t ibang antas at erya ng responsibilidad, at palakasin ang kakayahan ng BHB sa mga prayoridad na linya ng gawain sa militar at pulitika. Dapat nating biguin ang todong gera, gradual constriction, win-hold-win, kampanyang triad at nakapokus na mga operasyong militar ng kaaway.
Sa pangkalahatan, may sapat na pwersang gerilya at baseng masa sa bawat rehiyon para sa ibayong pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba at malakihang pagpapalawak at konsolidasyon ng baseng masa. Ang mga kahinaan ng indibidwal na mga rehiyon ay mapupunuan ng mas mahigpit na koordinasyon at kooperasyon sa mga interrehiyunal at pambansang antas, mas pleksibleng mga taktika at mas mahusay na pagpapakilos sa masa.
Napakahalaga at kailangangang-kailangan ang pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya upang isulong ang iba pang gawaing pampulitika at pangmilitar kapwa sa lokal at pangkalahatang konteksto. Dapat laging bigyang pansin ng mga namumunong komite ng Partido ang gawaing militar. Dapat nating iwaksi ang sobrang tiwala sa sarili, pagkapasibo, labis na pagkakalat ng mga pwersa at iba pang mga problema na nag-aalis ng inisyatiba ng BHB.
Dapat nating lubos na magamit ang armadong lakas ng BHB, ang malalim at malawak na suporta ng mamamayan at ang ating pagkadalubhasa sa kalupaan upang bigwasan ang kaaway nang mas malaki at mas madalas. Maglunsad tayo ng maayos na naplanong mga taktikal na opensibang tiyak ang tagumpay at may layong lumipol sa mga yunit ng kaaway at pagkuha sa kanilang mga sandata. Ikonsentra ang mas malaking pwersa upang maglunsad ng sorpresang mga atake laban sa mas mahina, mas maliit at nahihiwalay na mga yunit ng kaaway. Mag-ipon ng mga tagumpay mula sa maraming mga suntok sa katawan kakumbina ng pana-panahong bira sa ulo. Dapat targetin ng BHB ang pinakamasasahol na pasistang kriminal, parusahan sila sa kanilang mga abuso at basagin ang isip nilang hindi sila mapananagot o makakanti.
Dapat mahusay at maagap tayo sa paglagom ng ating mga karanasan sa mga labanan at pagpapalaganap ng mga aral mula sa mga ito. Dapat tayong matuto mula sa matatagumpay na anihilatibong taktikal na opensiba sa iba’t ibang erya, mula sa mga karanasan ng lubos na pagsamantala sa kapaguran at kahirapan ng kaaway para birahin siya nang matindi, mula sa mabilisang pagpakat ng mga pwersa upang sagpangin ang mga oportunidad at mag-kontrabira sa mga umaatakeng tropa ng kaaway, mula sa mahusay na naplano at mahusay na naisagawang mga operasyong partisano laban sa mga yunit paniktik ng kaaway, at mula sa malaganap at epektibong paggamit sa atritibong mga operasyon.
Dapat nating ipalaganap ang mga aral mula sa mga karanasan sa paglulunsad ng mga gerilyang kontra-kampanya na nagkukumbina ng magkakasunod na anihilatibong opensiba at malaganap na atritibong mga aksyon, sa mahusay na paniktik sa erya at kilos ng kaaway, napakahusay na plano sa erya at labanan, kabilang ang mga plano matapos ang laban upang kontrahin ang reaksyon ng kaaway at mabilis at di-inaasahang pagpihit sa ibang erya ng operasyon upang lituhin ang kaaway. Dapat nating anihin ang mga nakamit na tagumpay upang maramihang magrekluta ng bagong mga Pulang mandirigma, magbuo ng mas maraming yunit ng BHB at ikonsolida at palaparin ang baseng masa at mga larangang gerilya.
Ganap nating pangibabawan ang konserbatismong militar at pagsikapang laging kunin ang taktikal na inisyatiba. Bunutin natin at iwaksi ang maling mga ideyang nasa ugat ng gayong mga kahinaan kabilang ang labis na pagtaya sa lakas ng kaaway at pagmenos sa lakas ng masa at ng kanilang hukbo. Dapat pagtibayin ang ating pasyang pangibabawan ang takot sa sakripisyo at paghahangad sa kaalwanan.
Dapat lagi nating iwasan ang mga labanang wala sa ating inisyatiba o bentahe. Napakahalaga para sa mga yunit gerilya ang istriktong pagsisikreto at pagkilos nang walang padron at bakas. Dapat nating pataasin ang kamulatan at pagbabantay laban sa pagkakalantad sa kaaway, bulagsak na manera at estilo ng paggawa, labis at abusadong paggamit ng mga selpon, tablet at iba pang kagamitang elektroniko na bulnerable sa pagsubaybay at pagmonitor ng kaaway. Laging bigyan ng masusing pansin ang pagpigil at pagbaklas sa mga lambat paniktik at mga espiya ng kaaway.
Armadong propaganda ang tipo ng gawaing masa sa mga larangang gerilya. Binubuo ito ng pagsusulong ng gawaing militar, mga taktikal na opensiba, paglaban sa mga opensiba ng kaaway at pagtataas sa kakayahang militar ng hukbo at bayan sa pamamagitan ng pagtatayo ng kanilang mga yunit para sa pagtatanggol-sa-sarili at mga yunit ng milisyang bayan. Kabilang din dito ang tuluy-tuloy at buhay na propaganda at gawaing edukasyon sa hanay ng masa na dapat ay nagreresulta sa pagbubuo ng mga sangay ng Partido sa lokalidad at mga grupo, komiteng seksyon, organisasyong masa at organo ng pampulitikang kapangyarihan.
Dapat nating itaas ang kakayahan ng lokal na mga rebolusyonaryong pwersa na ilunsad ang kanilang mga gawain upang ilibre ang lokal na mga yunit ng hukbo mula sa detalyadong pangangasiwa at bigyan ang mga ito ng panahong magkonsentra sa iba’t ibang aspeto ng gawaing militar. Dapat mayroon tayong malakas na mga komite ng Partido sa antas ng larangan at seksyon upang pamunuan ang masa sa ngipin-sa-ngiping paglaban sa pasistang teror at mga operasyon ng kaaway na nagkakait ng base.
Lalong pinatitingkad ng pasistang panunupil at terorismo ang pangangailangang ikumbina ang iba’t ibang tipo at porma ng organisasyon at pakikibakang masa sa kanayunan. Dapat tayong magbuo ng mga lihim na organisasyon upang magsilbing matibay na bag-as sa mga pakikibakang masa. Kaalinsabay, dapat nating himukin ang masa na magbuo ng mga ligal at hayag na mga tipo ng organisasyon, gayundin ng mga tipong tradisyunal at depensibo, upang igiit ang kanilang ligal at demokratikong mga karapatan sa ilalim ng reaksyunaryong batas upang bigyan sila ng mas malapad na maniobrahan sa paglulunsad ng kanilang mga aktibidad at pakikibaka. Dapat ding itatag, isustine at palaparin ang mga ugnayan at suporta mula sa mga demokratiko at mapagkaibigang sektor at elemento sa mga sentrong urban.
Dapat buong-lakas na ilantad at labanan ang malakihang mga pasistang atake laban sa mga sibilyang komunidad na tipong-SEMPO. Dapat lubusang ilantad sa publiko ang mga pasistang krimen. Dapat kunin ang simpatya at suporta ng pinakamalawak na seksyon ng populasyon at ng mga malakas umimpluwensya sa upinyong publiko. Dapat tukuyin, kasuhan at papanagutin sa kanilang mga krimen at utang na dugo ang mga tagadisenyo at tagapagpatupad ng gayong mga kabuktutan.
Ang lakas ng BHB ay pangunahing nagmumula sa batayang alyansang manggagawa at magsasaka. Dapat patuloy nating bigyang prayoridad ang pagsusulong ng pakikibakang antipyudal at pangunahing sumalig sa maralita at mababang-panggitnang magsasaka at manggagawang bukid habang kinakabig ang mga panggitnang magsasaka at ninunyutralisa ang mayamang magsasaka. Nakikipagkaisa at nakikipagtulungan din tayo sa mataas na saray ng uring magsasaka, panggitnang elementong di-magsasaka, naliliwanagang panginoong maylupa at iba pang positibong pwersa at elemento sa balangkas ng pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prenteng antipasista, antipyudal at anti-imperyalista at ang pinakamalapad na nagkakaisang prente laban sa pasistang rehimeng US-Duterte.
Dapat din nating palakasin ang batayang alyansang manggagawa at magsasaka at ang pakikibakang antipyudal sa hanay ng Lumad at iba pang pambansang minorya nang may mahigpit na koordinasyon sa pagsusulong ng komprehensibong alyansa at pakikibaka para sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili at pagbubuo ng pambansang nagkakaisang prente.
Dapat pagpunyagian at isulong ang ligal na pakikibakang masa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan at iba pang demokratikong uri at sektor sa mga lungsod. Dapat matatag na labanan ng ligal na demokratikong kilusan ang pasistang panunupil at intimidasyon, labanan ang batas militar at banta ng hayagang pasistang diktaduryang paghahari, igiit ang kanilang mga demokratikong karapatan, at magpursige sa pangunahi’y ligal na pakikibaka sa mga sentrong urban. Ang mga aktibistang nanganganib na paslangin, dukutin, itortyur at ikulong ng mga pasista ay dapat himukin na tumungo sa kanayunan at sumapi sa BHB.
Dapat palaparin ang nagkakaisang prente laban sa tiraniya ni Duterte. Dapat itong makipagkaisa sa pinakamalaking bilang ng mga organisasyon, grupo at elementong lumalaban sa pagbabago ng konstitusyon para sa pekeng pederalismo at diktadura, militarismo, pasistang panunupil at terorismo ni Duterte.
Dapat masugid na ipatupad ng hukbong bayan ang mga tungkuling iniatas sa kanya ng Partido. Ang mga kadre na namumuno sa BHB, katuwang ang mga Pulang kumander at mandirigma ay dapat laging magpakahusay sa pagkatuto at paghalaw ng mga aral sa paggampan ng mga tungkulin mula sa isang antas patungo sa mas mataas, na laging mulat sa kabuuang plano.
Sa pangungulo ng Partido, ang BHB ay determinadong determinado na lagpasan at biguin ang todong mga opensiba ng kaaway, labanan ang pasistang pagdaluhong ng rehimeng Duterte at parusahan ito sa lahat ng malupit na krimen nito laban sa mamamayan.
Sa kasalukuyang pambansang lakas at latag ng BHB, nasa katayuan ito na isulong ang digmang bayan sa di pa naaabot na antas sa mga darating na taon. Sa inspirasyon ng mga tagumpay ng kanilang hukbo, buo ang pasya ng mamamayang Pilipino na isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon at kamtin ang tagumpay sa di malayong hinaharap.